Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Agosto 8, 2008
MULTO! : Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 10, 2008
Totoo bang may "multo?" Iba't iba ang pananaw dito... ngunit nakakapagtaka na sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng ating pamumuhay, tayo ay nasa "information age" na, ay hindi pa rin namamatay ang paniniwala sa mga espiritu o tinatawag nating multo. May kuwento na minsan ay may pari na tinawag ng isang pamilya upang palayasin ang multo na nanggugulo sa kanilang bahay. Naglabas ang pari ng isang "crucifix" at itinapat ito sa lugar na kung saan ay nagpapakita daw ang multo. Nakita lamang ito ng multo at tumawa! Naglabas ang pari ng "holy water" at binasbasan naman iyon ng tubig. Wala ring nangyari. Ininom lamang ng multo ang holy water. Pagkatapos ay inalabas ng pari ang "collection basket" na ginagamit sa Misa. Mabilis pa sa hangin ay biglang naglaho ang multo at di na bumalik! Lesson: Hindi lang multo ang naglalaho kundi ang mga tao ring nagsisimba kapag nagsisimula ng ilibot ang basket sa Misa! hehehe... Napagkamalang multo ng mga alagad si Jesus dahil naglakad siya sa ibabaw ng tubig. Ang kanilang unang naramdaman ay pagkatakot. Ngunit naglaho ito ng marinig nila ang tinig ni Jesus: "Huwag kayong matakot... ako ito!" Marami tayong "multo sa buhay" na kinatatakutan. "Multo ng mga nakaraan" na hanggang ngayon ay pumipigil sa atin upang magpatuloy sa hinaharap... masasamang pangyayari, karanasan, relasyon, alaala. Sa katanuyan ay tapos na sila ngunit hindi pa rin natin maiwanan kayat patuloy ang ating paninisi sa kanila at sa ating mga sarili. "Huwag kayong matakot!" Ito ang nais sabihin sa atin ni Jesus. Patawarin natin "sila" at ang ating mga sarili sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos! Let go and let God! Hayaan mong ang Diyos ang maghari sa iyong buhay. Magkaroon ka ng malaking pananampalataya sa Kanya. Huwag mong hayaang ilihis ng "malalaking alon" ng pagsubok ang iyong pagtitiwala sa kanya kapag nagsimula ka ng maglakad sa tubig ng pag-aalinlangan. Kailangang nakapako ang ating pag-iisip sa Panginoon sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa paligid natin. Ito ang kahulugan ng tunay na pananampalataya!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento