Mahilig ka bang magvideoke? Nasubukan mo na bang kantahin ang awiting "My Way?" Ito ay pinasikat ni Frank Sinatra taong 1969, hindi pa marahil pinapanganak ang marami sa inyo, at ngayon nga ay kinikilala ng isa sa klasikong awitin. Ngunit may mga nagsasabi na masama daw itong kantahin sa kadahilanang may nangyayaring patayan kapag ito ay inaawit. Sa katunayan, sa pasimula pa lamang ng awiting ito ay maririnig mo na ang mga katagang: "And now, the end is near and so I face the final curtain..." Nakakatakot nga naman lalo na't ang pinag-uusapan natin ay ang ating katapusan. Sa katanuyan ang buwan ng Nobyembre ay nagpapaalala sa atin na ang buhay ay may katapusan. Na tayong lahat ay mamamatay!
Ngunit hindi lang ang buwan ng Nobyembre ang nagpapaalala sa atin nito. Ang pagtatapos ng Taong Liturhiko ay nagsasabi rin sa atin na may katapusan ang lahat! Kaya nga sa isang Linggo ay tatapusin natin ito sa pagdiriwang ni Kristong Hari. Ang katapusan ng kalendaryo ng Simbahan ay laging nagpapaalala sa atin ng WAKAS NG PANAHON. Ano nga ba ang "parousia" o "wakas ng panahon?" Kailang ba ito magaganap?
Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw. Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!" Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!" Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!"
Kung minsan ay nakakarinig tayo ng ganitong mga kataga na nagsasabing malapit na ang katapusan ng panahon. May katapusan nga ba ang mundo? Kung sabagay ay hindi na ito bago sapagkat noong taong 1914, si Charles Russel, na tagapagtatag ng Jehova's Witnesses, ay nagsabing magugunaw na ang mundo ngunit di naman nangyari. Noong pagpapalit ng milenyo, taong 2000 ay kinatakutan ang Y2K at sinabing ito na rin ang magtatapos sa mundo dahil daw magkakagulo ang programa at sistema ng mga computer na karamihan daw ay nakaset hanggang 1999 lamang, ngunit wala ring nangyari. Taong 2012, isa na namang prediksiyon ang lumabas na nagsabing magugunaw na ang mundo ayon sa Mayan calendar, ngunit wala ring nangyari. Ano ang sinasabi nito? Pinabubulaanan ba nito ang mundo ay walang katapusan?
Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang pagsapit ng WAKAS NG PANAHON. Sa katunayan ay lagi nating ipinapahayag sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!" Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo. Paano ba ating Kristiyanong pag-intindi dito? Bilang mga Kristiyano ay dapat marunong tayong magbasa ng mga tanda na nagsasabing nalalapit na ang araw ng paghuhukom. Learn to read the signs of the time!
Sa ating mga pagbasa lalo na sa Ebanghelyo ay nagbabala ang Panginoon na darating ang "katapusan", hindi upang takutin tayo, bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Ang lahat ay may katapusan. Upang bigyang diin ang katotohanang ito ay hinalintulad niya ang Templo ng Jerusalem na hinahangaan ng mga Hudyo dahil sa kagandahan at karangyaan nito. Ang sabi ni Jesus sa mga tao: "Darating ang panahong lahat ng
nakikita ninyong iyan ay iguguho,
walang batong ititira sa ibabaw ng
kapwa bato." At totoong nangyari nga ito noong 70 AD ng wasakin ng mga Romano ang templong ito.
Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Ngunit hindi ito mahalaga. May mas mahalaga pang nais ipabatid si Jesus sa atin at iyon ay ang ating kinakailangang paghahanda. Sa ikalawang sulat sa San Pablo sa mga taga-Tesalonika ay pinagsabihan niya ang mga ito na maghintay sa pagdating ni Jesus na may "ginagawa". Hindi maaring magwalang-bahala na lamang sa mga araw-araw na gawain. Ang tunay na paghahanda ay dapat may pagkilos.
Sa Ebanghelyo naman ay binigyang diin ni Jesus ang pagtitiis sa mga hirap na ating dinaranas ngayon habang hinihintay natin ang kanyang pagdating. Paulit-ulit niyang sinasabi na "huwag tayong mabalisa!" Totoo nga naman, wala tayong dapat ikatakot kung handa naman tayo sa pagharap sa kanya upang sulitin ang ating mga ginawa dito sa lupa. May mga nararanasan tayo ngayong mga kaguluhan, kahirapang dulot ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, pagkagutom ng maraming tao... para bagang lahat ay tumutukoy sa sinasabi ni Jesus. "Magkakaroon ng
malalakas na lindol, magkakagutom
at magkakasalot sa iba't ibang dako.
May lilitaw na mga kakila-kilabot na
bagay at mga kagila-gilalas na tanda
buhat sa langit. Huwag
kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga
himagsikan. Dapat mangyari ang
mga ito, ngunit hindi darating karakaraka ang wakas."
Ano ba dapat ang ating Kristiyaong pag-unawa at pagkilos sa pagsapit ng "wakas ng panahon?" Ang wakas ng panahon ay tinatawag din nating araw ng paghuhukom. Na kung saan ay isusulit natin sa Panginoon ang buhay na ibinigay niya sa atin. Ginamit ba natin ito ng mabuti? Pinahalagaahan ba natin ang regalong ito? Hahatulan niya tayo ng may katarungan at huhusgahan Niya tayo ayon sa batas ng pag-ibig. Huwag tayong mabahala. Sa halip ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at marangal. "Sa inyong pagtitiis
ay tatamuhin ninyo ang buhay na
walang hanggan." ang paalala sa atin ng Panginoong Jesus. Kaya nga't ito ay paghihintay na may ginagawa. Ito ay pagsisikap na gumawa ng kabutihan sa halip na kapabayaan.
Ang Diyos ang maggagawad sa atin ng katarungan! Ngunti kinakailangan munang tayong magtiis at magtiyaga. Maging "mahusay at matalinong Kristiyano" tayo. Ang matalinong Kristiyano ay may "foresight" at hindi "poorsight". Alam n'ya ang kanyang patutunguhan sa wakas ng panahon. Kaya nga pagsisikapan at pagtitiyagaan niya ang paggawa ng mabuti at pag-iwas sa masama. Hindi siya "bobong Kristiyano" na nagpapabaya at tila walang pakialam sa paghahatol na darating. Alam niyang kailangan lamang niyang piliin at pagsumikapan ang pagpasok niya sa kaharian ng langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento