Linggo, Oktubre 28, 2007

MAYKAPAL HINDI MAKAPAL! : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 28, 2007


Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ang panalangin ng MAKAKAPAL ay walang puwang sa MAYKAPAL! Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" "Anung ibig mong sabihin Panginoon?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!" hehehe... Kuwento lang naman ngunit may laman ang sinasabi. Inis ang Diyos sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Ang mapagpakumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayg ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Paano ka ba magdasal? Bawal ang makapal sa Maykapal!

Walang komento: