Sabado, Hulyo 30, 2022

KAYAMANAN NG HANGAL: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - July 31, 2022 - 500 Years of Christian Faith

Tumataya ka ba sa lotto?  Ano kaya ang iyong magiging re-aksyon kapag sinabihan kang nanalo ka sa lotto ng 20 million pesos sa jackpot draw ng Lotto?  Ito kasi ang jackpot prize last July 29, 2022, to be exact Php 20,628.393.  Pero alam nyo ba ang pinakamalaking napanalunan sa lotto ay noong Oct 18, 2018? Nagkakahalaga ito ng 1.18 billion pesos at mayroong dalawang nanalo.  Marahil kung ikaw yun ay matutulala ka. Marahil mapapatalon ka sa tuwa. Marahil mahihimatay ka.  Marahil aatakihin ka sa puso!  

Ito ang naging problema ng isang pamilya ng malaman nilang nanalo ang kanilang lolo ng 20 million pesos sa lotto.  Paano nila sasabihin sa kanya ang magandang balita sa kanilang lolo na hindi niya ikakamamatay sapagkat siya ay matanda na at may sakit sa puso.  Naisip nilang magpatulong sa kanilang kura-paroko sapagkat siya ay matalik na kaibigan ng kanilang lolo. Sinabi nila ang mahirap na sitwasyon at pumayag namana ang butihing pari.  Kaya't isang gabi ay bumisita ang pari sa kanilang bahay.  Nag-usap ang dalawang magkaibigan at ng makakuha ang pari ng tamang tiyempo ay tinanong niya ang matanda: "Lolo, kung sakali bang mananalo kayo ng 20 million sa lotto, ano ang gagawin ninyo?"  Walang pasubaling sumagot ang matanda: "Aba, padre dahil magkaibigan tayo ay ibibigay ko sa simbahan ang kalahati!" At biglang bumulagta ang pari, nangisay... inatake sa puso!  

Ikaw nga naman ang magkaroon ng ganung kapalaran!  Ngunit may mga taong hindi pabigla-bigla. Magaling silang mag-isip.  Madiskarte sila.  Mautak.  Yun lang nga sila rin ay sakim. Makasarili. Ito ang babala sa atin ni Jesus: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan."  

Masama ba ang magkaroon ng pera? Masama ba ang magmay-ari ng kayamanan? Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang kayamanan.  Ang hindi niya rin sinasabing mali ang magpayaman.  Ang nais niyang ipaintindi sa atin ay ang dapat nating pinahahalagahan sa ating buhay.  Hindi ang mga bagay na materyal ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. 

Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!"  Hindi niya sinasabing huwag na tayong maghangad ng mga bagay upang umunlad ang ating buhay! Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito. Mag-ingat sa anumang uri ng  kasakiman! "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan," ang paalala sa atin ng Panginoon.

Sa ating Ebanghelyo ay pinapaalalahanan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para lamang sa sarili ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! "Hangal! Sa gabing ito'y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?"  ang sabi ng Paginoong Diyos sa taong masyadong nasilaw sa kanyang kayamanan.  Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin.  Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi sana natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan.  Ito ang ibig sabihin ng katagang "Store your treasures in heaven."  Kaya nga, kung may balak tayong magpayaman sa mundong ito ay unahin muna natin ang magpayaman sa mata ng Diyos! Ito ang ang paalala ni San Pablo sa mga taga Colosas ng sabihin niyang "Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa..."  

Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Ang tawag sa atin ay mga "katiwala ng Diyos."  Pinagkatiwalaan niya ng ating oras, talento at kayamanan.  Paano natin ginagamit ito?  Paano natin ibabalik ito sa kanya?  Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin.  May kuwento ng isang mayamang nag-aagaw buhay at sa kanyang mga nagtitipong mga anak at kamag-anak ay naghabilin siya na kapag siya ay mamatay na at ilalagay na sa ataol ay lagyan nila ito ng butas sa magkabilang gilid at ilabas nila ang kanyang kamay.  Nang tanungin siya kung bakit ay sumagot siya: "Nais kong ipaalam sa mga makikiramay na kahit gaano ako kayaman ay wala akong dadalhin sa hukay."  

Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo!  Sikapin nating itama ang ating pagpapahalaga sa buhay!  Tingnan natin ang ating mga puso kung ano ba ang nilalaman nito sapagkat ito ang makapagsasabi kung anung uring tao tayo.  Ibalik natin ang ating loob sa Diyos kung saka-sakaling nilamon na ng kasakiman ang ating mga puso.  

Unang magagawa natin ay ang magpasalamat kung ano ang mayroon tayo.  Kadalasan kasi ay mas nakikita natin ang wala tayo na mayroon sa iba.  Tandaan natin na tayong lahat ay biniyayaan ng Panginoon. Pero tandaan natin na tayo rin ay kanyang pinagkatiwalaan.  Magkaroon tayo ng isang pusong marunong tumanaw ng utang na loob sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagpapasalamat.  

Pangalawa ay maging mapagbigay tayo na walang hinihintay na kapalit. Magkaroon tayo ng puso sa mga taong lubos na nangangailangan.  Buksan natin ang ating mga puso sa tunay na pagbabahaginan. Ano ba ang tamang disposisyon natin sa pagbibigay.  May nabasa ako na ganito ang sinasabi: "I learned to give not because I have many but because I know how it feels to have nothing!"  Kaya nga't mas makahugan ang pagbibigay ng isang taong walang-wala sa buhay.  Ang paalala ng turo ng Simbahan sa ating lahat: "Walang taong masyadong mahirap upang magkaloob ng tulong sa iba; at wala ring taong sobrang yaman upang hindi mangailangan ng tulong ng iba."

Ang pagkakaron ng pusong marunong magpasalamat at mapagbigay ang paraan upang malabanan natin ang kasakiman sa mundo.  Ito lamang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kayamanan at kaligayahan.  Kung meron ka nito ay para ka na ring nanalo sa lotto.  Hindi ka magiging mayamang hangal!

Sabado, Hulyo 23, 2022

DIYOS NA ATING AMA: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 24, 2022 - 500 YEARS OF CHRISTIANITY

Ano ba ang ibig sabihin kapag sinabi nating ang Diyos ay ating ama?  Araw-araw ay tinatawag natn siyang Ama sa pagdarasal ng Ama Namin.  Naiintindihan ba natin ang panalanging ito?

Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng malamig na San Miguel Beer!"   Sa kuwento ay makikita natin ang ganitong katangian ng isang ama:  madisplina ngunit may puso, maprinsipyo ngunit marunong umunawa, makatarungan ngunit maawain.  Kahanga-hanga ang mga magulang na kinakikitaan ng ganitong balanseng katangian.  

Sapul pa sa ating pagkabata ay naituro na sa atin na ang Diyos ay ang ating ama.  Bilang Ama, ang sangkatauhan ang kanyang anak. Kilala  at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuring n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin.  

Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..."  Nang hilingin ng mga alagad kay Hesus na turuan silang magdasal ay ito ang kanyang winika: "Kung kayo'y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:  Ama, sambahin nawa ang ngalan mo. Magsimula na sana ang iyong paghahari..."  Nais ng ni Hesus na tawagin natin ang Diyos na Ama at nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Tatay... Papa... Daddy,  sapagkat Siya ang Amang nangangalaga sa akin.

Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan sapagkat hindi Niya mapaghihindian ang pangungulit ng kanyang mga anak tulad ng lalaking nanghihingi sa Ebanghelyo. Ang sabi ng Panginoon: "Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito."  Kaya nga kinakailangan tayong magpumilit sa ating pananalangin.  Ang Diyos bilang Ama ay laging tumutugon sa ating mga kahilingan.  Kapag ipinagkaloob Niya ang ating mga panalangin ay sapagkat sinubukan niya ang ating pananampalataya.  Kapag pinatatagal ng Diyos ang pagsagot sa ating mga panalangin ay sapagkat marahil ay sinusubukan niya ang ating pasensiya.  At kapag hindi naman sinagot ng Diyos ang ating kahilingan ay sapagkat sa kadahilanang may mas mabuti siyang plano para sa atin.  Sa madaling salita ay tumutugon ang Diyos sa ating mga dasal ngunit ayon sa kanyang kalooban at hindi sa ating nais.  "Sundin ang loob mo dito sa lupa para ng sa langit!"  Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hilingin sa Kanya. Kaya nga sabi ng Panginoon: "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo.  

Sa panalanging itinuro ni Jesus ay hinihingi rin nating patawarin ang ating mga kasalanan ngunit sa kundisyong kaya nating patawarin ang mga nagkakasala sa atinBe merciful like the Father. Walang lugar sa puso ng "anak ng Diyos" ang pagtatanim ng galit at paghihiganti sa kadahilanang tayong lahat ay magkakapatid.  Ang mga karahasang nangyayari ngayon sa ating mundo ay nagpapakita kung gaano pa kalayo ang ating pagkilala sa Diyos bilang "Ama". Walang kapatid na nais hangarin ang kamatayan ng kanyang kapatid.  Nakakabahala na marami ang sumasang-ayon sa mga nangyayaring patayan halos araw-araw sapagkat walang malaking pagtutol na lumalabas tungkol dito. Kung naniniwala tayo na may iisa tayong Diyos na tinatawag na "Ama",  dapat ay maniwala rin tayo na tayong lahat ay magkakapatid.  Kaya't dapat tayong magpatawad kung nais nating mapatawad.  

Sa “Ama Namin,” ipinahahayag natin di lamang ang pagiging Ama ng Diyos kundi pati ang pagiging magkakapatid ng lahat ng tao. Ipinahahayag natin ang panawagan sa atin para bumuo ng Kaharian sa pamamagitan ng pagmamahalan, pagpapatawaran, at pagkakaisa sa paglaban sa kasamaan at pagpapalaganap ng kabutihan sa lahat ng lugar. Gawin natin ang “Ama Namin” na bukal ng inspirasyon sa araw-araw.  (hango sa pambungad ng Patnubay sa Misa, Hulyo 24, 2022)

Sabado, Hulyo 16, 2022

PAKIKINIG AT PAGTANGGAP: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 17, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Tayong mga Pilipino ay may isang natatangi at maipagmamalaking katangian.  Tayo raw ay mga taong naturally hospitable o likas na mainit tumanggap ng mga panauhin.  Sa katunayan, sa sobrang pagka-hospitable natin sa China ay ayaw na nilang iwanan ang mga isla sa West Philippine Sea at ngayon ay tila silang mga kabuteng nagsulputan sa iba't ibang panig ng bansa!  Pati nga ata mga isda na nasa ating teritoryo ay maaring galing sa Tsina kaya dapat tayong maging "hospitable" sa mga ilegal na nangingisda sa ating exclusive economic zone!  Pero sa totoo lang, hindi mo naman sigurong kinakailangang maging graduate ng UP para sabihing mas malapit ang Scarborugh Shoal sa Pilipinas kaysa China.  Common sense lang ang kailangan ika nga! At ngayong bago na ang mga namumuno sa ating gobyerno ay malaking katanungan kung ipaglalaban ba natin ang ating karapatan sa mga nang-aangkin sa ating mga isla?  O baka naman katulad din ng dati na magiging sunod-sunuran na lamang tayo sa kanila?

Kaya nga't dinadaan na lang tuloy ng ilan nating mga kababayan ang kanilang pagkadismaya sa mga hugot lines: "Ang love life mo parang 9 dash line.. imbento!" "Mabuti pa ang West Phlippine Sea ipinag-agawan..." "Para kang coral sa west Philippine sea ... lulubog, SIRA!"  Maaring dinadaan lang ng marami sa atin sa biro ang mga nangyayari sa ating bansa ngunit siguro ay kinakailangan nating  pag-aralan at pag-isipang mabuti ang kahihinatnan ng ating bayan kapag hindi tayo kikilos at pababayaan lang natin ito.  Hanggang dyan na lang muna at baka sugurin pa ako ng mga trolls.   

Gayun pa man, dito man sa ating bayan o sa ibang bansa ay likas pa rin ang ating pagiging "hospitable".  Personal ko itong naranasan noong ako ay nakasama sa World Youth Day na ginanap sa Canada noong taong 2002.  Sa pagdating pa lamang namin doon at nalaman ng mga Pilipinong naninirahan sa Vancouver na may mga delegates na galing sa Pilipinas ay bumaha ng pagkain sa aming tinutuluyang parokya at parang may pistang naganap.  Noong ako naman ay naitalagang Assistant Parish Priest ng parokya ng Mayapa sa Laguna ay naranasan ko ang di mapapantayang hospitality ng mga taong taga-barrio. Kapag may pista sa isang barrio ay dapat mo ng ihanda ang iyong sarili sa buong araw na kainan. May sampung bahay akong binasbasan noon at lahat ay nagpakain.  Nakakainis sapagkat bawal ang tumanggi sapagkat sasama ang kanilang loob at ang mas nakakagalit ay pare-pareho ang luto ng kanilang ulam!  Gayunpaman ay nakakataba ng puso ang kanilang "hospitality".  Sa Tondo, ang aking lugar na pinanggalingan ay madalas kong marinig sa mga kalsada ang pagbating "Father... kain muna! O kaya naman ay... "tagay muna!"  O kapag walang mapakain sa bahay kukuha na lang sila ng photo album at isang basong tubig at maririnig mo ang mga salitang: "tingin ka muna ha?" at didiskarte na sila ng pangmerienda para sa kanilang bisita.  

Hindi lang naman sa ating mga Pilipino ang ganitong katangian.  Ang mga Hudio ay mas higit pa nga kaysa sa atin.  Sa unang pagbasa ay narinig natin ang pagtanggap ni Abraham sa tatlong anghel na nag-anyong tao at bumisita sa kanya.  Ipinaghanda sila ni Abraham ng makakain at lugar na mapagpapahingahan at nagantimpalaan naman ang kabutihang ito sapagkat ibinigay ng Diyos sa kanya si Isaac bilang kanyang anak sa kabila ng katandaan nilang mag-asawa. 

Sa Ebanghelyo ay nakita rin natin ang mainit na pagtanggap kay Jesus ng magkapatid na Marta at Maria. May pagkakabiba lang nga sa kanilang ginawang pagtanggap.  Si Marta, na mas nakatatandang kapatid, ay abalang-abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay piniling makinig sa tabi ni Jesus.  Sa kahuli-hulihan ay naging mas kalugod-lugod si Maria sa paningin ni Jesus sapagkat pinili niya ang higit na "mas mahalaga"... ang matuto at makinig sa kanya!

Tayo rin ay tinatawagang tanggapin si Jesus sa ating buhay.  Sa pagtanggap na ito ay dapat marunong tayong makinig sapagkat ito ang pagtanggap na kinalulugdan ng Panginoon.  Ang karaniwang sakit nating mga Kristiyano ay KSP: Kulang Sa Pakikinig.  Kalimitan sa ating pagdarasal ay tayo lang ang nagsasalita.  Bakit di natin ang bigyan ng puwang ang tinig ng Diyos sa ating buhay?  Ang Diyos din ay nagsasalita sa ating kapwa kaya dapat ay marunong din tayong makinig sa kanila. Kailan ka huling nakinig sa payo ng iyong mga magulang?  Mga magulang, nabigyan n'yo na rin ng pagkakataong magsalita at pakinggan ang inyong anak?  Kailan ka nakinig sa pangangailangan ng iyong kapwa o mga taong salat sa pagkalinga at pagmamahal?  

