Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 30, 2008
DIYOS NA NAGHIRAP? : Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 31, 2008
May dalawang magkaibigan, isang Kristiyano at isang Intsik ang nag-uusap tungkol sa kanilang Relihiyon. Ang sabi ng intsik: "Halika, punta tayo sa aming templo at ipapakita ko sa iyo ang aming diyos na sinasamba." Pagdating sa templo ay namangha ang batang Kristiyano sa kanyang nakita. Napakaganda ng loob ng templo. Nababalutan ng mga malagintong dekorasyon at sa harapan ng altar ay tumambad sa kanya ang napakaraming estatwa ng ng mga buddha na iba-iba ang itsura at napapalibutan ng maraming kandilang insenso. Pagkatapos ay sinabi ng Instik: "Dalhin mo naman ako sa inyong templo para makita ko ang Diyos ninyo." Nag-aalangang dinala niya ang kaibigan sa isang simbahan. Laking pagkagulat ng Intsik ng makita ang isang malaking krus sa dambana ng altar. "Ano yan?" sabi niya. "Bakit may taong nakapako sa krus? Nasaan na ang Diyos n'yo?" Ang sagot ng Kristiyano: "Siya ang aming Diyos. Nakapako Siya, naghirap, namatay para sa amin. Ganyan kami kamahal ng aming Diyos. May ganyan ba kayong Diyos?" Marahil, sa lahat ng relihiyon sa buong mundo ay tayo lamang mga Kristiyano ang makapagsasabi na mayroon tayong Diyos na namatay para sa atin. Tayo lamang ang may Diyos na nagdusa at naghirap. Hindi ito ayon sa pananaw ng mundo. Kaya si Pedro ay labis ang pagtutol ng malamang si Jesus ay magdaranas ng hirap at mamamatay. Ayaw n'ya ng Diyos na mahina! Ngunit ito ang kalakasan ng Diyos: Ang maghirap Siya para sa tao! Bakit? Sapagkat ito ang paraan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamahal. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmahal sa atin. Kaya nga ang simbolo ng krus ay mahalaga para sa atin. Ito dapat ay mag-paalala sa atin na kung papaanong ang ating Diyos ay naghirap, dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay handang magbata ng anumang hirap sa buhay. Dapat tayo rin ay matutong magbuhat ng ating mga krus at pasanin sa buhay! Ano ba ng mga krus na pinapasan ko ngayon: problema sa bahay? Sa trabaho? Sa pag-aaral? Sa asawa? Sa mga anak? Napakarami marahil. Hindi yan tatanggalin ni Jesus. Ang nais niya ay pasanin natin ang mga ito ng may pagmamahal... katulad ng pagpasan niya sa atin noong Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento