May kuwento ng isang sikat na pintor na gumawa ng isang obra. Ang kanyang painting ay hango sa Aklat ng Pahayag na kung saan ay makikita si Jesus na kumakatok sa isang pintuan. Napakagaling ng kanyang pagkakaguhit. Nakakamangha sapagkat parang naririnig mo ang dahan-dahang pagkatok ni Jesus sa pinto. Ngunit may isang batang pumuna sa kanyang obra. "Mamang pintor.... bakit walang door knob ang pintuan? " Napangiti ang pintor at sinabing "Sinadya ko yan! Sapagkat, kakaiba ang pintuang ito. Ang door knob ay wala sa labas kundi nasa loob!" "Meganun?" laking pagtataka ng bata. "Ano ang tawag sa pintuan iyan?" Sumagot ang pintor: "Ang tawag diyan iho ay ang pintuan ng puso ng tao! Ang Diyos patuloy na kumakatok sa puso natin ngunit tayo lang ang puwedeng magbukas at magpatuloy sa kanya. Ang door knob ng puso natin ay nabubuksan lamang sa loob kung gugustuhin natin."
Ito rin ang ipinapahayag ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Kinakatok niya ang puso ng mga Hudyo na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan at ihanda nila ng tuwid na daraanan ang Panginoon. Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang
inyong mga kasalanan, sapagkat
malapit nang maghari ang Diyos !" Ito'y pagsasakatuparan sa matagal ng ipinangaral ni Propeta Isaias: "Ito ang sabi ng
isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda
ninyo ang daraanan ng Panginoon.
Tuwirin ninyo ang kanyang mga
landas!' "
Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... na marami pa tayong oras! Mas mabuti na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit 'wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya.
Ito ang pagkatok ng Diyos sa ating mga puso. Kaya ang Adbiyento ngayon ay nagkaroon ng pangatlong pakahulugan: Ito ay ang agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay. Ang pagbabagong ito ay isang METANOIA. Ibig sabihin, ito ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay! Ang pagtuwid ng landas ay nangangahulugan ng pagsasaayos ng ating luma at magulong pamumuhay. Ito ay pagtanggal ng ating masamang pag-uugali at pagpupuno ng ating pagkukulang sa ating kapwa. Ang metanoia ay nangangahulugan ng bagong pag-uugali!
Si Jesus ay araw-araw na kumakatok sa ating puso. Ang "pagkatok"ng Diyos ay dumarating sa mga sandaling hindi natin inaasahan at sa mga taong hindi natin inaakala kaya't lagi dapat tayong handa. Maaari Siyang dumating sa pagkatao ng isang kaibigan o kaaway. Maari siyang dumating sa mga mahihirap at nangangailangan. Maari siyang dumating sa tinig ng mga taong kulang sa pag-aaruga at napapabayaan.
Ang araw na ito ay National Aids Sunday at Catholic Handicapped Day. Habang isinasama natin sa ating mga panalangin ang mga may sakit na
AIDS at ang mga may kapansanan, tayo nawa ay tumugon sa panawagan
ng Simbahan at ng lipunan para sugpuin ang pagkalat ng sakit na AIDS. Maging bukas nawa ang pintuan ng ating puso sa pagtanggap sa kanila. Tandaan natin na si Jesus ay mahiwagang dumarating sa mga kapatid nating nangangailangan ng pagkalinga. Maging aktibo rin tayo sa
mga adhikain ng ating Simbahan para sa kapakanan ng mga may kapansanan.
Si Jesus ay kumakatok ngayon sa ating puso... pagbubuksan mo ba siya? Ito ang panawagan ng ikalawang Linggo ng Adbiyento: Paghandaan natin ang daraanan ng Panginon! Pagbuksan natin siya at huwag saraduhan ang pintuan ng ating puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento