Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 17, 2009
Reflection: Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol, Enero 18, 2009 - ANG DIYOS SA MATA NG BATA
Nakakabagabag ang kasalukuyang nangyayari ngayon sa bansang Europa. Kumakalat ang "add campaign na nagsasabing 'walang Diyos'. Nagsimula ito sa London at ngayon ay dinadala na sa mga karatig bansa nito tulad ng Spain at Italy. Ito ang kanilang slogan: “There’s probably no God. Now stop worrying and enjoy your life.” Hindi naman talaga bago ang ganitong pananaw. Ito naman talaga ang pinanghahawakan ng mga tinatawag nating "practical atheist". Ngunit ang nakakabahala ay ang aktibong pagpapalaganap nila nito sa mga pampublikong lugar at sasakyan. Nakakalungkot sapagkat kung gaano kabilis ang pag-unlad ng agham at teknolohiya ay ganun din ang unti-unting panghihina ng ating pananampalataya! Minsan may isang atheist na hinamon ang Diyos at sinabing: "Kung talagang merong Diyos ay patamaan Niya ako ng kidlat ngayon!" Walang kidlat na dumating kaya't sinabi niya sa mga tao, "Kita na ninyo... walang Diyos! Buhay pa ako! hahaha!" May isang batang nagtaas ng kamay at sinabi sa kanya, "Sir, alam ninyo, mas lalo pa akong naniwalang mayroong Diyos. Sabi kasi ng nanay ko, ang Diyos ay mabait at mapagtimpi lalo na sa mga suwail niyang anak. Kaya siguro buhay ka pa..." Kaya nga marahil sa Ebanghelyo ngayon ay ibinida ni Hesus ang mga bata. Maliwanag ang sabi ni Hesus: "Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” Kapistahan ngayon ng Sto. Nino, pinapaalalahanan tayo na ang tunay na pananampalataya ay nakakamit lamang ng mga taong "payak" o simple... tulad ng mga bata. Hindi isip ang ginagamit upang maranasan ang Diyos kundi puso! Kung paanong ang isang bata ay lubos ang pagtitiwala sa kanyang mga magulang, tayo rin ay sinasabihang magtiwala sa Diyos na ating Ama. Huwag na nating lokohin pa ang ating mga sarili. Kahit anung pagtanggi natin sa Diyos ay hahanap-hanapin Siya ng ating puso. Kahit magpakalunod pa tayo sa kasamaan, ang Diyos hindi titigil ang Diyos sa paghahanap at pagsagip sa atin. Kaya nga nasabi ni San Agustin nang muli niyang matagpuan ang Diyos sa kanyang buhay: "Late have I loved you, O Beauty ever ancient, ever new, late have I loved you. You called, you shouted and you shattered my deafness..." Huwag na sana nating ilagay sa huli ang pagsisisi. Huwag na nating hamunin pa ang Diyos na makidlatan tayo! Anumang oras ay puwede itong dumating. Magpasalamat tayo dahil hanggang ngayon ay humihinga pa rin tayo. Tulad ng isang bata, hawakan natin ang "kamay" ng Diyos at magtiwala tayo sa kanya.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento