Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 25, 2008
DOBLE-KARA : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 26, 2008
Isang pulitiko na kilala sa "pandarambong sa kaban ng bayan" ang nagpunta sa isang Simbahan at nagdasal sa harap ng isang malaking krusipiho: "Panginoon, nagpapasalamat ako sa maraming biyayang ipinagkaloob mo sa akin. I have just closed a multi-million peso deal. Kumita ako ng malaki sa proyektong ibinigay sa akin ng gobyerno. Napaalis ko na rin ang mga squatters sa lupang nais kong bilhin... maraming salalamat Panginoon!" Laking pagkagulat niya ng biglang nagsalita si Jesus sa krusipiho. "Oo, magpasalamat ka!" "Panginoon, anung ibig sabihin mo?" tanong niya. Tugon ni Jesus: "Magpasalamat ka at nakapako ako dito kung hindi ay sinapak na kita!" Doble-karang Kristiyano! Ito ang tawag sa mga taong hindi isinasabuhay ang kanilang pananampalataya. Kailanman ay hindi maaring paghiwalayin ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Ito ang tinatawag nating vertical at horizontal dimension of our faith! Paano natin masasabing minamahal natin ang Diyos? Hindi sapat ang pagdarasal, pagsisimba, pagtanggap ng mga sakramento, o personal na pagpapakabuti at pag-iwas sa masasama. Malinaw ang sabi ni Jesus nang tinanong siya kung ano ang pinakamahalagang utos: “You shall love the Lord, your God, with all your heart, with all your soul, and with all your mind. This is the greatest and the first commandment. The second is like it: You shall love your neighbor as yourself." Pansinin ang katagang: "the second is like it" sinasabing pareho ang kahalagahan ng ikawala sa unang utos! Kailan ko naman masasabing minamahal ko ang aking kapwa? Sa unang pagbasa ay sinasabi sa ating galangin ang karapatan ng iba lalo na ang mahihina at inaapi. Kapag pinagsasamantalahan natin ang kahirapan ng iba, ang kanilang kamangmangan, ang kanilang kababaan, ay hindi natin malinaw na sinusunod ang ikalawang utos. Kapag nagiging sanhi tayo sa ikapagpapahamak ng ating kapwa at pagkasira ng kanyang buhay ay paglabag din ito utos ng Diyos. Kaya nga't suriin natin ang ating pagiging Kristiyano. Anung klase ba akong taga-sunod ni Kristo? Doble-kara rin ba ako?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento