Sabado, Hunyo 18, 2022

PAGKAKAISA SA PAGBABAHAGINAN: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 19, 2022 - SYNODALITY

Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! At ang exiting part ay masarap kumain kapag may manlilibre sa 'yo!  Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo" at hindi solo-solo.  Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka!  Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong tinatawag na sharing! 

Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan  sapagkat ito ay isang pagsasalo.  Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! At ang Diyos mismo ang nagbabahagi ng kanyang sarili sa atin bilang atin  pagkain.  Ang ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa pagpaparami ni Hesus ng tinapay upang makakain ang napakaraming taong nagtiyagang sumunod sa kanya upang makinig sa kanyang mga aral. Paano ba nangyari ang himala?  May nag-alay ng kanyang baon na limang tinapay at isang isda.  Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung kanino nanggaling ito, ngunit sa ibang sipi ng eganghelyo ay may nagsasabing ito ay nagmula sa baong dala-dala ng isang bata.  Hindi nahiya ang taong ito na ibigay kung ano ang mayroon siya at dahil doon ay naisagawa ni Hesus ang himalang pagpaparami ng tinapay.  May mga tagapagpaliwag ng Banal na Kasulatan na nagsasabing maari ring ang mga taong sumunod kay Hesus ay may dala-dala naman talagang baon at ng makita nila ang ginawa ng bata ay naglabas na rin sila ng kanilang mga itinatagong pagkain.  May katotohanan man ito ay maituturing pa ring isang himala ang nangyari... ang himala ng pagbabahaginan... the miracle of sharing!  Mula sa pagiging makasarili ng mga taong itro ay nabuksan ang kanilang puso sa pangangailangan ng iba at nagawa nilang ibahagi kung ano ang mayroon sila. 

Kapag tayo ay tumatanggap ng katawan ni Kristo sa komunyon ay ipinapakita sa atin ng pari o ng ministro ang Banal na Ostia at naririnig natin ang mga salitang: "Ang katawan ni Kristo!"  at ang sagot naman natin ay "Amen!" na ang ibig sabihin ay naniniwala ako!  Ano kaya kung mamaya kapag kayo ay lumapit upang tumanggap sa komunyon ay hindi ko ipakita ang tangan-tangan kung Banal na Ostia at itago ito sa aking likod, ano kaya ang isasagot ninyo?  Amen pa rin ba?  O sasagot ba kayo?   Dapat lang na AMEN pa rin ang ating sagot sapagkat tayo ay bahagi ng katawan ni Kristo.  Kung naniniwala tayong tinatanggap natin sa Sakramento ng Komunyon si Hesus sa ating puso dapat maniwala rin tayo na tinatanggap din natin si Hesus sa ating kapwa!              

Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa!  Sa Ikalawang pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. 

Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito at nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Dahil dito, ang bawat isa sa atin ay nagiging instrumento ng pagbabahaginan at ng pagkakaisa.  Sa pamamagitan ng hindi makasariling pagbibigay ay ipinapakita nating tunay ngang ang Banal na Eukarisitya at sakramento ng pagbabahaginan.

Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang magbahagi. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!"  Lahat tayo ay maaaring magbahagi.  At ang una nating dapat ibahagi ay si Hesus.  Ngunit alam nating hindi mo maaring ibigay kung ano ang wala ka.  We cannot give what we do not have.  Ibig sabihin ay nararapat na nasa puso natin si Hesus upang maibagi natin Siya sa iba.  Ito ba ang nangyayari kapag tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Sakramento?  

Sa Banal na Eukaristiya ay naniniwala ako na ang aking tinatanggap ay hindi lamang simbolo. Naniniwala ako na ito ay ang tunay na Katawan ni Kristong aking Panginoon taglay ang buo niyang pagkaDiyos at siya ay mananahan sa aking puso.  Ngunit higit sa lahat naniniwala din ako na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na aking tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa na nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! 

Sikapin nating matutong kilalanin si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! Isabuhay natin ang kahulugan ng Eukaristiya bilang SALO-SALO SA HAPAG NI KRISTO.  Iisa ang ating pinagsasaluhan.  Iisa ang biyayang ating tinatanggap.  Iisa ang pagpapalang ating ibinabahagi.  

Kung naniniwala tayo sa kasabihang "every gising is a blessing". ay dapat din sigurong maniwala tayong EVERY NGUYA IS BIYAYAHindi lang sapagkat mahalaga sa atin ang biyayang ibinibigay ng pagkain ngunit sapagkat ang pagkain ay nagsisilbing pamamaraan upang makamit natin ang pagkakaisa sa pagbabahaginan.  Halina't tanggapin at ibahagi natin si Kristo sa iba!

Walang komento: