Sabado, Agosto 30, 2008

DIYOS NA NAGHIRAP? : Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 31, 2008

May dalawang magkaibigan, isang Kristiyano at isang Intsik ang nag-uusap tungkol sa kanilang Relihiyon. Ang sabi ng intsik: "Halika, punta tayo sa aming templo at ipapakita ko sa iyo ang aming diyos na sinasamba." Pagdating sa templo ay namangha ang batang Kristiyano sa kanyang nakita. Napakaganda ng loob ng templo. Nababalutan ng mga malagintong dekorasyon at sa harapan ng altar ay tumambad sa kanya ang napakaraming estatwa ng ng mga buddha na iba-iba ang itsura at napapalibutan ng maraming kandilang insenso. Pagkatapos ay sinabi ng Instik: "Dalhin mo naman ako sa inyong templo para makita ko ang Diyos ninyo." Nag-aalangang dinala niya ang kaibigan sa isang simbahan. Laking pagkagulat ng Intsik ng makita ang isang malaking krus sa dambana ng altar. "Ano yan?" sabi niya. "Bakit may taong nakapako sa krus? Nasaan na ang Diyos n'yo?" Ang sagot ng Kristiyano: "Siya ang aming Diyos. Nakapako Siya, naghirap, namatay para sa amin. Ganyan kami kamahal ng aming Diyos. May ganyan ba kayong Diyos?" Marahil, sa lahat ng relihiyon sa buong mundo ay tayo lamang mga Kristiyano ang makapagsasabi na mayroon tayong Diyos na namatay para sa atin. Tayo lamang ang may Diyos na nagdusa at naghirap. Hindi ito ayon sa pananaw ng mundo. Kaya si Pedro ay labis ang pagtutol ng malamang si Jesus ay magdaranas ng hirap at mamamatay. Ayaw n'ya ng Diyos na mahina! Ngunit ito ang kalakasan ng Diyos: Ang maghirap Siya para sa tao! Bakit? Sapagkat ito ang paraan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamahal. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmahal sa atin. Kaya nga ang simbolo ng krus ay mahalaga para sa atin. Ito dapat ay mag-paalala sa atin na kung papaanong ang ating Diyos ay naghirap, dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay handang magbata ng anumang hirap sa buhay. Dapat tayo rin ay matutong magbuhat ng ating mga krus at pasanin sa buhay! Ano ba ng mga krus na pinapasan ko ngayon: problema sa bahay? Sa trabaho? Sa pag-aaral? Sa asawa? Sa mga anak? Napakarami marahil. Hindi yan tatanggalin ni Jesus. Ang nais niya ay pasanin natin ang mga ito ng may pagmamahal... katulad ng pagpasan niya sa atin noong Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay.

Sabado, Agosto 23, 2008

ALIAS : Reflection for the 21st Sunday in Ordinay Time Year A - August 24, 2008

What's in a name? Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Kung minsan mahilig tayong magbigay ng "alias" sa ibang tao. Kapag panot ang tawag natin ay "Arabo"(ara-buhok!), kapag payat ang tawag natin ay "Palito", kapag mataba ang tawag natin ay "Donya Buding", kapag bading ay "sioke" at marami pang ibang pang-asar na "alias" ang ginagamit natin para pangalanan ang iba. Sa Ebanghelyo ngayon ay nagbigay din ng alias si Hesus sa isa sa kanyang mga alagad hindi upang mang-asar ngunit upang magbigay ng isang misyon. Tinawag niyang "Pedro" si Simon. Ang Pedro sa wikang Latin ay "Petrus" na ang ibig sabihin ay "bato"... matigas, matatag, di natitinag. "Ikaw ay Pedro, at ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia!" (Simbahan). Ano ba ang nakita ni Jesus kay Pedro? Alam ni Jesus na ang taong ito ay mahina. Iiwan siya ni Pedro sa hardin ng Getsemani upan mahuli ng mga Judio. Itatatwa siya ni Pedro ng tatlong beses sa harap ng ibang tao. Alam itong lahat ni Jesus ngunit sa kabila nito ay pinili niya si Simon Pedro upang pamunuan ang kanyang Iglesia at ibinigay pa sa kanya ang "susi" ng kaharian ng langit, simbolo ng kapangyarihang mamuno. Anung nakita ni Jesus kay Pedro? Ang sagot ay "kahinaan", kahinaan na nagbigay daan upang manaig sa kanya ang kalakasan ng Diyos! Maganda ang sabi ni San Pablo tungkol dito: "I willing boast of my weakness because in my weakness.. God is strong!" Ito nga marahil ang nais ding makita sa atin ni Jesus... ang masabing "Ang Diyos ang ating lakas sa kabila ng ating kahinaan!" Kalimitan ay madali tayong panghinaan ng loob kapag lagi tayong tinatalo ng ating kahinaan: paulit-ulit na kasalanan, masamang pag-uugali, masamang hilig. Tandaan natin na tayong lahat ay maaring maging "Pedro" kung tatanggapin lamang natin ang Diyos bilang ating lakas! Sa tuwing tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala dapat ay hinihingi din natin ang Grasya ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pagbabago. Sa lakas ng Diyos para kang "nakasandal sa pader"... Sa lakas ng Diyos posible!"

Sabado, Agosto 16, 2008

PANALANGING PINAKIKINGGAN : Reflection for the 20th Sunday in Ordinary Time Year A - August 17, 2008

Ano nga ba ang panalanging pinakikinggan ng Diyos? Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan naman isang pagluhod lang at kinabukasan ay nakamit na natin ang ating kahilingan. Ano nga ba ang katanginan ng isang panalangin? Paano ba tayo dapat magdalasal? Ang Ebanghelyo ay may sinasabi tungkol dito. Ang una ay ang ating pagtitiyaga o perseverance sa ating pagdarasal. Pansinin ninyo ang panalangin ng isang babae. "A lady's prayer... At 20 years: Lord, I want the best man. At 25: Lord, I want a good man. At 30: Lord, I want any man... at 45: Lord, na- mannnnn..." Sigurado akong maawa din ang Diyos sa kanya! hehe... Pero ito ang gusto ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Nais Niya na "kinukulit" natin siya! "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!" Kung minsa tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipakaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras... na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Pangalawa ay pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea sa ebangelyo ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "aso" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang aso ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili! Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang kahilingan. At pangatlo ay ang pananampalataya na bunga ng pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. May isa akong text na natanggap na ganito ang sinasabi tungkol sa pagdarasal: "My child I hear your prayers... If I answer them, it's because I'm increasing your faith. If I delay them, it's because I'm increasing your patience, endurance and perseverance. If I do not answer them, wait... I have something better for you... The best is always for you...!

Biyernes, Agosto 8, 2008

MULTO! : Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 10, 2008

Totoo bang may "multo?" Iba't iba ang pananaw dito... ngunit nakakapagtaka na sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng ating pamumuhay, tayo ay nasa "information age" na, ay hindi pa rin namamatay ang paniniwala sa mga espiritu o tinatawag nating multo. May kuwento na minsan ay may pari na tinawag ng isang pamilya upang palayasin ang multo na nanggugulo sa kanilang bahay. Naglabas ang pari ng isang "crucifix" at itinapat ito sa lugar na kung saan ay nagpapakita daw ang multo. Nakita lamang ito ng multo at tumawa! Naglabas ang pari ng "holy water" at binasbasan naman iyon ng tubig. Wala ring nangyari. Ininom lamang ng multo ang holy water. Pagkatapos ay inalabas ng pari ang "collection basket" na ginagamit sa Misa. Mabilis pa sa hangin ay biglang naglaho ang multo at di na bumalik! Lesson: Hindi lang multo ang naglalaho kundi ang mga tao ring nagsisimba kapag nagsisimula ng ilibot ang basket sa Misa! hehehe... Napagkamalang multo ng mga alagad si Jesus dahil naglakad siya sa ibabaw ng tubig. Ang kanilang unang naramdaman ay pagkatakot. Ngunit naglaho ito ng marinig nila ang tinig ni Jesus: "Huwag kayong matakot... ako ito!" Marami tayong "multo sa buhay" na kinatatakutan. "Multo ng mga nakaraan" na hanggang ngayon ay pumipigil sa atin upang magpatuloy sa hinaharap... masasamang pangyayari, karanasan, relasyon, alaala. Sa katanuyan ay tapos na sila ngunit hindi pa rin natin maiwanan kayat patuloy ang ating paninisi sa kanila at sa ating mga sarili. "Huwag kayong matakot!" Ito ang nais sabihin sa atin ni Jesus. Patawarin natin "sila" at ang ating mga sarili sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos! Let go and let God! Hayaan mong ang Diyos ang maghari sa iyong buhay. Magkaroon ka ng malaking pananampalataya sa Kanya. Huwag mong hayaang ilihis ng "malalaking alon" ng pagsubok ang iyong pagtitiwala sa kanya kapag nagsimula ka ng maglakad sa tubig ng pag-aalinlangan. Kailangang nakapako ang ating pag-iisip sa Panginoon sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa paligid natin. Ito ang kahulugan ng tunay na pananampalataya!

Linggo, Agosto 3, 2008

PARI... LAGING MALI! : Reflection for Priests' Day - Feast of St. John Vianney -

Kapistahan ngayon ng mga pari! Bukod sa Holy Thursday na kung saan ay ginugunita natin ang pagkatatatag ng pagpapari, ay pinagdiriwang natin ang araw na ito bilang "Clergy Day", na kung saan ay binibigyang parangal natin ang mga kaparian lalung-lalo na ang mga nagsisilbi sa parokya bilang Kura- Paroko o mga katulong na pari ng kura-paroko. Kung mayroon mang taong, "misunderstood" o napag-iisipan na laging mali ay walang iba kundi ang Parish Priest. Sabi nga ng isang katha na pinamagatang
"The Priest is always Wrong":

If he is preaching longer than twenty minutes,
he makes the people stay away from the church;
If he preaches less than ten minutes,
he did not prepare his sermon!

If his voice is strong during the sermon,
he is shouting;
If his voice has the normal strength,
people do not understand what he is preaching about;

If he owns a car,
he is worldly;
If he does not own one,
he does not go with the times.

If he goes visit families,
he is never at home;
If he does not visit them,
he does not care for his Parishioners.

If he is asking for contributions,
he is after money;
If he does not do it,
he is too proud for that.

If he takes his time in the confessional,
he is too slow;
If he makes it faster,
he has no time for his penitents.

If he begins his Mass on time,
his watch is advance;
If he begins a minute or two later,
he keeps the people waiting.

If he renovates his church,
he throws away the money;
If he does not do it,
he allows everything to rot away.

If he is young,
he has no experience;
If he is old,
he should retire.

As long as he lives,
there are always people who know better;

IF HE DIES,

THERE IS NOBODY TO TAKE HIS PLACE!!!

Saan kaya lulugar kaming mga pari? Ang tanging hinihiling namin sa mga tao ay ang unawain ang aming kalagayan. Tao rin kaming mga pari. Nagkakamali. May kahinaan. Makasalanan. Totoo, hinirang at itinalaga kami ni Kristo sa paglilingkod. Ngunit hindi kami naging "superheroes" noong kami ay inordenahan. Taglay pa rin namin ang karupukan ng isang tao. Kami ay mga "wounded healers" na nangangailangan din ng inyong panalangin at suporta. Lagi sana ninyo kaming alalahanin sa inyong mga panalangin. At sa mga nagawa naming kamalian at hindi pagbibigay ng mabuting halimbawa humihingi kami ng inyong pang-unawa at pagpapatawad!

Biyernes, Agosto 1, 2008

PAGKAGUTOM : Reflection for 18th Sunday on Ordinary Time Year A - August 3, 2008

Nilapitan ng isang bata ang kanyang nanay na abalang-abala sa trabaho. "Mommy, laro po tayo..." sabi ng bata. "Naku anak, ikaw na lang muna. Ang daming ginagawa ni mommy." "Anu pong ginagawa n'yo?" tanong ng bata. "Anak, nagtratrabaho si mommy." "Bakit po kayo nagtratrabaho?" muling tanong ng bata. "Para, kumita tayo ng pera..." sagot naman ng nanay. Tila hindi pa kuntento ang bata kaya muling nagtanong. "Bakit po gusto n'yong magkapera?" Medyo nainis na ang nanay sa sunod-sunod na tanong ng anak at medyo nagtaas ng boses na sumagot: "Para may pambili tayo ng pagkain!" Medyo takot ngunit nagpahabol pa ng tanong ang anak: "E para saan po ang pagkain?" Napika na nanay kaya't pasigaw na sumagot, "Para hindi tayo magutom! Umalis ka na nga at naiistorbo ako sa 'yo!" Tumahimik ang bata tangan-tangan ang kanyang laruan. Pagkatapos ay nakatitig na sinabi sa kanyang nanay: "Mommy... hindi po ako gutom!" Marahil ay may katotohanan ang sinabi ng kanyang anak. Hindi nga siya gutom! Ngunit kung susuriing mabuti ang kanyang sagot ay masasabi nating may mas malalim pang pagkagutom na iniinda ang bata... pagkagutom na higit pa sa pagkain, pagkagutom na tanging ang nanay niya lang ang maaring makabusog. Maraming uri ng pagkagutom tayong nararanasan. Isa lamang ang pisikal na pagkagutom. Marami ang gutom sa pagmamahal... gutom sa katarungan ... gutom sa kapayapaan ... Ang Ebanghelyo natin ay tumatalakay din sa isang uri ng pagkagutom. Pagkagutom na nakita ni Jesus sa mukha ng mga taong nakikinig sa kanya habang Siya ay nangangaral at nagpapagaling ng kanilang mga maysakit. Ang sabi niya sa kanyang mga alagad: "Kayo, ang magbigay sa kanila ng makakain..." Bagama't si Jesus ang nagparami ng tinapay at isda para makain ng mga tao, ang mga alagad naman ang nagsilbing daan upang magawa niya ito. Limang tinapay, dalawang isda, mga alagad na kapos sa pinag-aralan, kakayahan at kayamanan... ngunit ginamit ni Jesus upang maibsan ang gutom ng mga tao. Tayo rin ay nais gamitin ng Panginoon sa kabila ng ating kakulangan upang tugunan ang pagkagutom ng ating kapwa. Wag mong sabihing estudyante ka lang, mahirap ka lang, na wala kang kaalaman o kakayahan. Mayroon palagi tayong maibabahagi sa iba. Ang sabi nga ng turo ng Simbahan: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Lahat tayo ay "tinapay at isda" para sa ating kapwa. Ano na ang nagawa mo para sa kapwa mo?