Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Enero 30, 2009
Feast of St. John Bosco: GURO AT AMA NG MGA KABATAAN - January 31, 2009
Nasa ikaanim na baitang pa lamang ako noong una kong marating ang Don Bosco Youth Center Tondo. Agad akong na "at home" sa lugar na 'yon sapagkat punong-puno ito ng kabataan. Kung sabagay hindi naman ito nakapagtataka sapagkat ang Tundo ay tinaguriang "pabrika ng mga bata!" hehe... Mas lalo akong na "at home" nang lapitan ako ng isang brother at tinanong kung ibig kong sumali sa KOA (Knights of the Altar). Ito ang unang beses na nakaharap ako sa isang taong naka-abito. Dala marahil ng kaba kaya't tumango naman ako... Paglipas ng ilang mga buwan, naging pangalawang tahanan ko na ang Don Bosco Youth Center Tondo. Sa katunayan, itinataboy na ako ng nanay ko sa bahay at gustong ilipat na ang kama ko sa Don Bosco... hehehe... Ganyan naging kalakas ang "impact" sa kin ng Don Bosco. Wala akong kamalay-malay na balang araw, isa rin pala ako sa mga susunod sa kanya! Lalong napamahal sa akin si Don Bosco ng mapag-alaman ko ang buhay niya. Nagsimula ang lahat sa isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang. Panaginip na nabigyang linaw habang ibinibigay niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga kabataan. Maraming pagsubok ang dumating sa kanyang buhay at pilit siyang inilalayo sa katuparan ng kanyang panaginip. Ngunit ang Diyos na rin ang nagbigay linaw sa katuparan nito. Sa paggabay ng Mahal na Birheng Maria ay unti-unting natupad ang ipinakita sa kanya ng panaginip... ang pagpapabago sa mga kabataang naging mababangis na hayop upang maging maaamong tupa. Ginugol ni San Juan Bosco ang kanyang lakas at talino upang hubugin ang mga kabataang maging mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan ng lipunan. Ang kanyang buhay ay parang kandila na unti-unting naagnas sa pagbibigay ng liwanag sa mga kabataang kanyang inaruga at tinuring bilang mga tunay anak. Kaya nga ang titulong ibinigay sa kanya ay "Padre e Maesto"... "Father and Teacher"... Guro at Ama! "Don Bosco... turuan mo akong maging katulad mo. Sa kabila ng aking kahinaan at kakulangan nawa ako'y maging karapat-dapat at tapat mong anak..."
Linggo, Enero 25, 2009
Reflection: Feast of the Conversion of St. Paul, the Apostle Year B - January 25, 2009 : BALIMBING PARA KAY KRISTO
"BALIMBING" : English Definition: (noun) starfruit; a small tree whose edible fleshy fruit has five longitudinal, angular lobes (Tagalog slang/noun) someone who is a traitor or a political turncoat (Tagalog slang/verb) to change one's party affiliation or shift loyalty to another leader. Kalimitan nating naririnig na ginagamit ang salitang ito para sa mga taong taksil, traidor o sukab. Ito marahil ang itinawag kay Pablo pagkatapos siyang marinig ng mga Hudio nang subukan niyang magpaliwanag sa kanila sa pamamagitan ng pagsasalasay ng dahilan ng kanyang "pagbabagong-buhay" at pangangaral tungkol kay Hesukristo. Kung sabagay, hindi rin natin masisisi ang mga taong ito sapagkat kung huhusgahan natin ang nakaraan ni Pablo ay talagang mahirap paniwalaan ang kanyang "pagbalimbing" bilang alagad ni Kristo! Ngunit hindi sapat ito upang pigilan si Pablo sa kanyang paniniwala. Alam niya ang kahihinatnan ng "pagpapalit-kulay" na kanyang ginawa. Batid niya ang kaparusahang nakalaan sa mga taksil at traidor sa kanilang relihiyon. Sa kabila nito ay nanindigan siya at naging mas masigasig pa sa pangangaral at pagpapalaganap ng Mabuting Balita na si Hesus nga ang ipinangakong Mesias. At sa huli ay buhay niya ang naging kapalit sa pagiging "balimbing" para kay Kristo. Kaya marahil ganun na lamang ang pagpaparangal ng Simbahan sa dakilang apostol na ito at ngayon nga ay pinaparangalan natin siya sa taong itong na inilaan natin para sa kanya... ang Taon ni San Pablo Apostol o "Pauline Year". Kung mayroon man tayong dapat matutunan kay San Pablo ay walang iba kundi ang kanyang katatagan at paninindigan bilang alagad ni Kristo. Marami kasi sa ating mga Katolikong Kristiyano ang "balat-sibuyas" sa ating pananampalataya... mababaw o "superficial" kung tawagin. May mga Kristiyano paring KBL kung tawagin (mga kristiyanong makikita mo lang sa simbahan kapag Kasal, Binyag at Libing! Marami pa rin sa atin ang nag-aakalang ililigtas tayo sa haba at dami ng ating mga panalangin o kaya naman ay sa pagpasok natin sa loob ng Simbahan ay mababawasan ang ating pagiging makasalanan. Ano kaya kung magkaroon ng pag-uusig sa relihiyon sa ating bansa? Ilan kaya ang handang magbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya? Dito marahil lalabas ang mga tunay na balimbing... dito makikita ang tunay nating kulay bilang mga alagad ni Kristo! Ngunit huwag na natin hayaan pang dumating ang araw na ito. Ang ating pang-araw-araw na pamumuhay ay sapat ng pag-uusig upang ipakita ang ating katapatan kay Kristo. Maging tapat ka sa iyong trabaho, maging masipag ka sa pag-aaral, maging mapagmahal ka sa iyong mga magulang at kapatid, maging mapagpatawad ka sa iyong mga kaaway... napakaraming pagkakataon upang ipakita natin na hindi tayo "balimbing na mga Kristiyano." Sana kung tayo man ay babalimbing ay "bumalimbing tayo para kay Kristo"... tulad ni Pablo!
Sabado, Enero 17, 2009
Reflection: Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol, Enero 18, 2009 - ANG DIYOS SA MATA NG BATA
Nakakabagabag ang kasalukuyang nangyayari ngayon sa bansang Europa. Kumakalat ang "add campaign na nagsasabing 'walang Diyos'. Nagsimula ito sa London at ngayon ay dinadala na sa mga karatig bansa nito tulad ng Spain at Italy. Ito ang kanilang slogan: “There’s probably no God. Now stop worrying and enjoy your life.” Hindi naman talaga bago ang ganitong pananaw. Ito naman talaga ang pinanghahawakan ng mga tinatawag nating "practical atheist". Ngunit ang nakakabahala ay ang aktibong pagpapalaganap nila nito sa mga pampublikong lugar at sasakyan. Nakakalungkot sapagkat kung gaano kabilis ang pag-unlad ng agham at teknolohiya ay ganun din ang unti-unting panghihina ng ating pananampalataya! Minsan may isang atheist na hinamon ang Diyos at sinabing: "Kung talagang merong Diyos ay patamaan Niya ako ng kidlat ngayon!" Walang kidlat na dumating kaya't sinabi niya sa mga tao, "Kita na ninyo... walang Diyos! Buhay pa ako! hahaha!" May isang batang nagtaas ng kamay at sinabi sa kanya, "Sir, alam ninyo, mas lalo pa akong naniwalang mayroong Diyos. Sabi kasi ng nanay ko, ang Diyos ay mabait at mapagtimpi lalo na sa mga suwail niyang anak. Kaya siguro buhay ka pa..." Kaya nga marahil sa Ebanghelyo ngayon ay ibinida ni Hesus ang mga bata. Maliwanag ang sabi ni Hesus: "Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” Kapistahan ngayon ng Sto. Nino, pinapaalalahanan tayo na ang tunay na pananampalataya ay nakakamit lamang ng mga taong "payak" o simple... tulad ng mga bata. Hindi isip ang ginagamit upang maranasan ang Diyos kundi puso! Kung paanong ang isang bata ay lubos ang pagtitiwala sa kanyang mga magulang, tayo rin ay sinasabihang magtiwala sa Diyos na ating Ama. Huwag na nating lokohin pa ang ating mga sarili. Kahit anung pagtanggi natin sa Diyos ay hahanap-hanapin Siya ng ating puso. Kahit magpakalunod pa tayo sa kasamaan, ang Diyos hindi titigil ang Diyos sa paghahanap at pagsagip sa atin. Kaya nga nasabi ni San Agustin nang muli niyang matagpuan ang Diyos sa kanyang buhay: "Late have I loved you, O Beauty ever ancient, ever new, late have I loved you. You called, you shouted and you shattered my deafness..." Huwag na sana nating ilagay sa huli ang pagsisisi. Huwag na nating hamunin pa ang Diyos na makidlatan tayo! Anumang oras ay puwede itong dumating. Magpasalamat tayo dahil hanggang ngayon ay humihinga pa rin tayo. Tulad ng isang bata, hawakan natin ang "kamay" ng Diyos at magtiwala tayo sa kanya.
Sabado, Enero 10, 2009
Reflection: Feast of the Baptism of the Lord , Year B : Jan. 11, 2009 - MADALING MAGING KRISTIYANO, MAHIRAP MAGPAKAKRISTIYANO!
Ang Kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon ay may pagkakahawig sa kapistahang ipinagdiwang natin noong nakaraang Linggo. Sa katanuyan, ang tawag din sa kapistahang ito ay "Ikalawang Epipanya o Pagpapahayag ni Jesus". Ano naman kaya ang ipinahayag ni Jesus sa kapistahang ito at ano ang itinuturo nito sa atin? "May isang lasing na naglalakad sa isang madilim na kalsada. Dala ng kanyang kalasingan ay hindi niya napansin ang isang malaki at malalim na hukay sa kanyang daraanan. Natural, nalaglag siya sa hukay! Natauhan siya at nang makitang may kalaliman ang hukay ay naglakas-loob na s'yang sumigaw upang humingi ng tulong. Mabuti na lang at may isang lalaki ring napadaan sa hukay ng makita ang lasing sa ibaba ay bigla s'yang tumalon! Laking pagkagulat ng lasing at tinanong siya: "Anung ginagawa mo dito?" Sagot ng lalaki: "Narinig ko ang sigaw mo... medyo mahina, kaya tumalon ako para tulungan ka... para mas malakas ang sigaw natin!" hehe... May katangahan din naman ang taong iyon kung ating iisipin. Pero ganyan ang ginawa ng Diyos nang Siya ay nagdesisyong maging tao. Tumalon Siya sa hukay upang samahan tayo. Nakiisa Siya sa atin. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya. Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpakakristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo!
Sabado, Enero 3, 2009
Reflection: Kapistahan ng Epipanya o Pagpapakita ng Panginoon: WISE MEN... WISE CHRISTIAN! (Reposted & Revised)
Sa ibang bansa ang Epipanya ay tinatawag na "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigayan ng regalo. Dito rin kasi nakukumpleto ang mga tauhan sa Belen... sa pagdalaw ng mga "pantas" o sa mas kilala nating tawag na "Three Kings". May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Kaya nga ang kahulugan ng Epipanya ay "pagpapakita". Dito ipinakita ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak bilang tunay na Diyos, tunay na tao at tunay na Hari sa pamamagitan ng tatlong regalo sa kanya: ang kamanyang, mira at ginto. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men." "Wise" na Kristiyano ka ba?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)