Muli nating sariwain ang kahulagan ng Adbiyento at ang tamang pagdiriwang nito. Ang ADBIYENTO ang siyang unang panahon ng bawat taong liturhiko. Ito ay apat na linggong paghahanda sa pagsapit ng Araw ng pagsilang ng ating tagapagligatas na si Jesus. Ito ay hango sa salitang latin na "adventus" na ang ibig sabihin'y kapwa "pagdating" at "inaasahan." Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng paghihintay. Naaakma ito sa ating panahon ngayon na ang kulturang umiiral ay pagmamadali. Lahat ay nagmamadali... lahat minamadali. Nabubuhay na ang marmai sa atin sa tinatawag na instant culture: instant cofee, instant noodles, instant friendship... Hindi makapaghintay dahil lahat ay abala sa maraming bagay.
Kaya nga't hindi nakapagtataka na kahit ang pagdiriwang ng Pasko ay minamadali. September pa lang ay Pasko na! Sa katunayan bago pa nga ang Setyembre ay may sumisitsit na. Pag pasok ng "ber months" ay may Christmas carols ng maririnig sa radio, may mga advance Christmas sale na sa mga malls, may Christmas decors na sa mga bahay at gusali. Lahat ay nagsasabi sa ating Pasko na!
Ngunbit ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na huwag madaliin ang Pasko. Mayroon pa tayong tinatawag na ADBIYENTO! Para sa ating mga Kristiyano, ito ay ang ating paghihintay kay Kristo na punong-puno ng pag-asa. Tulad ito ng isang ina na hinihintay ang kanyang pagluwal ng kanyang sanggol, ng isang magsasaka sa araw ng pag-ani ng kanyang mga pananim, ng isang mangingisda na magkakaroon ng isang masaganang huli. Sa panahon ng Adbiyento ay hinihintay natin ng masaya ang muling pagdating ng Panginoon sa ating piling. Dumating na siya noong unang Pasko, nang siya ay isilang sa sabsaban. Muli siyang darating tulad ng kanyang ipinangako ngunit kung kailan at saan ay hindi natin alam. Sa gitna ng kanyang una at muling pagdating ay naniniwala tayo na si Jesus ay araw-araw na dumarating sa ating puso. Kaya nga't ang katanungan ay anung uring paghihintay ang inaasahan niya sa atin?
Ang paghihintay na ito ay paghihintay na mayroong ginagawa at hindi nagpapabaya. Sa mga salitang iniwan ni San Pablo sa mga taga Roma: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti... Mamuhay tayo ng marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan." Ang nais lang sabihin ni San Pablo sa atin ay isapuso natin ang isang makahulugang paghahanda!
Matuto na sana tayo sa nakakapagod at nakakabutas-bulsang pagdiriwang ng Pasko! Hindi masama ang magsaya. Hindi masama ang mag-enjoy kapiling ang mga mahal natin sa buhay. Hindi masama ang magsama-sama at magsalo-salo ngayong Pasko. Ang masama ay kung sa ating pagdiriwang ay nakalimutan natin ang ating ipinagdiriwang. Dahil aminin natin na nakakalimutan na natin ang ating dapat ipagdiwang at ipagpasalamat sa araw ng Pasko. Ibalik natin ang tunay na diwa ng Pasko! Ibalik natin si Kristo sa puso ng bawat tao. Sa pagpasok ng bagong taong ito, nawa ay maipasok din natin sa ating puso at diwa ang isang makahulugang paghahanda sa pagdating ni Jesus sa ating buhay! ISANG MAKAHULUGANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento