Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito. Ngunit ang pagkilala sa kanila bilang hari ay nababatay sa kasikatan, kapangyarihan at kayamanan. Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na "nagpapatigil sa mundo" sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy na nagpatawa ng maraming dekada sa atin. Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr. Kaya siguro hindi matapos-tapos ang PROBINSIYANO dahil sa kanyang mahabang paghahari! Sa aming lugar sa Tondo ay minsan nang may kinilalang hari... si "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo! Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari? Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay tatlong nabanggit ko kanina: kasikatan, kayamanan at kapangyarihan!
Ngunit para kay Jesus, ang kanyang paghahari ay nasa kanyang pagka-aba at kababang-loob. Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong naglilingkod, sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kaya hanggang sa krus ay gayun na lamang ang pagkutya sa kanyang ng mga tao. Naririyan na ang sinasabi ng mga Judio na nasa kanyang paanan. "Kung ikaw nga ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!" Maging ang nakapako katabi niya ay may pagtutya sa kanya: "Hindi ba't ikaw ang Kristo? Iligtas mo kami at iyong sarili!" Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging isang pinunong-lingkod o "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod.
Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition". Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili! Si Kristong ating Hari ang natatangi nating huwaran. Hilingin natin kay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari ng kapakumbabaan at paglilingkod. PAGLINGKURAN NATIN ANG HARING NAGLILINGKOD!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento