Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 18, 2008
GOOD CHRISTIANS... HONEST CITIZENS: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - World Mission Sunday - October 19, 2008
Naangkop ang Ebanghelyo sa nangyayari sa ating mundo ngayon. Hindi lingid sa ating kaalaman ang nangyayaring crisis sa Amerika at Europa nitong mga nakaraang araw. Kung sila na gahigante ang ekonomiya ay maari palang magka-crisis sa ay pa'no pa kaya tayo na parang unano lamang? Ang tangi nating lamang sa kanila ay sanay na tayo sa hirap! Subukan mong pumunta sa mall mamya at tingnan mo ang mga mukha ng mga makakasalubong mo... lahat sila ay maaliwalas ang dating, nakangiti... parang walang mga utang! Parang maraming pera! Sabi nga nila, apat lang daw ang problemang kinakaharap ng tao: pera, kuwarta, salapi at datung! Ngunit wala tayong dapat ipangamba. Kung pagbabatayan natin ang Ebanghelyo ngayon makikita natin na hindi lang tayo dapat mapako sa pinagkakaabalahan ng mundo. May mas mataas na dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Ang sabi ni Jesus: “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” Ang ibig sabihin ni Jesus ay may mga bagay na nauukol sa mundong ito at may maga bagay din na nauukol lamang para sa Diyos. At kapag dumating ang sandali na kailangan tayong magdesisyon kung ano ang mas dapat nating pahalagahan, ito ay walang iba kundi ang mga bagay na dapat ay PARA SA DIYOS! Ngayon din ay Linggo ng Misyon. Hindi lang natin pinagdarasal ang mga misyonerong nasa ibang bansa. Pinagdarasal din natin ang isa't isa sapagkat tayong lahat ay "misyonero." Bilang misyonero, inaasahan ni Jesus na handa nating ibigay ang ating buong sarili sa paglilingkod sa kanya at sa pagpapalaganap ng kanyang kaharian. At ito ay nagagawa natin sa pagsaksi sa ating pananampalataya. Ang ating misyon ay magbigay ng mabuting halimbawa sa ating kapwa! Tanungin natin ang ating sarili: "Ako ba ay nagiging mabuting halimbawa sa aking mga anak? Sa aking asawa? Sa aking mga kapatid? Sa aking mga kaibigan? Sa aking ka-opisina o katrabaho? Sa aking kapitbahay? Tandaan natin na tayo ay mayroong "dual citizenship". Mamamayan tayo ng mundong ito ngunit tayo rin ay mamamayan ng langit. Hindi lang sapat na maging mabuting tao. Dapat din ay maging isang ganap na Kristiyano! Ang hamon sa atin ni Jesus ay maging "GOOD CHRISTIANS AND HONEST CITIZENS!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento