May kuwento ng isang bata na gumawa ng sulat sa Diyos na humihingi ng pera upang ipambili ng gamot para sa kanyang nanay na may sakit. "Dear Papa God, sana naman po ay bigyan ninyo ako ng limandaang piso upang may pambili ako ng gamot sa aking nanay na maysakit... ang iyong mabait na anak, Nene." Nilagay niya ito sa isang letter envelope at isinulat ang address na pagdadalhan: "To Papa God, Heaven..." , nilagyan ng selyo at ipinadala sa Post Office. Nang makita ito ng mga trabahador ng Post Office ay kanilang tinawanan at minarkahan lamang ng "Return to Sender". Hindi nasiraan ng loob ang bata. Muli niya itong ipinadala. Muli rin itong ibinalik. Ipinadala uli. Ibinalik uli. Hanggang sa nainis na ang mga taga Post Office at binuksan na ang sulat. Nang mabasa nila ito ay napaluha sila... Agad-agad naglabas sila ng cash mula sa kanilang mga wallet. May nagbigay ng 50, 20, 10... at umabot ang halaga sa 450 pesos. Di man nakumpleto ay nagdesisyon silang ipadala na lang ito sa address ng bata na nakalagay ang salitang from "Papa God..." Laking tuwa at gulat ng bata ng matanggap ang sulat na naglalaman ng 450 pesos. Kaya't kumuha uli siya ng papel at gumawa ulit ng sulat na ipinadala n'ya agad sa Post Office. Binasa ito ng mga taga-roon. Ganito ang nilalaman ng sulat: "Dear Papa God, thank you sa ibinigay mong pera para sa aking nanay na may sakit. Pero sana next time, wag mo ng padaanin sa Post Office... nagkulang tuloy ng singkwenta pesos!" Kahanga-hanga ang bata sa kanyang pagtitiyaga! Katulad din ng babaeng balo sa ating Ebanghelyo. Ang Diyos ay laging handang magkaloob sa ating mga kahilingan kung tayo ay matiyaga sa ating panalangin. Gaano ka ba kadalas magdasal? Kung minsan ang Diyos ay nagtatagal sa pagsagot sa ating panalangin upang tingnan kung tayo ba ay may tiyaga. Ang bisa ng panalangin ay nasa ating pagtitiyaga. Nais ng Diyos na kinukulit natin Siya! Kakaiba sa atin na inis sa mga taong makukulit. Ngunit nasa kakulitan ang bisa ng ating panalangin... Tulad ng isang bata na kinukulit ang kanyang nanay upang ibili siya ng laruan, ganun din dapat ang ating pagdarasal sa Diyos. Sapagakat alam na naman ng Diyos ang ating pangangailan bago pa natin ito hingin sa kanya. Ang gusto Niya lang makita ay kung may tiyaga ba tayo sa paghingi natin ng mga ito sa Kanya. Kaya... wag lang tayong nagdasal. Bagkus, magdasal tayo ng palagian!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento