Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Setyembre 24, 2009
KATOLIKO: katok na liko pa! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year B - September 27, 2009
Isang mayamang matanda ang lumapit sa pari at hiniling na Misahan ang kanyang namatay na alagang aso. Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang ibabayad ko. Di bale, sa simbahan ng aglipay ko na lang siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Ginang... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko ang aso mo!" hehe... Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat! Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinibigay ni Kristo para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi. Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus ng ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal. Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili! Para sa lahat! "KATOLIKO!" Kaya nga't kasalanan na natin kung tatanggihan natin ang Kanyang alok. Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento