Miyerkules, Oktubre 29, 2008

ANG MGA NASA "ITAAS" (Reposted) : Reflection for the Solemnity of All Saints - November 1, 2008


Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"

Sabado, Oktubre 25, 2008

DOBLE-KARA : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 26, 2008

Isang pulitiko na kilala sa "pandarambong sa kaban ng bayan" ang nagpunta sa isang Simbahan at nagdasal sa harap ng isang malaking krusipiho: "Panginoon, nagpapasalamat ako sa maraming biyayang ipinagkaloob mo sa akin. I have just closed a multi-million peso deal. Kumita ako ng malaki sa proyektong ibinigay sa akin ng gobyerno. Napaalis ko na rin ang mga squatters sa lupang nais kong bilhin... maraming salalamat Panginoon!" Laking pagkagulat niya ng biglang nagsalita si Jesus sa krusipiho. "Oo, magpasalamat ka!" "Panginoon, anung ibig sabihin mo?" tanong niya. Tugon ni Jesus: "Magpasalamat ka at nakapako ako dito kung hindi ay sinapak na kita!" Doble-karang Kristiyano! Ito ang tawag sa mga taong hindi isinasabuhay ang kanilang pananampalataya. Kailanman ay hindi maaring paghiwalayin ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Ito ang tinatawag nating vertical at horizontal dimension of our faith! Paano natin masasabing minamahal natin ang Diyos? Hindi sapat ang pagdarasal, pagsisimba, pagtanggap ng mga sakramento, o personal na pagpapakabuti at pag-iwas sa masasama. Malinaw ang sabi ni Jesus nang tinanong siya kung ano ang pinakamahalagang utos: “You shall love the Lord, your God, with all your heart, with all your soul, and with all your mind. This is the greatest and the first commandment. The second is like it: You shall love your neighbor as yourself." Pansinin ang katagang: "the second is like it" sinasabing pareho ang kahalagahan ng ikawala sa unang utos! Kailan ko naman masasabing minamahal ko ang aking kapwa? Sa unang pagbasa ay sinasabi sa ating galangin ang karapatan ng iba lalo na ang mahihina at inaapi. Kapag pinagsasamantalahan natin ang kahirapan ng iba, ang kanilang kamangmangan, ang kanilang kababaan, ay hindi natin malinaw na sinusunod ang ikalawang utos. Kapag nagiging sanhi tayo sa ikapagpapahamak ng ating kapwa at pagkasira ng kanyang buhay ay paglabag din ito utos ng Diyos. Kaya nga't suriin natin ang ating pagiging Kristiyano. Anung klase ba akong taga-sunod ni Kristo? Doble-kara rin ba ako?

Sabado, Oktubre 18, 2008

GOOD CHRISTIANS... HONEST CITIZENS: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - World Mission Sunday - October 19, 2008

Naangkop ang Ebanghelyo sa nangyayari sa ating mundo ngayon. Hindi lingid sa ating kaalaman ang nangyayaring crisis sa Amerika at Europa nitong mga nakaraang araw. Kung sila na gahigante ang ekonomiya ay maari palang magka-crisis sa ay pa'no pa kaya tayo na parang unano lamang? Ang tangi nating lamang sa kanila ay sanay na tayo sa hirap! Subukan mong pumunta sa mall mamya at tingnan mo ang mga mukha ng mga makakasalubong mo... lahat sila ay maaliwalas ang dating, nakangiti... parang walang mga utang! Parang maraming pera! Sabi nga nila, apat lang daw ang problemang kinakaharap ng tao: pera, kuwarta, salapi at datung! Ngunit wala tayong dapat ipangamba. Kung pagbabatayan natin ang Ebanghelyo ngayon makikita natin na hindi lang tayo dapat mapako sa pinagkakaabalahan ng mundo. May mas mataas na dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Ang sabi ni Jesus: “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” Ang ibig sabihin ni Jesus ay may mga bagay na nauukol sa mundong ito at may maga bagay din na nauukol lamang para sa Diyos. At kapag dumating ang sandali na kailangan tayong magdesisyon kung ano ang mas dapat nating pahalagahan, ito ay walang iba kundi ang mga bagay na dapat ay PARA SA DIYOS! Ngayon din ay Linggo ng Misyon. Hindi lang natin pinagdarasal ang mga misyonerong nasa ibang bansa. Pinagdarasal din natin ang isa't isa sapagkat tayong lahat ay "misyonero." Bilang misyonero, inaasahan ni Jesus na handa nating ibigay ang ating buong sarili sa paglilingkod sa kanya at sa pagpapalaganap ng kanyang kaharian. At ito ay nagagawa natin sa pagsaksi sa ating pananampalataya. Ang ating misyon ay magbigay ng mabuting halimbawa sa ating kapwa! Tanungin natin ang ating sarili: "Ako ba ay nagiging mabuting halimbawa sa aking mga anak? Sa aking asawa? Sa aking mga kapatid? Sa aking mga kaibigan? Sa aking ka-opisina o katrabaho? Sa aking kapitbahay? Tandaan natin na tayo ay mayroong "dual citizenship". Mamamayan tayo ng mundong ito ngunit tayo rin ay mamamayan ng langit. Hindi lang sapat na maging mabuting tao. Dapat din ay maging isang ganap na Kristiyano! Ang hamon sa atin ni Jesus ay maging "GOOD CHRISTIANS AND HONEST CITIZENS!"

Sabado, Oktubre 11, 2008

"EYE-BALL" : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 12, 2008

Nakaka-badtrip ang mga taong "indianero!" Minsan may dalawang magkatext-mate na nagdecide na mag-eye-ball. "Sige kita tayo", sabi ng lalaki: "suot ka ng yellow shirt, ako naman green." Dumating ang eye-ball day. Pumasok sa resto-bar ang isang pangit na babae na naka yellow shirt. Wala siyang makitang lalaking naka-green. Nilapitan niya ang isang lalaki na naka-black shirt. "Excuse me sir... ikaw ba ang ka-textmate ko?" Sagot ng lalaki: "Haller... green ba shirt ko? Hindi noh!!!" hehehe... Kung nakakabadgtrip ang indianero, mas lalo na ang mga taong ayaw talagang makipagkita! Katulad ng mga katauhan sa ating talinhaga ngayon. May mga taong naimbitahan sa isang kasalan. Nagsabi silang darating ngunit nang malapit na ang pagdiriwang ay biglang nagback-out! Ang kanilang kadahilanan? May mas mahalaga pa silang gagawin! Hinalintulad ni Jesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa mga taong ito. Sila ang unang naimbitahan na makibahagi sa Kaharian ng Diyos ngunit nang dumating na ang 'eye-ball day' na kung saan ay si Jesus na mismo ang nanghihikayat sa kanilang pasakop sa kanyang paghahari ay tumanggi sila ng harapan. Kaya nga't ibinaling ni Jesus ang paanyaya sa atin! Ang katanungan ngayon ay: "Tatanggihan mo rin ba?" Nagsabi na tayo ng "Oo" noong tayo ay nabinyagan at nakumpilan. Ngunit sa tuwing nilalabag natin ang utos ng Diyos ay isang masakit na pagtanggi ang ating ginagawa sa kanyang imbitasyon. Maraming pagkakataon na ang Diyos mismo ang nakikipag-eyeball sa atin. Nakakatagpo natin siya sa mga taong mahihirap, mga taong humihingi ng ating pag-aaruga, pag-intindi, pagpapatawad... Ilang beses na rin marahil na atin siyang iniwasan. Ang dahilan, halos pareho rin.... marami pa akong gagawing mas mahalaga! Kung ang Diyos ay importante sa ating buhay ay bibigyan natin siya ng pagkakataon. Hahanapan natin siya ng puwang sa ating puso. Maglalaan tayo ng oras para sa kanya! Isa lang naman talagang ang katanungan: "Mahal mo ba Siya?"

Sabado, Oktubre 4, 2008

PAGBIBIGAY NG NARARAPAT: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 5, 2008

Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... total - singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe.. Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na dinanaan ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang dapat magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. Ang Israel ang ubasan sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Ang mga ito ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit ang lahat ay may hangganan din. Ibigay natin ang nararapat sa Kanya! Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin... isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba.