Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 19, 2007
Tapos na ba ang Eleksyon? : Reflection for the Feast of the Ascencion Year C - May 20, 2007
Natapos na ang eleksyon. Natapos na rin ang ating pagpili sa ating mga pinuno. Natapos na rin ba ating obligasyon bilang mamamayan ng ating lipunan? Ang sagot ay malaking "HINDI!" Sinubaybayan ko ang takbo ng eleksyon. Wala namang gaanong pagbabago sa mga nangyari na dati. Naroon pa rin ang pagkakagulo (hindi mahanap ang pangalan sa listahan). Naroon pa rin ang karahasan sa ibang lugar (may mga buhay pa ring nasawi). Naroon pa rin ang pandaraya (maririnig mo pa rin ang pambibili ng boto). Naroon pa rin ang pagnanais na manalo kahit na gumamit ng paraang nakakasira sa kapwa! Parang walang nagbago! Ngunit hindi lahat ay "ganun na lang." Sa lalawigan ng Pampanga ay may kakaibang nangyari. Isang himala sabi ng isang pahayagan. Isang "phenomenal event" sabi ng isang komentarista. Isang "pag-asa" ang nakita para sa isang bansang ang eleksyon ay nabahiran na ng isang sistemang nagpapairal ng kasamaan. Nanalo ang isang pari laban sa dalawang malaking higante ng halalan sa kabila ng paggamit nila ng salapi at kapangyarihan. Nanaig ang isang pag-asa hindi lamang para sa mga kapampangan pero sa lahat ng mga Pilipino. Ano ang susunod pagkatapos nito? Matutulad na lamang ba tayo sa mga alagad ni Jesus na pagkatapos ng kanyang pag-akyat sa langit ay nanatiling namamangha at nakatingala sa langit! Hindi! Si Jesus mismo ang nagsabi: "Kayo'y magiging saksi ko... hanggang sa dulo ng daigdig!" Ibig sabihin ni Jesus ay dapat kumilos tayo! Hindi natapos ang lahat sa pag-akyat niya sa langit. Bagkus ang kanyang pag-akyat ay naghudyat pa nga upang simulan nila ang kanilang misyon... ang kanyang maging mga buhay na saksi! Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa atin ng sigla at pag-asa na kung tayo ay magiging tapat sa ating pagiging Kristiyano ay makakamit natin ang gantimpala ng kalangitan. Hindi pa rin tapos ang tagumpay ni Jesus. Tayo ang inaasahan niyang tatapos nito. Napatunayan ng eleksyon na puede pa rin pala ang pagbabago. Baguhin na rin natin ang masamang sistemang sumisira sa ating pagiging Kristiyano! Maging mga buhay tayong saksi ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento