Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 10, 2009
Reflection: Feast of the Baptism of the Lord , Year B : Jan. 11, 2009 - MADALING MAGING KRISTIYANO, MAHIRAP MAGPAKAKRISTIYANO!
Ang Kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon ay may pagkakahawig sa kapistahang ipinagdiwang natin noong nakaraang Linggo. Sa katanuyan, ang tawag din sa kapistahang ito ay "Ikalawang Epipanya o Pagpapahayag ni Jesus". Ano naman kaya ang ipinahayag ni Jesus sa kapistahang ito at ano ang itinuturo nito sa atin? "May isang lasing na naglalakad sa isang madilim na kalsada. Dala ng kanyang kalasingan ay hindi niya napansin ang isang malaki at malalim na hukay sa kanyang daraanan. Natural, nalaglag siya sa hukay! Natauhan siya at nang makitang may kalaliman ang hukay ay naglakas-loob na s'yang sumigaw upang humingi ng tulong. Mabuti na lang at may isang lalaki ring napadaan sa hukay ng makita ang lasing sa ibaba ay bigla s'yang tumalon! Laking pagkagulat ng lasing at tinanong siya: "Anung ginagawa mo dito?" Sagot ng lalaki: "Narinig ko ang sigaw mo... medyo mahina, kaya tumalon ako para tulungan ka... para mas malakas ang sigaw natin!" hehe... May katangahan din naman ang taong iyon kung ating iisipin. Pero ganyan ang ginawa ng Diyos nang Siya ay nagdesisyong maging tao. Tumalon Siya sa hukay upang samahan tayo. Nakiisa Siya sa atin. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya. Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpakakristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
padre, salamat sa pagblog mo ng mga homilies mo. dito sa amin eh bukod sa iba na ang lengwahe ay wala pang kalatuy-latoy ang mga homilies. kaya naman dumadalaw ako sa blog mo, padre. para naman may religious dimension ang blogging ko.
keep on blogging, padre!
Mag-post ng isang Komento