Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Setyembre 4, 2009
TOUCHING LIVES: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year B - September 4, 2009
Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod." Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang banal talaga ni Father! Binasbasan lanng ang bata... solve na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinabi ko sa bata... Hoy bata! Ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" hehehe... Ang hirap talagang kausapin ng taong may ganitong kapansanan. Para kang nakikipag-usap sa pader! Kung mas mahirap para sa atin ay marahil mas mahirap din ang buhay para sa kanila. Ang malaking bahagi ng buhay natin ay ginagamit natin sa pakikipagtalastasan, sa pakikipag-usap. Kaya nga ang taong bingi na kahit ang sarili niyang tinig ay di niya naririnig ay tuluyan na ring na-uutal at ang lagi niyang pangamba ay kung paano siya maiintindihan ng kanyang kausap. Marami sa kanila ay nakakadama ng pagkahiwalay sa karamihan, natatakot na pagtawanan, alipustain at hindi mapabilang sa mga "normal" na karamihan. Kaya't mas gusto pa nilang mapag-isa na lamang at kung minsan ay maawa ka na lang sa kanilang abang kalagayan. Ngunit may isa pang pagkabingi at pagkautal na mas masahol pa sa pisikal na kapansanan at ito ang nais ni Hesus na ating tugunan. Sa ebanghelyo, narinig natin kung paano pinagaling ni Hesus ang lalaking bingi at utal. "... isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” Hinipo ni Hesus ang tainga at dila ng taong iyon at siya ay gumaling. Ang paghipo ni Hesus ay nagbibigay ng kagalingan sapagkat ito ay paghipo ng "pagmamahal ng Diyos!" Tayo rin ay tinatawagan Niyang hipuin ang puso ng ating kapwa na nakararanas ng kabingihang espirituwal. Kapag nakikiramay ka sa isang taong nagdadalamhati, kapag pinatatawa mo ang kaibigan mong malungkot, kapag pinapatawad mo ang mga nagkakamali sa yo... hinihipo mo ang puso nila... You are bringing healing in their hearts... you are touching them with God's love... Ito naman talaga ang pagtawag ng bawat alagad ni Kristo, ang maging instrumento ng kanyang pagmamahal. Pinagkalooban niya ng tayo ng puso upang madama natin ang puso ng iba. Ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay simple lang... "touching lives!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento