Ano ba ang ibig sabihin kapag sinabi nating ang Diyos ay ating ama? Araw-araw ay tinatawag natn siyang Ama sa pagdarasal ng Ama Namin. Naiintindihan ba natin ang panalanging ito?
Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng malamig na San Miguel Beer!" Sa kuwento ay makikita natin ang ganitong katangian ng isang ama: madisplina ngunit may puso, maprinsipyo ngunit marunong umunawa, makatarungan ngunit maawain. Kahanga-hanga ang mga magulang na kinakikitaan ng ganitong balanseng katangian.
Sapul pa sa ating pagkabata ay naituro na sa atin na ang Diyos ay ang ating ama. Bilang Ama, ang sangkatauhan ang kanyang anak. Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuring n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin.
Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Nang hilingin ng mga alagad kay Hesus na turuan silang magdasal ay ito ang kanyang winika: "Kung kayo'y
mananalangin, ganito ang sabihin
ninyo: Ama, sambahin nawa ang
ngalan mo. Magsimula na sana ang
iyong paghahari..." Nais ng ni Hesus na tawagin natin ang Diyos na Ama at nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Tatay... Papa... Daddy, sapagkat Siya ang Amang nangangalaga sa akin.
Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan sapagkat hindi Niya mapaghihindian ang pangungulit ng kanyang mga anak tulad ng lalaking nanghihingi sa Ebanghelyo. Ang sabi ng Panginoon: "Sinasabi ko sa inyo,
hindi man siya bumangon dahil sa
kanilang pagkakaibigan, babangon
siya upang ibigay ang hinihingi ng
kaibigan dahil sa pagpupumilit nito." Kaya nga kinakailangan tayong magpumilit sa ating pananalangin. Ang Diyos bilang Ama ay laging tumutugon sa ating mga kahilingan. Kapag ipinagkaloob Niya ang ating mga panalangin ay sapagkat sinubukan niya ang ating pananampalataya. Kapag pinatatagal ng Diyos ang pagsagot sa ating mga panalangin ay sapagkat marahil ay sinusubukan niya ang ating pasensiya. At kapag hindi naman sinagot ng Diyos ang ating kahilingan ay sapagkat sa kadahilanang may mas mabuti siyang plano para sa atin. Sa madaling salita ay tumutugon ang Diyos sa ating mga dasal ngunit ayon sa kanyang kalooban at hindi sa ating nais. "Sundin ang loob mo dito sa lupa para ng sa langit!" Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hilingin sa Kanya. Kaya nga sabi ng Panginoon: "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo."
Sa panalanging itinuro ni Jesus ay hinihingi rin nating patawarin ang ating mga kasalanan ngunit sa kundisyong kaya nating patawarin ang mga nagkakasala sa atin. Be merciful like the Father. Walang lugar sa puso ng "anak ng Diyos" ang pagtatanim ng galit at paghihiganti sa kadahilanang tayong lahat ay magkakapatid. Ang mga karahasang nangyayari ngayon sa ating mundo ay nagpapakita kung gaano pa kalayo ang ating pagkilala sa Diyos bilang "Ama". Walang kapatid na nais hangarin ang kamatayan ng kanyang kapatid. Nakakabahala na marami ang sumasang-ayon sa mga nangyayaring patayan halos araw-araw sapagkat walang malaking pagtutol na lumalabas tungkol dito. Kung naniniwala tayo na may iisa tayong Diyos na tinatawag na "Ama", dapat ay maniwala rin tayo na tayong lahat ay magkakapatid. Kaya't dapat tayong magpatawad kung nais nating mapatawad.
Sa “Ama Namin,” ipinahahayag natin di lamang ang pagiging
Ama ng Diyos kundi pati ang pagiging magkakapatid ng lahat ng
tao. Ipinahahayag natin ang panawagan sa atin para bumuo ng
Kaharian sa pamamagitan ng pagmamahalan, pagpapatawaran,
at pagkakaisa sa paglaban sa kasamaan at pagpapalaganap ng
kabutihan sa lahat ng lugar.
Gawin natin ang “Ama Namin” na bukal ng inspirasyon sa
araw-araw. (hango sa pambungad ng Patnubay sa Misa, Hulyo 24, 2022)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento