Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Enero 25, 2009
Reflection: Feast of the Conversion of St. Paul, the Apostle Year B - January 25, 2009 : BALIMBING PARA KAY KRISTO
"BALIMBING" : English Definition: (noun) starfruit; a small tree whose edible fleshy fruit has five longitudinal, angular lobes (Tagalog slang/noun) someone who is a traitor or a political turncoat (Tagalog slang/verb) to change one's party affiliation or shift loyalty to another leader. Kalimitan nating naririnig na ginagamit ang salitang ito para sa mga taong taksil, traidor o sukab. Ito marahil ang itinawag kay Pablo pagkatapos siyang marinig ng mga Hudio nang subukan niyang magpaliwanag sa kanila sa pamamagitan ng pagsasalasay ng dahilan ng kanyang "pagbabagong-buhay" at pangangaral tungkol kay Hesukristo. Kung sabagay, hindi rin natin masisisi ang mga taong ito sapagkat kung huhusgahan natin ang nakaraan ni Pablo ay talagang mahirap paniwalaan ang kanyang "pagbalimbing" bilang alagad ni Kristo! Ngunit hindi sapat ito upang pigilan si Pablo sa kanyang paniniwala. Alam niya ang kahihinatnan ng "pagpapalit-kulay" na kanyang ginawa. Batid niya ang kaparusahang nakalaan sa mga taksil at traidor sa kanilang relihiyon. Sa kabila nito ay nanindigan siya at naging mas masigasig pa sa pangangaral at pagpapalaganap ng Mabuting Balita na si Hesus nga ang ipinangakong Mesias. At sa huli ay buhay niya ang naging kapalit sa pagiging "balimbing" para kay Kristo. Kaya marahil ganun na lamang ang pagpaparangal ng Simbahan sa dakilang apostol na ito at ngayon nga ay pinaparangalan natin siya sa taong itong na inilaan natin para sa kanya... ang Taon ni San Pablo Apostol o "Pauline Year". Kung mayroon man tayong dapat matutunan kay San Pablo ay walang iba kundi ang kanyang katatagan at paninindigan bilang alagad ni Kristo. Marami kasi sa ating mga Katolikong Kristiyano ang "balat-sibuyas" sa ating pananampalataya... mababaw o "superficial" kung tawagin. May mga Kristiyano paring KBL kung tawagin (mga kristiyanong makikita mo lang sa simbahan kapag Kasal, Binyag at Libing! Marami pa rin sa atin ang nag-aakalang ililigtas tayo sa haba at dami ng ating mga panalangin o kaya naman ay sa pagpasok natin sa loob ng Simbahan ay mababawasan ang ating pagiging makasalanan. Ano kaya kung magkaroon ng pag-uusig sa relihiyon sa ating bansa? Ilan kaya ang handang magbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya? Dito marahil lalabas ang mga tunay na balimbing... dito makikita ang tunay nating kulay bilang mga alagad ni Kristo! Ngunit huwag na natin hayaan pang dumating ang araw na ito. Ang ating pang-araw-araw na pamumuhay ay sapat ng pag-uusig upang ipakita ang ating katapatan kay Kristo. Maging tapat ka sa iyong trabaho, maging masipag ka sa pag-aaral, maging mapagmahal ka sa iyong mga magulang at kapatid, maging mapagpatawad ka sa iyong mga kaaway... napakaraming pagkakataon upang ipakita natin na hindi tayo "balimbing na mga Kristiyano." Sana kung tayo man ay babalimbing ay "bumalimbing tayo para kay Kristo"... tulad ni Pablo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento