Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 23, 2008
ALIAS : Reflection for the 21st Sunday in Ordinay Time Year A - August 24, 2008
What's in a name? Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Kung minsan mahilig tayong magbigay ng "alias" sa ibang tao. Kapag panot ang tawag natin ay "Arabo"(ara-buhok!), kapag payat ang tawag natin ay "Palito", kapag mataba ang tawag natin ay "Donya Buding", kapag bading ay "sioke" at marami pang ibang pang-asar na "alias" ang ginagamit natin para pangalanan ang iba. Sa Ebanghelyo ngayon ay nagbigay din ng alias si Hesus sa isa sa kanyang mga alagad hindi upang mang-asar ngunit upang magbigay ng isang misyon. Tinawag niyang "Pedro" si Simon. Ang Pedro sa wikang Latin ay "Petrus" na ang ibig sabihin ay "bato"... matigas, matatag, di natitinag. "Ikaw ay Pedro, at ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia!" (Simbahan). Ano ba ang nakita ni Jesus kay Pedro? Alam ni Jesus na ang taong ito ay mahina. Iiwan siya ni Pedro sa hardin ng Getsemani upan mahuli ng mga Judio. Itatatwa siya ni Pedro ng tatlong beses sa harap ng ibang tao. Alam itong lahat ni Jesus ngunit sa kabila nito ay pinili niya si Simon Pedro upang pamunuan ang kanyang Iglesia at ibinigay pa sa kanya ang "susi" ng kaharian ng langit, simbolo ng kapangyarihang mamuno. Anung nakita ni Jesus kay Pedro? Ang sagot ay "kahinaan", kahinaan na nagbigay daan upang manaig sa kanya ang kalakasan ng Diyos! Maganda ang sabi ni San Pablo tungkol dito: "I willing boast of my weakness because in my weakness.. God is strong!" Ito nga marahil ang nais ding makita sa atin ni Jesus... ang masabing "Ang Diyos ang ating lakas sa kabila ng ating kahinaan!" Kalimitan ay madali tayong panghinaan ng loob kapag lagi tayong tinatalo ng ating kahinaan: paulit-ulit na kasalanan, masamang pag-uugali, masamang hilig. Tandaan natin na tayong lahat ay maaring maging "Pedro" kung tatanggapin lamang natin ang Diyos bilang ating lakas! Sa tuwing tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala dapat ay hinihingi din natin ang Grasya ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pagbabago. Sa lakas ng Diyos para kang "nakasandal sa pader"... Sa lakas ng Diyos posible!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento