Sabado, Nobyembre 2, 2019

PAGKAPANDAK (Updated): Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year C - November 3, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

"Sa hirap ng buhay ngayon... pandak na lang ang hindi tumataas!" Totoo nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela, pamasahe sa sasakyan... halos lahat ata tumataas - pandak lang ang napag-iiwanan! Bakit nga ba maliit ang mga pandak?  Minsan, tinanong si Dagul: "Dagul... bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi, naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka... anung koneksyon nung pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano) na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos. Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay huwag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan.   Kaya nga't ito ang nais ipahiwatig ng Diyos sa atin: Una,  may pag-asa tayo bilang mga taong makasalanan na bumangon at magbagong-buhay.  May Diyos na laging handang tumanggap sa atin sa ating "pagkapandak" dala ng ating mga kasalanan.  Ikalawa, na dapat din nating pataasin ang mababang pagtingin ng iba sa kanilang sarili.  Magagawa natin ito sa pagtanggap sa kanila at huwag silang pandirihan o isantabi. Kung minsan ang kinakailangan lang ng mga taong ito ay balikat na masasandalan, tengang marunong makinig, at pusong handang umunawa. Ikatlo, si Jesus ang nagpapatangkad sa atin at siya ang nagnanais na makituloy sa ating buhay.  Nasa atin ang pagpapasiya kung nais nating manatili sa ating pagkapandak.  Nasa atin ang desisyon kung papasukin natin siya sa ating "bahay" at hahayaan natin siyang baguhin ang ating buhay.  Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". Tandaan natin: Matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo!

Huwebes, Oktubre 31, 2019

TODOS LOS SANTOS: Reflection for the Solemnity of All Saints Year C - November 1, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ngayon ay ang pagdiriwang ng ALL SAINTS DAY!  Pinararangalan natin ang lahat ng mga BANAL sa kalangitan.  kilala man natin sila o hindi natin kilala.  Ang araw ding ito ay ARAW NG MGA BANAL at hindi ARAW NG MGA PATAY.  Bukas pa ang pag-alala natin sa kaluluwa ng ating mga mahal na yumao!  Kaya mamyang gabi ay hindi "gabi ng lagim" o GABI NG KATATAKUTAN kundi GABI NG KABANALAN! Ilan ba ang mga banal na ating ipinagdiriwang.  Hindi lang isa, dalawa, sampu o kahit isang daan pa man!  Pakinggan n'yo ang kuwentong ito:  Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala nang buhok.  "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka?  tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan.  Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun!  Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun!  Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!"  sagot ni Pedro.  "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay.  "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko!  Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal."   Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit.  Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na tinatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa.  Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa.  Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?"  Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!"  Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na hindi kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo.  Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin.  Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo.  Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang maging banal!  Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila.  Sa katunayan, ito ay para sa atin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal.  Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa.  Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal.  Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal.  Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat.  Akuin natin ang pagiging banal.  Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantimpala ng kalangitan.  Balang araw ay makakasama rin tayo sa kalipunan ng mga Banal o TODOS LOS SANTOS!

Sabado, Oktubre 26, 2019

DASAL-EPAL (Reposted): Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time - Year C - October 27, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ayaw Niya ng dasal ng mayayabang. Ayaw Niya sa mga taong ma-epal! Hindi Niya lubos na kinalulugdan ang DASAL-EPAL!  Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may sinasabing malaki sa ating paraan ng pananalangin. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Ayaw Niya lang talga sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Habang nalalapit ang pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya ay isapuso natin ang tunay na diwa ng panalangin. Maging mapagkumbaba sa pagdarasal.  Tandaan natin na ang kahinaan ng Diyos ay ang panalangin ng taong mapagkumbaba.  Kaya't wag maging epal sa pagdarasal!

Sabado, Oktubre 19, 2019

PANGUNGULIT SA PANALANGIN: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 20, 2019 - YEAR OF THE YOUTH / MONTH OF THE HOLY ROSARY / WORLD MISSION SUNDAY

May isang estudyante namin ang nagtanong sa akin tungkol sa pagdarasal ng Santo Rosaryo.  Nagkataong dinarasal namin ito sa kalagitnaan ng tanghali na naka-broadcast sa apat na sulok ng aming paaralan.  Isa ito sa aming nakagawian kapag buwan ng Oktubre.  "Fadz, bakit paulit-ulit ang dasal natin ng Rosaryo?  Hindi ba bawal yun sa Bibliya?"  Obviously, hindi siya isang Katoliko ngunit nakita ko naman ang katapatan niya sa kanyang pagtatanong at hindi naman siya palaban na parang naghahanap ng away.  Kaya sinagot ko siya sa pamamagitan ng isang kuwento.  May kuwento ng isang batang nagdarasal na sana ay bigyan s'ya ng bisikleta ng Diyos para sa kanyang birthday.  Halos araw-araw ay dumaraan siya sa Simbahan at sa isang sulok na kung saan ay may nakaluklok na maliit na estatwa ng Mahal na Birhen at lagi siyang nagdarsal ng rosaryo upang ipagdasal ang kanyang kahilingan.  Papalapit na ang araw ng kanyang kaarawan ngunit tila baga ayaw ibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan.  Wala pa rin ni anino ng kanyang bisekleta.  Isang umaga ay nagkagulo sa loob ng Simbahan. Nawawala ang maliit na estatwa ng Mahal na Birhen!  Tinawag nila ang kura-paroko at napansin ng pari ang isang maliit na papel na nakaipit sa patungan ng estatwa.  Ganito ang nasulat: "Dear Papa Jesus,  mukha atang ayaw mong ibigay ang hinihingi kong bike.  Bahala ka! Kapag hindi mo ibinigay bukas ang hinihingi ko para sa aking birthday alam mo na na ang mangyayari... hindi ko ibabalik ang nanay mo?"  Nakakapressure nga naman ang ganung panalangin hindi ba?  Wais na bata! Mautak! Bata pa lang kidnaper na! Sigurado akong bukas ay ibibigay na ng Diyos ang kanyang hiling na bisekleta! hehehe... Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang nais ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal.  Nais niyang kulitin natin Siya.  Nais niyang tayo ay magpumilit.  Nais niyang huwag tayong manghinawa sa ating paghingi.  Ito mensaheng nilalaman ng kanyang talinghaga: may naghihintay sa mga taong nagtitiyaga at nagpupuimilit na ipagkaloob ang kanilang kahilingan.  Bagama't sa ating talinhaga ay parang hindi mabuti ang hukom sa pagbibigay ng kahilingan ng babaing balo, ngunit sa kabila ng kanyang pagmamatigas ay ibinigay niya pa rin ang ipinapakiusap nito. Bakit?  Dahil sa kanyang walang sawang pangungulit! "Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos, ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala ă baka pa ako mainis sa kapaparito niya."  At inihambing ni Jesus ang kabutihan ng Diyos sa masamang hukom na kung nakayang pagbigyan ng hukom ang babaeng balo sa kanyang kahilingan ay paano pa kaya ang Diyos kapag kinukulit natin Siya sa pagdarasal sa ating mga kahilingan.  Totoong ayaw ng Diyos ng mga panalanging walang kabuluhan na inuulit-ulit.  Ngunit ang hindi ito ang ipinupunto ng talinhaga!  Ang mensahe ng talinhaga ay ang kahalagahan ng pangungulit sa Diyos kung nais nating makamit ang ating nais. Ang pag-uulit ng ating paghingi sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ay dahil may kaakibat itong paniniwala at pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  Ibig sabihin ay isa itong panalangin na may malalim na pananampalataya!  Hindi ba't ganito ang pagdarasal dapat ng rosaryo?  Pinipilit at kinukulit natin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-uulit ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati.  Huwag nating kalimutan ang pagninilay sa mga Misteryo na ating dinarasal at pag-uugnay nito sa ating buhay.  Ngayong buwan ng Oktubre, ang buwan ng Santo Rosaryo, ay nagpapa-alala sa atin ang Simbahang dasalin ang makapangyarihang panalanging ito sa paraang nararapat.  Magdasal tayo ng may pagkumbaba sapagkat kinalulugan ng Diyos ang mga may mababang kalooban at manalangin din tayo na taglay ang pusong mapagpasalamat sapagkat nagpapakita ito na tayo ay katiwala lamang ng Diyos sa lahat ng pagpapalang ibinigay niya sa ating buhay.  Ang sabi nga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo: "Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon."  Kayat huwag tayong manghinawa sa pagdarasal.  Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan.  Kung minsan nga ay hindi Niya ipinagkakaloob ang ating ipiangdarasal. Ngunit hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat.  Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya!  Ngayon din ang pagdiriwang ng World Mission Sunday na kung saan ay ipinagdarasal natin at sinusuportahan ang Misyong Pandaigdig ng ating Simbahan.  Dalawa ang Patron ng misyon, naririyan si St. Francis Xavier na talagang naging masigasig sa pagpunta sa maraming lugar at nakapagbinyag ng maraming mananampalataya.  Ngunit naririyan rin si St. Therese of the Child Jesus na hindi man lang nakalabas ng kumbento at naroroon lang sa apat na sulok nito.  Ngunit tinanghal siyang patron ng misyon dahil sa walang humpay niyang pagdarasal para sa mga misyonero at gawaing misyon ng Simbahan.  Tinanghal siyang patron ng misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat din ay misyonero at may magagawa para sa misyon sa pamamagitan ng ating panalangin at pinansiyal na pagtulong.  Huwag tayong maging madamot! Mag-alay tayo ng rosaryo para sa kanila.  At kung mayroon tayong maaaring ibahaging tulong ay wag tayong mag-atubili. Sa ganitong paraan ay malaki ang ating maitutulong sa gawaing misyon ng ating Inang Simbahan.  Dahil ikaw at ako ay misyonero! 

Sabado, Oktubre 12, 2019

PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 13, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

May puso ka bang marunong magpasalamat?  Nakakalungkot na kung minsan ay magaling tayong manghingi, pero ang tamad nating magpasalamat! Kalimitan, hindi natin napapansin na marami pala dapat tayong ipagpasalamat sa ating buhay. Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre! Ipinanganak kita - libre! Pinakain at pinag-aral - libre! At ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehehe... Hindi ba't nakasasama ng loob kapag may mga taong katulad ni Juan na hindi nakikitang may mga tao pala tayong dapat pasalamatan sa ating buhay?  Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na hindi naisip ng siyam na ketonging bumalik kay Jesus at pasalamatan siya sa pagpapagaling na ginawa niya para sa kanila. Mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGINOON... PENGINOON!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles.  Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap sa Kanyang maraming biyaya, ay dapat bukas din ang ating puso sa pagbibigay pasasalamat sa Kanya!  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng kalikasan at ng mundong ating itinuturing na "common home" o iisang tahanan sa kabila ng unti-unting pagsira at pang-aabuso ng iilan sa ngalan ng salapi at "kaunlaran".  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng "pamilya"; na sa kabila ng maraming pagsubok ay pinapanatili N'ya pa ring matatag ang pamilyang Pilipino.  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng "buhay" na kahit na may mga ilang nagtatangkang yumurak at lumapastangan dito ay patuloy pa rin ang marami sa pagpapahalaga dito bilang regalo mula sa Kanya. Sanayin mong magkaroon ng isang PUSONG MAPAGPASALAMAT.  Mamayang gabi, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo, isulat mo sa isang papel at magpasalamat ka sa Kanya.  Kapag araw ng Linggo magsimba ka sapagkat ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat! 

Sabado, Oktubre 5, 2019

ANG MALAKAS SA DIYOS: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 6, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Malakas ka ba sa Diyos?  May mga taong ang nakagawiang gawain ay maghanap ng mga magdarasal para sa kanila lalo na kapag lumalapit na ang Undas.  Naniniwala sila na mas mapapadali ang paglapit  ng kanilang kahilingan sa Diyos kapag ipinadaan ito sa mga "mandarasal."  Para sa kanila, sila ay "mga taong mas malakas sa Diyos."  Hindi tumatanggap ang "mandarasal" ng pera bilang kabayaran sa kanilang pagdarasal.  Mawawala daw ang lakas ng panalangin kapag nagpapabayad sila ngunit maaari silang tumanggap ng "donasyon" sa abot ng makakayanan ng taong nagpadarasal.  Kung minsan, kaming mga pari ay paborito ring lapitan ng mga nanghihingi ng panalangin. May nagpapabless ng lapis kapag malapit na ang board exam.  May nagpapapray-over kapag magbibiyahe o kapag may iniindang sakit sa katawan.  Paborito rin kaming gawing "prayer leader" kapag may pagtitipon.  Kapag tinanong mo kung bakit ang sagot ay: "dahil mas malakas ka sa Diyos padre!"  Ganun ba yun?  May mga tao bang mas "malakas" sa Diyos?  May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at isang pastor na "Born Again" na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong magpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos na pinagdarasalan. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas sa Diyos". Naunang tumalon ang Muslim. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Allah... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Ang milagro, hindi siya namatay ngunit nabalian lang ng ilang buto. Sumunod namang tumalon ang Buddhist at sumigaw "Buddha... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang sa hangin at bumagsak na parang bulak sa lupa. Walang sugat, walang galos! Ngayon naman ay ang pastor. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus, aking Diyos at personal na tagapagligtas tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla siyang sumigaw ng: "Buddha... ikaw na lang... iligtas mo ako!"  May tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing!  Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na!  Marami siguro sa atin ay may kahinaan sa ating panalangin.  Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!"  Malimit nating naririnig ang salitang "pananampalataya".  Sa katunayan ay malimit nating ginagamit ito sa ating pang-araw-araw na buhay na marahil ay hindi natin namamalayan.  Halimbawa, sa tuwing tayo ay kumakain sa isang fastfood restaurant o kaya naman sumasakay ng pampublikong sasakyan ay ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa mga taong hindi naman natin kilala.  Paano tayo nakasisigurong malinis ang ating pagkaing kinakain o kaya naman ay ligtas magmaneho ang driver na ating sinakyan?  Pero naniniwala tayo at nagtitiwala sa kanila.  Kung minsan ay maririnig din natin sa mga estudyante na: "Malapit na exams... bahala na!"  O kaya naman kapag hindi handa at hindi nakapag-aral: "Sige na nga... bahala na si Batman!"  Ang ganitong uri ng pag-uugali ay maari nating maiugnay sa ating pananampalatayang espirituwal.  Sa katunayan ang salitang "bahala na" ay nanggaling sa salitang "Bathala na!"  Kung kaya't masasabi natin na ang ating "tadhana" ay nakaugnay sa ating pagkilala kay "Bathala", na ang salitang "fate" ay hindi natin mahihiwalay sa ating "faith".  Itinanim sa atin ang butil ng pananampalataya noong tayo a bininyagan ngunit nakakalungkot na ang pananampalatayang ito ay marami sa atin ang hindi inalagaan at dahil dito ay napabayaan.  Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos din tayo sa kasalukuyan.  Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Hindi masamang umasa sa awa ng Diyos.  Ngunit mahalaga rin na sa ating pagpapasa-Diyos ng ating hinaharap ay kumilos naman tayo sa kasalukuyan!  Ang ating unang pagbasa sa Aklat ni Habakuk ay paglalarawan sa mga nangyayari sa atin ngayon sa kasalukuyan: " Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo."  Dito ay talagang nangangailangan tayo ng malalim na pananampalataya.  Hindi sagot ang panghuhusga at karahasan upang malutas natin ang suliranin ng ating lipunan.  Bilang isang Kristiyano ang kasagutan natin ay ang pagbabahagi ng pag-ibig, pag-asa at habag ng Diyos sa ating kapwa. Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang kalooban ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan. Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin." Ito ang pananampalatayang  mapagkumbaba na tulad ng butil ng mustasa, maliit ngunit kayang gumawa ng malaking himala. Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Ang pananampalataya ang ating pagtugon sa Diyos na lumalapit sa atin at nag-aalok ng Kanyang pagmamahal. Ito ay ang ating pagtanggap sa Kanya.  Malakas ka ba pananampalataya mo? Malakas ka ba sa Diyos?

Sabado, Setyembre 28, 2019

MABUTING PAKIKIALAM: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 29, 2019 - YEAR OF THE YOUTH and SEASON OF CREATION

Madalas tayong makakita ng sign boards sa mga daanan.  Kalimitan, makikita natin sa mga malalaking kalsada ang karatulang: "BAWAL TUMAWID! NAKAMAMATAY!" Ngunit kakaiba itong nakita ko minsang ako ay tumawid sa isang kalsada.  Ganito ang nakasulat:  BAWAL ANG "MAKIALAM, NAKAMAMATAY!" Ayaw natin sa mga pakialamero at pakialamera di ba?  Ayaw nating may nanghihimasok sa ating buhay!  May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya.  Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos.  Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!"  Kaya't masama ang pumatay!"  Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!"  Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw!  Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!"  "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki.  Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid!  Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!"  Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hini ata tama yan! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo kong pakiaalaman!"  Para mga mahilig makialam sa buhay ng iba eto ang masasabi ko inyo: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka? - Nagtataka, ME!"  Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!"  Kung ganun, masama ba ang pakikialam?  Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti!  Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman.  Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan.  Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro.  Wala siyang ginawa upang maibsan, kahit kaunti lamang, ang paghihirap ng isang tao.  Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti.  Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin.  Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak.  Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan:  "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16)  Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan.  Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM!  Ano ang hinihingi nito sa atin?  Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa.  Ang tawag din dito ay fraternal correction. Ang isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama.  Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan.  Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos.  Hindi siya maaaring manahimik kapag nayuyurakan ang karapatang pantao o ang dignidad ng isang tao lalo na ang mga walang kalaban-laban at mahihirap.    Naniniwala ang Simbahan na sapat lamang na isang mabuting Kristiyano ang manahimik sa harap ng maraming pagkakamali, at ito ay sapat na upang lumaganap ang kasamaan sa mundo.  Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap.  Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila.  Ang sabi nga ni St. Theresa ng Calcutta: "Not all of us can do great things.  But we can do small things with great love."  Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito?  Ang sabi niya uli: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have."  Huwag sanang maging manhid ang ating budhi sa pangangailangan ng iba.  Huwag tayong maramot sapagkat kung ano man ang mayroon tayo ay galing naman ang mga ito sa Panginoon.  Sa katunayan ay katiwala lamang tayo ng Kanyang walang hanggang pagpapala.  Ikatlo, makialam din tayo para sa kapakanan ng ating kapaligiran, ng ating mundo, na siyang ating nag-iisang tahanan, "our common home!"  Nakakabagabag ng damdamin, ang ginawa ng isang batang babaeng nagngangalang Greta Thunberg, labing anim na taong gulang,  sa United Nations Climate Summit nitong nakaraang mga araw lamang sapagkat sinabi niya sa mga kinatawan ng iba't ibang bansa ang kanilang kawalang aksiyon upang mapangalaagaan ang kalikasan! Ilang beses niya silang tinawag na "makakapal ang mukha" sapagkat wala silang pakialam sa patuloy na pagsira ng kalikasan at kinabukasan ng mga bata ng mga susunod na henerasyon! Sa pagtatapos ng Season of Creation o Panahon ng Paglikha, magkaroon tayo sana tayo ng mabuting pakikialam upang pangalagaan ang kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  .  Magkaroon tayo ng MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa!  Isang pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa mga kamaliang nakikita natin sa ating paligid.  Isang pakikialam na may malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap.



Sabado, Setyembre 21, 2019

MATALINONG KRISTIYANO: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time - Year C - September 22, 2019 - YEAR OF THE YOUTH AND SEASON OF CREATION

Bakit nga ba tumatalino ang tao kapag pera ang pinag-uusapan, lalo na siguro kapag kuwentahan ng sukli o babayaran?  Minsang sumakay ako ng pampasaherong jeep.  Ibinigay ko ang aking bayad at isang bata ang tumatanggap nito at nagbalik ng sukli.  Sa pakiwari ko ay anak siya ng driver ng jeep at hindi pa siguro graduate ng elementarya ang batang iyon ngunit manghang-mangha ako sa galing niyang magkuwenta ng sukli.  May nagbayad na pasahero isandaang piso ang ibinigay.  "Isang senior yan, dalawang estudyante, at isang ordinaryo!" Gamit ang utak bilang calculator, ay agad niyang natuos kung magkano ang dapat bayaran at agad-agad ibinigay ang sukli! Ang galing!  Pero pasang-awa ang grade n'yan sa Mathematics!  Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo!  Halimbawa ang kuwentong ito:  Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na ganito ang sinasabi:  "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon.Hindi pinuri ni Jesus ang pandarayang ginawa niya. Alam nating walang pandaraya sa bokabularyo ng isang tagasunod ni Kristo.  Ang nais niya lang bigyang diin ay dapat tayo rin, bilang mga Kristiyano, ay matalino pagdating sa mga espirituwal na gawain at alalahanin.  At paano tayo magiging matalinong Kristiyano?  Ang isang matalinong Kristiyano ay dapat may takot sa Diyos!  Ang sabi sa aklat ng Ecclesiastico: "Ang takot sa Panginoon ay Karunungan at kaalaman. (Ecc. 1:27)  Kung bakit nasasadlak ang ating lipunan ngayon problema ng droga at maraming pagpatay ay sapagkat marami na sa atin ang walang takot sa Diyos!  Sapagkat ang taong may takot sa Diyos ay unang-una, may pagpapahalaga sa kanyang buhay.  Hindi s'ya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanyang katawan at kaluluwa at katawan tulad ng pagkalulon sa bisyo.  Ngunit marami pa rin sa atin ang hangal sapagkat pagkatapos ng maraming paalala at pangaral ay tuloy pa rin sa labis na paninigarilyo, pag-inom at paggamit ng salot na droga!  Kahit ilang "Oplan Tukhang" pa ang gawin ng mga kapulisan ay walangsaysay kung ang mga tao naman ay walang takot sa Diyos!  Pangalawa, ang Kristiyanong may takot sa Diyos ay may pagpapahalaga rin sa buhay ng iba!  Alam niya na ang tao ay hindi parang lamok na puwede mong patayin kapag nakita mong dumapo o kahit nagbabalak pa lang na dumapo sa 'yo!  Isipin sana ng mga gumagawa nito na ang mga taong kanilang pinapatay ay may pamilya rin, may asawa, anak at mga mahal sa buhay na kanilang maiiwan.  Ang mga taong nagsasagawa ng "extra-juducial killing" ay masasabi nating mga taong walang takot sa Diyos! Pangatlo ang mga taong walang takot sa Diyos ay hindi sumasamba at nagmamahal sa Kanya. Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”  Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras at pera sa gimik at galaan, sa computer, o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba t pagkakawang-gawa.  Tayo ay katiwala lamang ng mga biyaya na Kanyang kaloob.  Isama na rin natin ang matalinong pagggamit ng biyaya ng kalikasan na kanyang ipinagkaloob sa atin.  Kung ituturing lamang nating iisang tahanan, "Our Common Home" ang mundong ating tinitirhan ay marahil mas magiging matalino ang ating pag-aalaga dito.  Hindi tayo gagawa ng anumang bagay o desisyon na makakasira sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.  Hindi natin hahayaang maghari ang kasakiman at kayabangan na nagsasabing: "Akin lang ang mundong ito at gagamitin ko ito sa nais kong pamamaraan!"  Maging matalino sana tayo at lagi nating isiping mga katiwala lamang tayo sa kaloob ng Diyos.  Kung may angkin tayong kayamanan, talino at galing, ay isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkaka-tiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus.   Sana ang pagka-wise natin ay itaas natin at kaya nating i-level-up! Gamitin natin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na matatalinong tagasunod ni Kristo!

Sabado, Setyembre 14, 2019

ANG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 15, 2019 - SEASON OF CREATION and YEAR OF THE YOUTH

May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya S'ya?  Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang pari sa isang parokya na binansagang "Padre Kuliling".  Hindi dahil sa may pagkakulang-kulang s'ya kundi dahil sa kanyang kakaibang 'gimik" kapag siya ay nagpapakumpisal.  May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal!  Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!"  Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo".  Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog ng bell. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang sunod-sunod na tunog ng kampana... "Booong! boong! bong! booong!" 
Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya.  Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay!  Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap.  Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa.  Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan.  Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan  ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan.  Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan.  Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa  kanila sa hapag kainan.  Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo.  Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya.  Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob.  Kailan na ba ang huling kumpisal mo?  Baka naman napakatagal na at "long over-due" na ito?  Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan?  Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan.  Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa.  Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Ikaw...? Tinuturing mo ba ang sarili mong PABORITO NG DIYOS? 

Linggo, Setyembre 8, 2019

THE "BER" MONTHS and SELF-GIVING: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - YEAR OF THE YOUTH AND SEASON OF CREATION

Pumasok na tayo sa tinagurian nating BER months.  Bakit nga ba BER MONTHS ang tawag sa mga buwang darating.  Ito raw ang dahilan: Sa September daw kasi ay pinagdiriwang natin ang BERtday ni Mama Mary, Ang October naman daw ay ang buwan ng BERhen ng Santo Rosaryo.  Sa November naman daw ay we rememBER the faithful departed. At sa December ang ang BERtday ng Panginoong Jesus!  Astig di ba?  Ngunit marahil, marami sa atin ang iniisip na kapag pumasok na ang BER MONTHS ay malapit na ang Pasko.  Ngayong araw ding ito ang kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria.  Bagamat hindi natin maipagdiriwang sa liturhiya ng Linggo ang kapistahan ito, sa kadahilanang hindi maaring palitan ng anumang kapistahan ng sinumang mga banal na tao ang "Araw ng Panginoon", maliban na lamang kung ito ay "solemnity" o dakilang kapistahan, ay atin pa ring dapat alalahanin at ipagdiwang ito sapagkat malapit ang ating puso sa Mahal na Birheng Maria.  Ngayon din ay ang araw ng mga lolo at lola natin. Inaalala at ipinagdarasal natin sila ngayong "Grandparents' Day". Sila man ay buhay pa o pumanaw na ay gayun na lamang ang ating pagpupugay sa kanila sa maraming sakripisyong kanilang binata na nagpapakita ng kanilang malaking pagmamahal sa atin.  Ang buwan ng Setyembre ay ang itinalaga rin ng Simbahan na "Panahon ng Paglikha" o Season of Creation.  Ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay ang paglalaan ng Simbahan ng panahon sa ating Liturgical Calendar upang parangalan ang ating Diyos na Manlilikha at upang paalalahanan din tayo ng ating kaugnayan sa mga nilikha ng Diyos bilang kanyang mga anak.  Tatagal ang pagdiriwang na ito hanggang sa ika-apat ng Oktubre, na kapistahan ni San Francisco ng Asisi. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan. Ano ba Panahon ng Paglikha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin.  Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagkatapos ng homiliya ng pari.  Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti". Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang.  Kayabangan ang dahilan kung bakit dumaranas tayo ngayon ng pagkasira ng kalikasan at ang masidhing epekto nito sa ating pamumuhay.  Isang "kayabangan" na ating ipinapakita ay ang "throw-away culture!"  Ito ay ang walang hambas na pagtatapon ng basura kung saan-saan.  Huwag nating isisi sa Diyos ang pagbaha sa tuwing bumubuhos ang malakas ng ulan.  Hindi ang Diyos ang nagtatapon ng mga basurang bumabara sa ating mga estero at mga tubig daluyan kundi tayong "mayayabang na tao!"  Isama na natin sa ating kayabangan ang pagdura o pagdumi kung saan-saan!  Tandaan natin na hindi tayo ang may-ari ng kalsada o ng daanan kung kaya wala tayong karapatang dumihan ang mga ito!  Panatilhin nating malinis ang ating paligid bilang pagpaparangal sa ating Diyos na Manlilikha.  Ito ang konkretong katibayan ng pagiging tunay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo, ang pagiging STEWARDS of the "mysteries of God".  Isa pang katangian ng tunay na alagad ni Jesus ay ang pagiging tapat na lingkod na handang magsakripisyo o "magbuhat ng kanyang krus" para kay Kristo.  Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tumutukoy sa pagiging alagad ni Jesus, na handa niyang iwan ang lahat sa kanyang buhay upang sumunod sa Kanya.  Ito ang paalala sa atin ni Jesus ngayon sa Ebanghelyo: "Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko."  Ibig sabihin ang pagiging alagad ni Jesus ay hindi madali, walang "short cut"... pinaghihirapan!  Isang tatay ang umuwi ng bahat at bigla niyang binuhat ang kanyang asawang nagluluto.  Nagulat si misis at sinabi sa asawa:"Ano ba ang nakain mo at binubuhat mo ako?  Kung natatandaan ko ay huling ginawa mo yan ay pagkatapos ng tayo ay ikinasal ten years ago!"  Ang sagot ni mister: "Wala lang, napagdaan kasi ako sa Simbahan at narinig ko sa paring nagmimisa na dapat daw nating "buhatin ang ating mga krus" kung nais nating sumunod kay Kristo!"  Yun naman pala!  Ano ba o sino ba ang mga itinuturing kung krus sa aking buhay?  Maari itong mga tao, o mga sitwasyon sa buhay tulad ng mga problema sa trabaho, pamilya, pag-aaral. At bakit hindi? Maari ring ito ang mga obligasyon at responibilidad natin na sa pag-aalaga ng ating kapaligiran!  Ang mga krus na ito ay mabubuhat natin kung lalagyan natin ng pagmamahal ang ating ginagawa.  Ang sabi muli ni St. Mother Theresa ng Calcutta: Not of all us can do great things, but we can do small things with great LOVE!"  Maglingkod tayo sa Diyos bilang kanyang mga tapat na alagad na may pagmamahal.  Tandaan natin na ang tunay na pagmamahal ay may kasamang sakripisyo.  "This is the meaning of truelove, "  ang sabi ni St. Theresa, "to give until it hurts!"  May kasamang paghihirap ang pagbibigay sapagkat may nawawala dapat sa ating sarili kapag nagbabahagi ng tayo. Ibig sabihin ay masasaktan tayo kapag tayo ay nagbigay bilang mga alagad ni Kristo!  True love hurts!