Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Pebrero 8, 2009
Reflection: 5th Sunday in Ordinary Time Year B - February 8, 2009 : PANANALANGIN
Isang madre superiora ang palakad-lakad sa loob ng kumbento ang nakapansin sa isang madre na subsob sa pagdarasal sa kanilang maliit na kapilya. Sapagkat gabi na noon at may kadiliman sa loob ng kapilya ay patago niyang pinakinggan ang baguhang madreng nanalangin. "Panginoon", paiyak na sabi ng batang madre, "hindi ko na kaya ang krus na pinapasan ko! Aalis na ako sa kumbento!" Nahabag ang superiora ng marinig ito kaya't patago siyang lumapit sa gawing dambana at nagtago sa madalim na bahagi nito. "Panginoon, lalabas na po ako ng kumbento!" Ang sabi ng madreng patuloy sa pag-iyak. Sinagot siya ng superiora na nagtinig lalaki: "Anak, tingnan mo ang mga sugat sa aking kamay at paa. Tiniis kong lahat yan para sa 'yo! Pasanin mo ang krus mo sa iyong buhay tulad ng ginawa kong pagpasan sa aking krus!" "Panginoon, ikaw ba yan? Alam mong matagal ko na yang ginagawa. Pero talagang di ko na makayanan ang krus na bigay mo!" Sa puntong ito ay nagtanong na ang tinig: "Ano ba ang krus na tinutukoy mo?" Sagot ng madre: "Ang demonyo po naming superiora! Arogante siya! Di marunong umintindi! Laging kaming kinagagalitan! Ano po ang dapat kong gawin?" Ang sabi ng tinig: "Iha... lumabas ka na! gooo!" hehe... Marami tayong krus na pinapasan sa buhay. May mga krus na dala ng mabibigat na suliranin. Mayroon din namang dala ng pang-araw-araw nating mga alalahanin sa buhay. Kalimitan ang mga ito'y nagiging pabigat sa atin. Kung minsan pa nga ay nagiging dahilan ito upang mawalan tayo ng pag-asa at bumigay sa buhay... nakakapagod... nakakapanghina! Ano ang dapat nating gawin? Ang Panginoong Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon ay may mahalagang itinuturo sa atin. Bakit di natin subukang tumigil sandali, tumahimik at magdasal. Ito ang palaging ginagawa Niya pagkatapos nang kanyang buong araw na pangangaral, pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng demonyo. Sa kabila ng napaka-abalang araw ni Jesus ay nakukuha niya pa ring magdasal. Batid niya ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos na kanyang pinagkukunan ng lakas upang maisakatuparan ang kanyang misyon. Ito rin dapat ang aking ginagawa sa mga sandaling nabubuno ako ng aking mga alalahanin sa buhay. Dapat ay kumukuha ako ng lakas sa Diyos! Gaano ba ako kadalas magdasal? Ang pakikipag-usap ba sa Diyos ay bahagi na ng aking buhay o nagdarasal lang ako pag may kailangan ako sa Kanya? Suriin natin ang ating buhay-panalalangin. Sa loob ng 168 na oras sa isang linggo, ilang oras ba ang inilaan ko sa Diyos? Baka naman binabarat natin Siya! Huwag tayong sakim sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos araw-araw. Maglaan tayo ng sandali sa pananalangin. Ipadama natin sa kanyang pinahahalagahan natin Siya! Ang Kristiyanong hindi nagdarasal ay isang huwad na kristiyano! Peke! Walang kuwenta! Huwag natin hayaang maging ganito. Maglaan tayo ng sandali upang tumigil, manahimik at magdasal...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento