Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Oktubre 30, 2009
ANG MGA NASA-ITAAS: Reflection for All Saints Day - November 1, 2009
Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil ay hindi natin kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Marahil, isa rin ito sa kadahilanan kung bakit itinatapat natin ang pag-alala sa ating mga yumao sa November 1 na Kapistahan ng mga Banal. Nais natin na ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw ay nasa piling na ng ating Panginoon at nagtatamasa na ng Kanyang gantimpala! Kayat 'wag lang nating ipagdasal sila bagkus magdasal tayo sa kanila! Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Ngayon sila ang "mapapalad"... bukas tayo naman! Ngunit sana ay wag na nating hintayin pa ang matawag na mapalad "bukas" kung kaya naman nating maging mapalad ngayon. Kaya nga ang Ebanghelyo ngayon ay patungkol sa ating nabubuhay pa: "Mapalad ang mga aba... mapalad ang mga nahahapis... ang mga mapagkumbaba... sapagkat sasakanila ang paghahari ng Diyos. Maging mapalad ka ngayon at makikita mo na balang araw ay sasabitan ka rin ng karatulang nagsasabing " Fr. Dudz (ilagay mo rin ang pangalan mo) is up!"
Sabado, Oktubre 24, 2009
NAGBUBULAG-BULAGAN: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 25, 2009
Mapalad daw ang mga taong duling.. kasi DOBLE ang kanilang KITA! Pinakamalas naman daw ang mga BULAG... kasi WALA silang KITA! Pero pinakasuwerte daw ang mga sexy stars... LAHAT KITA! hehe... Ipinanganak na malas nga ba ang mga bulag? Ang sabi ni Ka Freddie sa kanyang kanta: "Madillim ang 'yong paligid hating-gabing walang hanggan. Anyo at kulay ng mundo sa 'yo'y pinagkaitan. Wag mabahala kaibigan isinilang ka mang ganyan. Isang bulag sa kamunduhan... ligtas ka sa kasalanan." Siguro nga ay malas ang mga bulag. Ngunit mayroon pang mas malas sa kanila! Ang mga taong NAGBUBULAG-BULAGAN! Mga taong walang malay sa mga pangyayari sa kanilang paligid o talagang ayaw lang malaman ang mahirap na katotohanan ng buhay. May mga taong hindi alam kung saan sila patungo. Nabubuhay na walang kabuluhan. Walang saysay na sinasayang ang mga pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos sa kanila! Kaya nga't tayo rin ay mga "Bartimeo" kung atin lamang susuriin ang ating sarili. May kanya-kanya tayong pagkabulag na dapat nating harapin. Marahil ay pagkabulag sa masasamang pag-uugali na ayaw nating baguhin. Pagkabulag sa bisyo. Pagkabulag sa ambisyon na masama na ang kinahihinatnan sa labis nating pagnanasang maabot ito. Pagkabulag sa pagtulong sa mga mahihirap. Ngunit kung "Bartimeo" man tayong naturingan ay dapat magawa rin natin ang nagawa niya. Naglakas loob siyang lumapit kay Hesus. Hindi naging hadlang ang mga tao sa kanyang paligid. Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan. Pansinin ninyo ang sigaw ni Bartimeo: "Hesus, Anak ni David! Maawa ka sa akin!" Isa itong pagpapahayag ng pananampalataya. Ang Anak ni David ang tawag nila sa pangakong Mesias! Iwinaksi ni Bartimeo ang kanyang balabal, ang kahuli-hulihang gamit ng isang pulubi na panlaban niya sa lamig ng gabi. Alam niyang pagagalingin siya ni Hesus! At ito nga ang nangyari. Nakita ni Hesus ang kanyang malaking pananampalataya at pinanumbalik ang kanyang paningin. Tanging pananampalataya ang makapagpapagaling sa ating pagkabulag. Sana maging atin din ang mga salitang binitiwan ni Bartimeo: "Guro, gusto kong makakita!" Gusto kong magkaroon ng katuturan ang buhay ko. Gusto kong makita kung saan ako papunta. Gusto kong makita kung ano ang ibig sabihin ng mga hindi magagandang pangyayari sa aking buhay... tanging si Hesus ang makapagbibigay sa atin ng liwanag! Bulag man tayong naturingan ay mapalad pa rin tayo sapagkat may Diyos na gumagabay sa atin at handang hanguin tayo sa kadiliman ng buhay! Sapat lang na handa tayong lumapit sa Kanya...
Sabado, Oktubre 17, 2009
BUKAS SA PAGTANGGAP... BUKAS SA PAGBIBIGAY: Refledtion for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 18, 2009 - World Mission Sunday
Ngayon ay World Mission Sunday at muli nating pinagdarasal ang ating mga misyonero at ang gawain ng misyon. Dalawa ang itinanghal na Patron ng misyon. Una ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na iginugol ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa paglalakbay upang maipalaganap ang Mabuting Balita ni Jesukristo. Dahil sa kanyang kasipagan at dedikasyon bilang isang misyonero ay itinalaga siya ng Simbahan bilang modelo sa lahat ng nagnanais na tularan siya bilang tagapaghatid ng pananampalataya. Ang ikalawa ay si Santa Teresita ng Batang Jesus. Ang malaking pagkakaiba niya kay San Francisco ay ni minsan ay hindi siya lumabas ng kanilang monasteryo. Isa siyang mongha ng Carmelite Orders na mas pinili ang mamuhay sa loob ng kumbento. Bakit siya itinanghal na patron ng misyon gayong hindi man siya nakapaglakbay ng malayo? Iyon ay sapagkat itinalaga ni Santa Teresita ang kanyang buhay sa pag-aalay ng dasal at sakripisyo para sa misyon at sa mga misyonero. Ibig sabihin ay hindi pala kinakailangang makapaglakbay sa ibang bansa para maging misyonero! Sa pagtatanghal kay Sta. Teresita bilang pangalawang Patron ng misyon ay sinasabi sa atin ng Simbahan na ang bawat Kristiyano ay misyonero at may magagawa para sa misyon. Sa Ebanghelyo ngayon ay pinapaalalahan muli tayo na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Bilang misyonero, ito marahil ang ating magagawa, ang maglingkod sa ating kapwa. Nitong nagdaang mga araw ay maraming tao ang nasalanta ng bagyo. May nagawa na ba akong paglilingkod para sa kanila? Naglaan na ba ako ng panalangin, oras at kakayahan para sa mga nangangailangan? Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagtulong sa iba. Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap ng mga biyaya mula sa Panginoon, dapat ay bukas din ito sa pagbibigay!
Biyernes, Oktubre 9, 2009
DEAL OR NO DEAL : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 11, 2009
"Paano ba ako magiging tunay na masaya?" Siguro isa rin ito sa mga tanong mo... Tanong din ito ng marami. Magbabad ka sa National Bookstore at makikita mong napakaraming librong naisulat tungkol dito. Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan". Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman. Pero hindi nagbago ng sagot ni Jesus... para sa Kanya ito ay "deal or no deal! Malungkot ang katapusang ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya. Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "goody-goody Christian" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga "attachments" natin sa buhay at pagsunod sa Kanya... deal or no deal! Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang hindi kayang iwanan sapagkat kahit ang mahirap ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng pagnanasa sa mga ito. Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pahalagahan sa lahat... deal or no deal!
Sabado, Oktubre 3, 2009
KATIGASAN NG ULO: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 4, 2009
Maraming nangyari nitong nakaraang linggo na marahil na dapat nating balikan at pagnilayan. May kasabihang "experience is the best teacher" pero ako ay hindi sang-ayon dito. Siguro mas tamang sabihin na "reflected experience is the best teacher!" Sapagkat marami sa atin ang "matigas ang ulo" na patuloy pa rin sa masasamang gawa kahit batid nating hindi na ito makabubuti sa atin o sa ating kapwa. Batid natin ang pinsalang dulot ng bagyong Ondoy. Maraming kabuhayan ang nasalanta. Maraming buhay ang nasawi. At hanggang ngayon, marami ang naghihirap at naghihikahos. Totoong maraming tubig ulan itong ibinuhos. Ngunit kung titingnan mo ang mga daan pagkatapos humupa ng tubig baha ay makikita mo ang mga nagkalat na basura sa kalsada at nakabara sa mga estero. Matigas kasi ang ulo ng marami sa atin. Ginagawa nating basurahan ang lansangan. Wala tayong pakundangan sa paglapastangan sa kapaligiran. Sa kahuli-hulihan tayo rin ang umaani ng ating itinanim! Hindi na tayo natuto! Katigasan ng ulo... Ito rin ang sinabing dahilan ni Hesus sa mga Pariseo kung bakit pinayagan ni Moises ang batas ng diborsiyo. Upang bigyang diin ang di mapaghihiwalay na pagsasama ng mag-asawa ay sinabi n'yang: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Ngunit bakit ngayon ay marami pa rin ang nagsusulong ng diborsiyo? Bakit marami pa ring mag-asawa na pagkatapos ikasal ay paghihiwalay agad ang kasagutan kapag hindi na sila masaya sa kanilang pagsasamahan? Ang sagot: katigasan ng ulo! Kaya siguro ginawang halimbawa ni Hesus ang isang maliit na bata upang ipabatid sa ating mga tao na nasa kapayakan ng pag-iisip at hindi katigasan nakasalalay ang ating pagiging mabubuting anak ng Diyos. Ang bata ay natuturuan pa. Ang matanda ay mahirap na! Parang isang baluktot na puno na puwede pang ituwid habang bata pa ito. Sana ay maging mulat tayo sa maraming pangyayari sa ating buhay at sa mga aral nito. Huwag sanang maging matigas ang ating ulo. Matuto tayo sa ating pagkakamali.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)