Ang tunay na pakikinig ay pagtanggap kay Jesus at ang pagtanggap sa Kanya ay nagbibigay ng kaligayahang walang hanggan.  Ipanalangin natin na nawa ay mas maraming tao lalong-lalo na ang mga kabataan ang "makinig" sa tinig ni Jesus na tumatawag sa kanila sa kabanalan... ang maging mabuting mamamayan at tapat na Kristiyano!  Ang PAKIKINIG kay Hesus ay pagbibigay ng puwang sa Kanya at PAGTANGGAP sa ating mga puso.  


Sabado, Hulyo 9, 2022

MABUTING SAMARITANO O SAMARITES KA BA? Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 10, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Anong pumapasok agad sa isip ninyo kapag sinabi kong ako'y isang "batang tundo?"  Si Father... astig! Siga... baka may tatoo!  Kapag sinabi kong ako'y lumaki sa "Tondo"  ay agad-agad ang sasabihin ng iba ay 'yan ay lugar na mabaho, marumi, magulo, lugar ni "Asyong Salongga"... Naku, mag-ingat ka dahil maraming kriminal at drug addict  d'yan!  Meganun?  Sapagkat Tondo ba, kriminal agad? Sapagkat Tondo ba mamamatay tao agad?  Di ba puwedeng "holdaper" o "snatcher" muna? hehehe... 

Kung minsan madali tayong ma-bias sa isang tao dahil sa kanyang anyo, estado sa buhay o lugar na pinanggalingan.  Pakinggan n'yo ang kwentong ito:  Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" 

'Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na ang kanilang pagkatao sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis, kotong cop yan! Kapag nakakita ng politician, trapo yan! Kapag nakakita ng artista, maraming asawa yan! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway 'yan! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung "Sino ang kanyang kapwa?"  ay sinagot niya ito sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa Talinhaga ng Mabuting Samaritano at sa huli ay isa ring tanong ang kanyang binitawan: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. 

Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway.  Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong, ng awa, ng pag-aaruga at higit sa lahat...ng pagpapatawad.  Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay kautusang nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso.  Ibig sabihin, ito ay kautusang napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at ng pagiging anak ng Diyos natin. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito.  

Huwag nating husgahan ang ating kapwa sapagkat ang sabi nga ni St. Mother Theresa ng Calcutta: "If you judge other people, you have no time to love them."  Marahil ay dapat lang nating mas palawing ang ating pang-unawa at pag-intindi sa kanilang kakulangan at kamalian.  Tandaan natin na ang ating kapwa ay ang taong nangangailangan ng ating AWA, UNAWA, at MABUTING GAWA!  Ito ang dahilan kung bakit ang ating Inang Simbahan ay may pagkiling sa mga taong mahihirap, mga taong biktima ng karahasan, ng kawalang katarungan, ng pang-aapi, dahil sila ang mga taong "mas nangangailangan".  Huwag sana tayong magdalawang isip na tulungan sila.  Ang sabi ng turo ng Simbahan ay: "Walang taong masyadong mahirap para tumulong sa iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba."  

Para sa ating mga Kristiyano ay may mas malalim na kadahilanan kung bakit tayo dapat tumulong sa ating kapwang nangangailan.  Ang sagot ni St. Mother Theresa sa nagtanong sa kanya kung paano niya ito nagagawa ay: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Kristo sa kanila!"  Ito pala ang susi upang matanggap natin ang hindi katanggap-tanggap at mahalin ang hindi kaibig-ibig... ang makita natin ang mukha ng Panginoong Jesus sa ating kapwa.  Isyu pa rin ngayon ang paglabag sa mga karapatang pantao lalo na sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug addicts o drug pushers.  Sa katunayan ay nagbigay na nga ng resolusyon ang United Nations upang tingnan kung may katotohanan ito.  May katotohanan ba ang mga paratang na may paglabag ang pagsasagawa nito sa karapatang pantao?  Isa lang naman ang malinaw na ating nakikita at naririnig sa mga balita, na may mga namamatay o napapatay na kung minsan ay may kasamang pang "collateral damage".  Ang mga drug users at mga drug pushers ay mga kapwa din natin na dapat ituring.  Marami na sa kanila ang namatay.  Marami na rin sa kanila ang sumuko.  Baka nga ang iba diyan ay mga kamag-anak natin, kaibigan o kakilala natin. Handa ba natin silang tanggapin bilang ating "kapwa?"  O baka naman sa kanilang pag-amin ay lalo lang nilang maramdaman na sila ay hiwalay at hindi na katanggap-tanggap sa ating lipunan?  Hindi solusyon na sila ay patayin o lipulin sa mundong ibabaw. 

Ang pagiging Mabuting Samaritano ay nagsisimula sa ating mabuting pag-iisip sa ating kapwa.  Pag-iisip na nagbibigay daan sa pagmamalasakit.  Ang taong may malasakit ay ramdam ang paghihirap ng iba kaya't hindi siya nagdadalawang isip sa pagtulong sa kanila.  Sikapin nating pagmalasakitan ang ating kapwang nangangailangan.  Baka naman sa halip na maging "mabuting Samaritano" tayo sa kanila ay nagiging "Mabuting SaMARITES" pa tayo na sa halip na makatulong ay nakakasama pa tayo dahil sa mga kinakalat natig tsismis at nakapapanirang mga salita.  Bantayan natin ang ating pag-iisip at lumalabas sa ating dila!  Iwasan nating magpahamak at maging mabuti tayo kahit sa mga taong masasama. Ang sabi nga ni Pope Francis: "Be good even if others are not!"  

Tugunan natin ng kabutihan ang kasamaan. Palitan natin ng kapayapaan ang karahasan.  Pairalin natin ang kultura ng buhay at hindi ng kamatayan!  Tahakin natin ang landas ng pag-ibig bilang isang "Mabuting Samaritano."

Sabado, Hulyo 2, 2022

PAGBABAGO: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 3, 2022

"May bagong silang, may bago ng buhay, bagong bansa, bagong galaw, sa bagong lipunan..."
  Natutunan kong awitin ito noong ako ay nasa elementarya pa lamang.  Magkakaroon na nga ba tayo ng tunay na pagbabago?  Kanino ba dapat magsisimula ito?   

Isang matandang lalaki ang panay ang paninisi sa Diyos kapag may nakita siyang kahirapan sa mundo. "Panginoon, nakita ko telebisyon ang mga nabiktima ng kalamidad, ang maraming taong namamatay sa gutom.  Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?"  Katahimikan lang ang tinanggap niyang kasagutan.  "Panginoon, maraming bata akong nakita na palaboy-laboy lamang sa lansangan at lulon sa droga at mga ipinagbabawal na gamot.  Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?" Katahimikan uli ang tugon ng Diyos.  Sa panghuli, nakakita siya ng matandang namamalimos sa labas ng simbahan.  Nabagbag ang kanyang kalooban at muling tinanong ang Diyos: "Panginoon, ano ang ginagawa mo para sa pulubing ito? Ba't di ka sumagot?"  Nang biglang binasag ang katahimikan ng isang tinig na mula sa langit.  "Anak, may ginawa ako. Ginawa kita. Ikaw... may nagawa ka na ba para sa kanila?"  At isang nakakabinging katahimikan ang sumunod. 
 

"Change is coming..." ang panawagan ng maraming Pilipinong umaasa na pagkatapos ng eleksiyon ay sa wakas gaganda na ang buhay ng bawat isa! Ngunit ang tanong ay "Paano at sino ang gagawa nito?"  Ang akala ng marami sa atin ay manggaling ito sa mga taong inihalal natin.  Kaya't marami sa atin ang umaasa na nasa kamay ng mga taong ito ang pagbabagong ating hinahangad.  Ngunit sa kalaunan ay mauunawan natin na ang tunay na pagbabago pala ay hindi nakasalalay sa iba kundi sa atin ding mga sarili.  Dapat ay may gagawin ako! Ang sabi ng isang lumang post na nakita ko: "I am a Filipino and the real change begins with me. Stop... littering, jaywalking, beating the red light, urinating anywhere, spitting saliva everywhere, smoking anywhere, paying bribes, etc, etc... our president cannot change you! You are the hope of the country!"

Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang gawain ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa pitumpu't dalawang mga alagad.  "Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat."  Bagama't ito ay direktang iniatas ni Jesus sa ilang mga piling alagad, tayong lahat din ay tinatawagan Niya upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagtatatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa.  Sapagkat “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa" kung kaya't tayong lahat ay pinatutulong ng Panginoon sa kanyang misyon.  

Ang Sakramento ng Binyag ang unang nagsugo sa atin sa gawaing ito at patuloy itong ipinapaalala sa atin sa katapusan ng Misa: "Humayo kayo..."  Hindi ito nangangahulugan ng pagpapaalis kundi ng pagsusugo sa atin bilang mga alagad ni Jesus. Tinatawagan ng Panginoon ang bawat isa sa atin na itatag ang isang bagong kaharian ng Diyos dito sa lupa.  Nangangahulugan ito ng isang pinanibagong ebanghelisasyon o ang pagdadala ng Mabuting Balita ni Hesukristo.  Hindi ba't ito ang binigyang diin sa siyam na taong paghahanda para sa ika-limandaang anibersaryo ng ating Kristiyanong pananampalataya?  Ang pinakahuling pagninilay ay ang Taon ng "Missio Ad Gentes" o ang misyon para sa mga tao.  Pinapaalalahanan tayo ng pagdiriwang na ito na tayong lahat ay misyonero sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagiging mga buhay na saksi ni Kristo.  Ang isang saksi ay hindi lang nakikinig sa Mabuting Balita ni Kristo kundi siya ay ang dapat na nagsasabuhay nito.  

Kaya nga't isang hamon para sa ating lahat ang maging disipulo o tagasunod ni Kristo sa ating makabagong panahon.  Lagi kasi tayong maninindigan sa ating pagpili ng tama sa mali.  Para sa isang Kristiyano ang tunay na kalayaaan ay ang pagpili sa tama o pagpanig sa katotohanan.  Nahaharap tayo ngayon sa mga matitinding krisis sa ating lipunan.  Nangunguna na ang Krisis sa Katotohanan sapagkat napakalaganap ngayon ng kasinungalingan at ang nakakalungkot dito ay marami sa atin ang pinipiling mabuhay sa kasinungalingan.  Nandyan  pa rin ang krisis na dala ng covid19 pandemic.  Marami sa ating mga kababayanan ang patuloy na naghihirap at ang masaklap ay nakakarinig pa tayo ng korupsiyon ng mga mapagsamantala sa kabila ng kahirapan ng buhay.  At hindi pa rin maisasantabi ang "Ecological Crisis" na dala ng pagpapabaya nating mga tao at patuloy na paglapastangan sa ating kalikasan at kapaligiran.  Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon ay maaring masaksihan natin ang pagkasira ng mundong ating itinuring na tahanan. 

Sa harap ng mga krisis na ito ay isinusugo tayo ng ating Panginoon na "parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat."  Tinatawagan niya tayong buhatin ang mga krus na ito at sumunod sa kanya.  Nais niyang tayo ay mabuhay na mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan. Kaya nga't tulong-tulong tayo sa pagpapairal ng isang mapayapa, maayos at maginhawang mundo. Hindi lang natin iaasa sa iilan ang pagpapairal nito. Hindi lang ang mga nahalal na pinuno ang dapat magtrabaho.  Ang minimithi nating pagbabago ay hindi mangyayari kung hindi tayo kikilos at makikiisa.  Ang hamon ng ating Panginoong Jesus ay nananatiling sumunod tayo sa kanya. "Come... follow me."