Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 14, 2009
Reflection: 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 15, 2009 : ANG MGA KETONGIN
May isang lalaking tumawag sa isang SPA clinic at nagtatanong sa receptionist kung meron silang available room. "Meron po sir, special at ordinary." Sabi ng receptionist. "Anung pagkakaiba ng dalawa?" Tanong ng lalaki. "Sir, yung special may TV at masahista... Yung ordinary... may TB yung masahista!" hehehe... Mahirap ang may TB, nakakahawa. Hanggang ngayon isa pa rin ito sa mga sakit na kinatatakutan. Gayun din ang AIDS, meninggo occimia, bird flu... etc. Noong panahon ni Jesus, ketong ang kinatatakutan! Kaya nga ang may ketong tinitiwalag, hinihiwalay... pinandidirihan! Sa kaniwalang paniniwala ang ketong ay parusang ipinataw ng Diyos sa isang tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila. Kaya nga ang isang may ketong ay inihihiwalay sapagkat siya'y makasalanan... marumi. Batid ni Jesus ang abang kalagayan ng mga ketongin. Dama niya ang sakit na dulot ng isang taong pinandidirihan at hindi tinatanggap sa lipunan. Kaya nga si Jesus ay hindi nagdalawang isip na pagalingin ang ketongin, hindi lamang upang linisin siya sa kanyang sugat kundi upang hilumin ang sakit na ibinigay nito sa kanya dahil sa mababang pagtingin sa kanya ng mga tao dala ng kanyang abang kalagayan. May mga ketongin din sa ating makabagong panahon na dapat nating damayan... hindi lamang ketong na sakit (hindi na sya nakakahawa ngayon), ngunit ang "ketong" na naglalayo sa atin sa ating kapwa. Marahil minamaliit natin ang iba dahil sa mas angat ang ating kalagayan sa kanila. Marahil mas "banal" ang tingin natin sa ating sarili kaysa mga taong malayo sa Diyos, marahil may mga tao tayong hindi pinapansin, hindi pa pinapatawad... napakaraming ketongin na dapat tanggapin at pagalingin... ang tanong... inilalayo mo rin ba ang iyong sarili sa kanila? Mag-ingat tayo sapagkat wala tayong kamalay-malay na isa na rin pala tayo sa mga taong ating pinandidirihan. At kung minsan nga... mas masahol pa sa kanila!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento