Biyernes, Oktubre 12, 2007

PAGPAPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 14, 2007


May isang lumang kwento na minsan sa langit daw ay may naligaw na kaluluwa. Naglibot siya at nakita n'ya ang tatlong malalaking bodega na kung saan ay maraming anghel na abalang-abala. Pinasok n'ya ang unang bodega na punong-puno ng anghel na super busy na nakaharap sa kanilang mga computers. "Ano ang tawag sa lugar na ito?" Tanong ng kaluluwa sa isang anghel. "Ah, ito ang receiving section... dito kasi pumapasok ang lahat ng kahilingan ng mga tao sa lupa." Lumipat naman siya sa kabilang bodega at nakita niya ang mas marami pang bilang ng mga anghel na abalang-abalang nagbabalot ng mga regalo. "Ano naman ang tawag sa lugar na ito?" Tanong muli ng kaluluwa. "Ah... ito ang tinatawag naming packaging section, dito kasi inihahanda yung mga kahilingang ibibigay sa mga tao." Sagot ng anghel. Lumipat siya sa pangatlong bodega. Laking gulat niya sapagkat napakatahimik ng lugar. Isang anghel lang ang nakita niya at ito ay nanood pa ng TV. Anong palabas? Tama: "Marimar!" "E anong tawag naman dito sa lugar mo?" tanong ng kaluluwa. Sagot ang anghel: "Ito ang acknowledging section, dito dapat bumabalik ang mga kahilingang nabigyang tugon mula sa lupa... pero nakakalungkot. Kakaunti ang nagbibigay ng kanilang "Thank You!" Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! Bakit nga ganoon tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Mamaya, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya. Walang mawawala sa 'yo, bagkos magkakamit ka pa ng kaluguran sa Kanya!

Walang komento: