Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Setyembre 12, 2009
BUHATIN ANG ATING KRUS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 13, 2009
Sa pelikulang pilipino ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli! Ayaw natin ang bidang naargabyado at kinakawawa. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing "pangit ang ending"... malungkot sapagkat "namatay ang bida!" Isipin mo na lang ang ending ng "Darna" na napatay siya ni "Valentina o ng babaeng impakta"... KILL JOY hindi ba? Ayaw nating ang bida ay nasasaktan. Hindi tayo sanay na siya'y maghihirap at mamatay. Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit ng marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay mamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao." Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!" Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito?" Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang dapat daw na alagad ni Hesus ay matutong magbuhat ng kanyang krus!" MEGANON??? Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggero, sugarol at babaero. Siguro ang anak kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang magtsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at manghuhuthot! Siguro ang teacher kong walang gana at hindi marunong magturo... napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Sana ay ganito ang ating maging panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
ayyyy.... touch po ako dun fr. sana nga po ung mga sa tingin ko ay nagpapabigat sa akin ay lalong paganin pa ni Lord ng may pagmamahal.. lam ko pong may dahilan kung bkit.. pero I pray to Him always at cia na po ang bahala...
Mag-post ng isang Komento