Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay. Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan! Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink na kandila sa ating Korona ng Adbiyento. Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan.
Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "MARANATHA!" Halina Jesus sa aming piling! May galak nating kinasasabikan ang muling pagdating ng Panginoon. Ang kagalakang ito ay ang ipinahayag ni Propeta Isaias: "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi... paghaharian sila ng kalgayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman." Ito rin ang tandang ibinigay ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista ng suguin sila upang itanong kung sya na nga ba ang hinihintay nilang Mesiyas. Ang pagdating ni Jesus ay nagbigay ng kagalakan sa mga taong nasa laylayan ng lipunan.
Ngunit hindi lahat ay magsasaya sa kanyang pagdating sapagkat may mga taong mag-aalinlangan sa kanya katulad ng pag-aalinlangan nila kay Juan bilang propetang isinugo ng Diyos. Ang mga taong ito ay ang mga hindi makatanggap sa tunay na kahulugan ng kanyang pagliligtas, tulad ng mga Hudyo na hindi matanggap si Jesus sapagkat isang "materyal na Mesiyas" ang kanilang inaasahan. Tayo rin bilang mga Kristiyano ay maaring matulad sa kanila kapag ang ating pinahahalagahan ay ang ating "materyal na kaligtasan!"
Makikita natin ito sa ating paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Ano ba ang higit na mahalaga sa atin? Kalimitan ay nauuwi lamang sa panlabas ang ating paghahanda. Totoong masaya ang Paskong punong-puno ng dekorasyon, pagkain, alak, regalo at mga panlabas na pagpapakita ng ating kasiyahan. Ngunit wag sana nating kaligtaan na walang saysay ang lahat ng ito kung makakalimutan natin ang tunay na diwa ng ating paghahanda at kung sino ang ating pinaghahandaan.
Isa sa mga kinagigiliwan kong gawin ngayon ang ang manood ng maraming Chistmas movie sa Netflix. Ngunit napansin ko na halos lahat ng palabas ay tungkol sa makamundong kasiyahang dala ng Pasko at hindi man lamang nababanggit ang pagsilang ni Kristo. Marami ang mga kuwentong may kinalaman sa pag-ibig at kung paanong ang Pasko ay naging dahilan ng pagpapanauli ng kanilang nawalang kaligayahan. Wala naman masama sa ganitong mga sanaysay ngunit lumilikha ito ng mababaw na pag-intindi sa tunay na kahulugan ng Kapaskuhan. Parang patagong tinatanggal si Kristo sa Pasko. Katulad ng isang karatulang nakita ko na ganito ang sinasabi: "Who needs Christ during Christmas? Nobody!" Wala itong pinagkaiba na pagtanggal ng pangalang Kristo sa pangalan natin Kristiyano. Kapag tinanggal natin si Kristo sa Pasko ay magiging ganito dapat ang batian natin: "Merry Mas!" Parang tanga lang di ba? Kaya nga ang iba ang ipinapalit na pagbati na lang ay "Happy Holidays!" Pilit ng iniiwasan ang pagbanggit ng salitang Christmas dahil hindi naman sila naniniwala kay Kristo.
Labing tatlong tulog na lang at Pasko na! Si Jesus ay patuloy na kumakataok sa pintuan ng ating puso. Kaya nga ang panawagan ng Adbiyento ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip ng puso at ng uri ng ating pamumuhay! Ito ang paghahandang may ginagawa na tinutukoy sa sulat ni Santiago Apostol, isang matiyagang paghahanda tulad ng isang magsasakang hinihintay ng buong tiyaga ang "mahalagang bunga ng kanyang bukirin." "Kaya nga't magtiyaga kayo. mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon..."
Ang pangatlong kandila ang ating sinindihan ngayon. May isa pang sisindihan sa isang linggo. Ito ay magandang paalala sa atin na nagbibigay pa ang Diyos ng huling pagkakataon upang suriin natin ang ating sarili kung hindi pa natin ito nagagawa. May panahon pang magbago. May pag-asa pang naghihintay sa atin upang magbalik-loob! Maaari pa nating ibalik ang tunay na nagbibigay kaligayahan sa Pasko. Let us keep Christ in Christmas!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento