"May bagong silang, may bago ng buhay, bagong bansa, bagong galaw, sa bagong lipunan..." Natutunan kong awitin ito noong ako ay nasa elementarya pa lamang. Magkakaroon na nga ba tayo ng tunay na pagbabago? Kanino ba dapat magsisimula ito?
"Change is coming..." ang panawagan ng maraming Pilipinong umaasa na pagkatapos ng eleksiyon ay sa wakas gaganda na ang buhay ng bawat isa! Ngunit ang tanong ay "Paano at sino ang gagawa nito?" Ang akala ng marami sa atin ay manggaling ito sa mga taong inihalal natin. Kaya't marami sa atin ang umaasa na nasa kamay ng mga taong ito ang pagbabagong ating hinahangad. Ngunit sa kalaunan ay mauunawan natin na ang tunay na pagbabago pala ay hindi nakasalalay sa iba kundi sa atin ding mga sarili. Dapat ay may gagawin ako! Ang sabi ng isang lumang post na nakita ko: "I am a Filipino and the real change begins with me. Stop... littering, jaywalking, beating the red light, urinating anywhere, spitting saliva everywhere, smoking anywhere, paying bribes, etc, etc... our president cannot change you! You are the hope of the country!"
Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang gawain ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa pitumpu't dalawang mga alagad. "Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat." Bagama't ito ay direktang iniatas ni Jesus sa ilang mga piling alagad, tayong lahat din ay tinatawagan Niya upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagtatatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa. Sapagkat “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa" kung kaya't tayong lahat ay pinatutulong ng Panginoon sa kanyang misyon.
Ang Sakramento ng Binyag ang unang nagsugo sa atin sa gawaing ito at patuloy itong ipinapaalala sa atin sa katapusan ng Misa: "Humayo kayo..." Hindi ito nangangahulugan ng pagpapaalis kundi ng pagsusugo sa atin bilang mga alagad ni Jesus. Tinatawagan ng Panginoon ang bawat isa sa atin na itatag ang isang bagong kaharian ng Diyos dito sa lupa. Nangangahulugan ito ng isang pinanibagong ebanghelisasyon o ang pagdadala ng Mabuting Balita ni Hesukristo. Hindi ba't ito ang binigyang diin sa siyam na taong paghahanda para sa ika-limandaang anibersaryo ng ating Kristiyanong pananampalataya? Ang pinakahuling pagninilay ay ang Taon ng "Missio Ad Gentes" o ang misyon para sa mga tao. Pinapaalalahanan tayo ng pagdiriwang na ito na tayong lahat ay misyonero sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagiging mga buhay na saksi ni Kristo. Ang isang saksi ay hindi lang nakikinig sa Mabuting Balita ni Kristo kundi siya ay ang dapat na nagsasabuhay nito.
Kaya nga't isang hamon para sa ating lahat ang maging disipulo o tagasunod ni Kristo sa ating makabagong panahon. Lagi kasi tayong maninindigan sa ating pagpili ng tama sa mali. Para sa isang Kristiyano ang tunay na kalayaaan ay ang pagpili sa tama o pagpanig sa katotohanan. Nahaharap tayo ngayon sa mga matitinding krisis sa ating lipunan. Nangunguna na ang Krisis sa Katotohanan sapagkat napakalaganap ngayon ng kasinungalingan at ang nakakalungkot dito ay marami sa atin ang pinipiling mabuhay sa kasinungalingan. Nandyan pa rin ang krisis na dala ng covid19 pandemic. Marami sa ating mga kababayanan ang patuloy na naghihirap at ang masaklap ay nakakarinig pa tayo ng korupsiyon ng mga mapagsamantala sa kabila ng kahirapan ng buhay. At hindi pa rin maisasantabi ang "Ecological Crisis" na dala ng pagpapabaya nating mga tao at patuloy na paglapastangan sa ating kalikasan at kapaligiran. Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon ay maaring masaksihan natin ang pagkasira ng mundong ating itinuring na tahanan.
Sa harap ng mga krisis na ito ay isinusugo tayo ng ating Panginoon na "parang mga kordero sa
gitna ng mga asong-gubat." Tinatawagan niya tayong buhatin ang mga krus na ito at sumunod sa kanya. Nais niyang tayo ay mabuhay na mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan. Kaya nga't tulong-tulong tayo sa pagpapairal ng isang mapayapa, maayos at maginhawang mundo. Hindi lang natin iaasa sa iilan ang pagpapairal nito. Hindi lang ang mga nahalal na pinuno ang dapat magtrabaho. Ang minimithi nating pagbabago ay hindi mangyayari kung hindi tayo kikilos at makikiisa. Ang hamon ng ating Panginoong Jesus ay nananatiling sumunod tayo sa kanya. "Come... follow me."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento