May nagkumpisal sa isang pari: "Bless me Father for I have sinned... Father, I had bad thoughts in my mind." Tanong ng pari: "Did you entertain them my son?" Sagot naman ng binata: "No Father! I did not entertain them... they entertained me!" ehehe! Ang tukso nga naman... kahit saan ka lumingon, naroroon. Kaya nga mga mali ang dating kanta ni Eva Eugenio (Huh? Sino sya? Tanungin n'yo na lang nanay at tatay n'yo!) na ni-revive naman ni Sunshine Cruz. Sabi ng kanta: "O tukso... layuan mo ako!" Ang tukso hindi maaring lumayo, bagkus lalapit at lalapit ito sa atin hanggang malaglag tayo sa kasalanan. Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay hindi na-exempted sa tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay "nilabanan at napagtagumpayan niya ang tukso!" Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma: ang panalangin at pag-aayuno. Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina ... kaya nga't ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng tv, paglalaro sa computer, sa pagtetext, sa paggimik, sa bisyo... marami kang puwedeng gawin! Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! 'Wag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng tukso!
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Pebrero 27, 2009
Martes, Pebrero 24, 2009
Reflection: Ash Wednesday Year B - February 25, 2009 : DIETING OR FASTING?
Miyerkules na naman ng Abo! Madudumihan na naman ang ating noo at mababawasan na naman ang ating kakainin! Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". Minsang may isang dalagitang nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa? Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon. Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ating kaluluwa. Bale wala ang pag-aayuno, di pagkain ng karne o abstinensya, kahit ang mismong paglalagay ng abo sa noo kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao. Hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.
Huwebes, Pebrero 19, 2009
Reflection: 7th Sunday in Ordinary Time Year B - February 22, 2009: PSYCHO-SOMATIC!
May isang duktor na nagkwento tungkol sa kaso ng isa niyang pasyente na takot na takot mawala ang pagmamahal ng kanyang asawa. Ang babae ay naospital dala ng sakit na hindi niya malaman. Ginawa na niyang lahat ang pagsusuri ngunit wala siyang makitang karamdaman sa babae. Kaya naisip niya na marahil ay "psycho-somatic" ang sakit nito. May pinagplanuhan ang duktor at ang asawa ng babae. Nagtalaga ito ng isang bata at magandang nurse sa kanyang pasyente. At ayon sa plano, ay kinausap ng lalaki ang kanyang asawang nakaratay sa higaan. "Dear, hindi ba sabi mo na dapat ay lagi akong maging masaya kapag pumanaw ka na... Alam mo, nakilala ko yung nurse na nag-aalaga sa 'yo. Sa palagay ko, magiging maligaya ako sa kanya.!" At isang himala ang nangyari. Agad-agad, kinabukasan, ay nag-check-out na ang babae sa ospital. Hindi na kinakailangan ang duktor at lalong hindi na rin kailangan ang magandang nurse! hehe... Karaniwan nang mabanggit sa larangan ng medesina ang salitang "psycho-somatic." Ito'y galing sa dalawang salitang Griego: "psyche" at "soma". Ang "psyche" ay nangangahulugan ng "inner-being, spirit o soul". Ang ibig sabihin naman ng "soma" ay katawan. Ang sinasabi ng medisina ay may malapit na pagkakaugnay ang katawan at kaluluwa. Ang kundisyon ng ating katawan ay kalimitang naapektuhan ng katayuan ng ating kaluluwa. Hindi bago ang ganitong pag-intindi. Kahit noong kapanahunan pa ni Jesus, naniniwala sila na ang isang taong may malubhang karamdaman o kapansanan ay nasa makasalanang kalagayan na bunga marahil ng kanyang nakaraan. Batid ito ni Jesus, kaya nga ang bungad niya sa taong paralitiko ay "pinapatawad na ang mga kasalanan mo." Si Jesus, bilang isang dakilang manggagamot, ay nakakaalam ng tunay nating kalagayan. Batid niyang ang kasalanan ang tunay na nagpapahirap sa tao. Ito ang umaalipin sa atin at nagpapahina sa pagnanais nating maging mabuti. Suriin mo ang iyong sarili: Hinahayaan mo bang manatili ka sa kalagayan ng kasalanan? May ginagawa ka ba upang maiahon mo ang sarili mo sa pagkakasadlak dito? O baka naman nakalyo na ang ating budhi sa paulit-ulit nating pagkakasala at wala na tayong maramdamang pagkakamali? Hindi pa huli ang lahat. May isang kasabihan na lagi kong pinanghahawakan dahil makasalanan din ako: "Falling down doesn't make me a failure... staying down does!"
Sabado, Pebrero 14, 2009
Reflection: 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 15, 2009 : ANG MGA KETONGIN
May isang lalaking tumawag sa isang SPA clinic at nagtatanong sa receptionist kung meron silang available room. "Meron po sir, special at ordinary." Sabi ng receptionist. "Anung pagkakaiba ng dalawa?" Tanong ng lalaki. "Sir, yung special may TV at masahista... Yung ordinary... may TB yung masahista!" hehehe... Mahirap ang may TB, nakakahawa. Hanggang ngayon isa pa rin ito sa mga sakit na kinatatakutan. Gayun din ang AIDS, meninggo occimia, bird flu... etc. Noong panahon ni Jesus, ketong ang kinatatakutan! Kaya nga ang may ketong tinitiwalag, hinihiwalay... pinandidirihan! Sa kaniwalang paniniwala ang ketong ay parusang ipinataw ng Diyos sa isang tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila. Kaya nga ang isang may ketong ay inihihiwalay sapagkat siya'y makasalanan... marumi. Batid ni Jesus ang abang kalagayan ng mga ketongin. Dama niya ang sakit na dulot ng isang taong pinandidirihan at hindi tinatanggap sa lipunan. Kaya nga si Jesus ay hindi nagdalawang isip na pagalingin ang ketongin, hindi lamang upang linisin siya sa kanyang sugat kundi upang hilumin ang sakit na ibinigay nito sa kanya dahil sa mababang pagtingin sa kanya ng mga tao dala ng kanyang abang kalagayan. May mga ketongin din sa ating makabagong panahon na dapat nating damayan... hindi lamang ketong na sakit (hindi na sya nakakahawa ngayon), ngunit ang "ketong" na naglalayo sa atin sa ating kapwa. Marahil minamaliit natin ang iba dahil sa mas angat ang ating kalagayan sa kanila. Marahil mas "banal" ang tingin natin sa ating sarili kaysa mga taong malayo sa Diyos, marahil may mga tao tayong hindi pinapansin, hindi pa pinapatawad... napakaraming ketongin na dapat tanggapin at pagalingin... ang tanong... inilalayo mo rin ba ang iyong sarili sa kanila? Mag-ingat tayo sapagkat wala tayong kamalay-malay na isa na rin pala tayo sa mga taong ating pinandidirihan. At kung minsan nga... mas masahol pa sa kanila!
Linggo, Pebrero 8, 2009
Reflection: 5th Sunday in Ordinary Time Year B - February 8, 2009 : PANANALANGIN
Isang madre superiora ang palakad-lakad sa loob ng kumbento ang nakapansin sa isang madre na subsob sa pagdarasal sa kanilang maliit na kapilya. Sapagkat gabi na noon at may kadiliman sa loob ng kapilya ay patago niyang pinakinggan ang baguhang madreng nanalangin. "Panginoon", paiyak na sabi ng batang madre, "hindi ko na kaya ang krus na pinapasan ko! Aalis na ako sa kumbento!" Nahabag ang superiora ng marinig ito kaya't patago siyang lumapit sa gawing dambana at nagtago sa madalim na bahagi nito. "Panginoon, lalabas na po ako ng kumbento!" Ang sabi ng madreng patuloy sa pag-iyak. Sinagot siya ng superiora na nagtinig lalaki: "Anak, tingnan mo ang mga sugat sa aking kamay at paa. Tiniis kong lahat yan para sa 'yo! Pasanin mo ang krus mo sa iyong buhay tulad ng ginawa kong pagpasan sa aking krus!" "Panginoon, ikaw ba yan? Alam mong matagal ko na yang ginagawa. Pero talagang di ko na makayanan ang krus na bigay mo!" Sa puntong ito ay nagtanong na ang tinig: "Ano ba ang krus na tinutukoy mo?" Sagot ng madre: "Ang demonyo po naming superiora! Arogante siya! Di marunong umintindi! Laging kaming kinagagalitan! Ano po ang dapat kong gawin?" Ang sabi ng tinig: "Iha... lumabas ka na! gooo!" hehe... Marami tayong krus na pinapasan sa buhay. May mga krus na dala ng mabibigat na suliranin. Mayroon din namang dala ng pang-araw-araw nating mga alalahanin sa buhay. Kalimitan ang mga ito'y nagiging pabigat sa atin. Kung minsan pa nga ay nagiging dahilan ito upang mawalan tayo ng pag-asa at bumigay sa buhay... nakakapagod... nakakapanghina! Ano ang dapat nating gawin? Ang Panginoong Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon ay may mahalagang itinuturo sa atin. Bakit di natin subukang tumigil sandali, tumahimik at magdasal. Ito ang palaging ginagawa Niya pagkatapos nang kanyang buong araw na pangangaral, pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng demonyo. Sa kabila ng napaka-abalang araw ni Jesus ay nakukuha niya pa ring magdasal. Batid niya ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos na kanyang pinagkukunan ng lakas upang maisakatuparan ang kanyang misyon. Ito rin dapat ang aking ginagawa sa mga sandaling nabubuno ako ng aking mga alalahanin sa buhay. Dapat ay kumukuha ako ng lakas sa Diyos! Gaano ba ako kadalas magdasal? Ang pakikipag-usap ba sa Diyos ay bahagi na ng aking buhay o nagdarasal lang ako pag may kailangan ako sa Kanya? Suriin natin ang ating buhay-panalalangin. Sa loob ng 168 na oras sa isang linggo, ilang oras ba ang inilaan ko sa Diyos? Baka naman binabarat natin Siya! Huwag tayong sakim sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos araw-araw. Maglaan tayo ng sandali sa pananalangin. Ipadama natin sa kanyang pinahahalagahan natin Siya! Ang Kristiyanong hindi nagdarasal ay isang huwad na kristiyano! Peke! Walang kuwenta! Huwag natin hayaang maging ganito. Maglaan tayo ng sandali upang tumigil, manahimik at magdasal...
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)