Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 31, 2011
ALIS MALAS... PASOK BUWENAS! : Reflection for Solemnity of the Mary, Mother of God - NEW YEAR 2012
Nahaharap na naman tayo sa pagpasok ng isang bagong taon! Paalis na ang taong 2011 at eto na ngang dumarating ang taong 2012. Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito na paparating? Kaya siguro marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong marami nyan sa inyong lamesa ngayon. Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ng polka-dots na sumisimbolo sa pera. Mas maraming polka-dots mas maraming pera ang makukuha. Nariyan na ang pagpapaputok upang itaboy ang malas at masasamang maaring mangyari sa bagong taon. Pero may payo si "Manang" sa isang text na aking natanggap tungkol sa paghahanda para di malasin ang taon: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa ating ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating bukas. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." sigurado akog LALABAS ANG MALAS AT PAPASOK ANG BUWENAS!
Sabado, Disyembre 24, 2011
ANG AMOY NG PASKO: Reflection for Christmas Day: December 25, 2011
Amoy Pasko na! Ilang oras na lang at atin ng ipagdiriwang ang kaarawan ng Panginoon. Naligo ka na ba? Baka iba ang amoy mo sa amoy ng Pasko? Ito ang ilang pamantayan sa amoy ng tao. Sabi ng isang text na aking natanggap: "The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! Nasaan ka dito? Anuman ang amoy mo, iisa lang ang masasabi nating amoy ng Pasko at iyan ay walang iba kundi KALIGAYAHAN! Tayo ay maligaya sapagkat mayroong Diyos na kumalinga sa atin. Tayo lamang ang may Diyos na sa sobra niyang pagmamahal sa atin ay nagsugo ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Kaya nga't maligaya tayo sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko? May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! Si Jesus ang sorbetero ng Pasko. Hindi ang ice cream kundi ang sorbetero ang magpapaligaya sa iyo. Ang ice cream ay natutunaw. Ang sorbetero nananatili. Baka naman sng Pasko mo ay regalo lamang? Baka naman ang Pasko mo ay bagong damit, sapatos, pantalon? Baka naman ang Pasko mo ay jowa o iniirog? Lahat yan ay "matutunaw"... mawawala! Bakit hindi mo subukang ibahin ang iyong Pasko? Ang masayang Pasko ay kung kasama mo si Kristo! Patuluyin mo Siya sa iyong puso at magiging maligaya ang iyong Pasko! KEEP CHRIST IN CHRISTMAS!
Linggo, Disyembre 18, 2011
PLANO NG DIYOS... PLANO KO! : Reflection for 4th Sunday of Advent Year B - December 18, 2011
Isang linggo na lang at Pasko na! Bakit nga ba December 25 ang Pasko? Nasusulat ba ito sa Banal na Kasulatan? Hindi mahalaga ang eksaktong petsa ng Pasko. Ang mahalaga ay naniniwala tayo na sa kasaysayan ay naging tao ang Anak ng Diyos at nakipamayan sa atin. Na dahil sa pagtugon ng isang babaeng taga-Nazareth ay nabigyang katuparan ang plano ng Diyos para sa tao. Ito ang nilalahad ng ating Ebanghelyo sa ikaapat na Linggo ng Adbiyento. Kung ating babasahin sa kasalukuyang panahon ay para lamang tayong nagbabasa ng nobela na nakahanda na ang script ng mga tauhan sa kuwento. Ngunit hindi ganoon kasimle ang nangyari. Para sa kay Maria ang lahat ay malaking pagguho ng kanyang personal na plano para sa kanyang buhay. Ang pagbati ng Anghel ay siguradong nagbigay sa kanya ng pagdududa! "Nagulumihanan si Maria" sa mga sinabi ng Anghel Gabriel. Naguluhan siya sapagkat wala ito sa kanyang orihinal na plano. Ngunit ng naipaliwanag lahat ng anghel sa kanya ang nais ng Diyos ay buong puso niyang nasabing: "Ako ang alipin ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita." Katulad ni Maria tayo rin ay nakakaranas na magduda sa ating buhay. May kuwento ng isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso." Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako...yung dalawa, kay kumpare 'yun!" hehehe... Ang hirap nga naman kapag nasa ganun kang sitwasyon. Marami tayong katanungan sa ating buhay. May mga pangyayari sa atin na mahirap bigyan ng paliwanag. May mga plano tayo na hindi nasusunod at kung minsan pa nga ay bumabagsak. Kalimitan ay hirap tayong magdesiyon sa ganitong mga sitwasyon. Hinahamon tayo ng Ebanghelyong tumulad kay Maria. Bigyan natin ng puwang ang Diyos sa ating buhay. Isama natin siya sa paglutas ng ating mga problema. Mas magandang tanungin kung ano ba ang nais ng Diyos para sa atin sa halip na kung ano lang ang gusto nating mangyari. Sa ganitong paraan ay matutulad din tayo kay Maria na tinawag ng Anghel na "puspos ng biyaya" sapagkat sinangayunan niya ang plano ng Diyos para sa kanya.
Sabado, Disyembre 10, 2011
S.B.P. sa PASKO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year B - Dec. 11, 2011
Labing apat na tulog na lamang at Pasko na! Nasaan ka na sa iyong paghahanda sa Pasko? Noong nakaraang taon ay nauso ang mga S.M.P., ang Samahan ng mga Malalamig ang Pasko. Ngayon naman ay may isang grupo uli na dapat nating iwasan. Iwasan natin ang mapabilang sa S.B.P. - ang Samahan ng mga Badtrip ang Pasko! Bakit ba tayo madaling ma-badtrip? Nakakabadrip kapag hindi nasunod ang gusto nating mangyari at kapag pumalpak ang ating plano. Nakakabadtrip kapag may mga taong parati na lamang sumasalungat sa gusto nating mangyari. Nakakabadtrip kapag walang koneksyon ang mga nangyayari sa ating buhay at tila walang patutunguhan ito. Tayo ba ang may gawa nito? Hindi natin pinipili ang malagay sa ganitong sitwasyon sa buhay. Sa katunayan ay dalawa lang naman ang pagpili na lagi nating ginagawa. Pinipili natin ang MAGMAHAL o kaya naman ay ang MATAKOT. Ang bunga ng pagmamahal ay kapayapaan, kapanatagan ng kalooban, at kagalakan sa sarili. Ang bunga ng pagkatakot ay sama ng loob, galit, kaguluhan ng pag-iisip... pagkabadtrip! Ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento ay hinihikayat tayo na magsaya at magalak. Ang kagalakang ito ay hindi natin pinipili. Ito ay bunga lamang kung pinili natin ang magmahal kaysa matakot. Ang dahilan ng ating kagalakan ay sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin; at sa laki ng kanyang pagamamahal ay isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Kaya nga't ang taong pinili ang magmahal ay mga taong tunay na maligaya! Maligaya sapagkat sumasakanila ang pag-ibig ng Diyos. Kahit na anong mangyari ang Diyos ay alam nilang kasama nilang lagi. Siya ang Emmanuel o ang "Diyos na nananahan sa atin." Kaya nga't nasabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika: "Magalak kayong lagi, maging matiyaga sa pananalangin at ipagpasalamat ang lahat ng pangyayari." Ang tunay na kagalakan ay nanggagaling sa isang pusong nagpapasalamat. Pasalamatan mo ang Diyos sa mga bagay na mayroon ka. Ang pagkabadtrip ay nangyayari kapag hindi natin makuha ang ating gusto. Matuto tayong makuntento sa mga ibinigay niya sa atin at pahalagahan natin ito. "May isang batang umiiyak sapagkat wala siyang bagong sapatos sa Pasko. Hindi siya maawat sa pag-iyak at paglumpasay sa sahig. Ngunit ang kanyang pag-iyak ay sinabayan naman ng isang malakas na halakhak na nanggagaling sa labas ng bahay. Dumungaw siya sa bintana at nakita niya ang isang batang kasing edad niya na masayang-masayang naglalaro. Napatigil ang bata sa pag-iyak ng makita niya na ang batang napakasaya ay putol ang isang paa!" Kadalasan, ang nakikita natin ay ang "sapatos" na hindi maibigay sa atin. Nakakaligtaan natin na ang kasiyahan sa buhay ay hindi nakasalalay sa sapatos kundi sa "paa" ng nagsusuot nito. Nasaan ka na sa paghahanda mo sa Pasko? Baka sapatos lang ang hinahangad mo. Makuntento ka sa mga pagpapalang ibinigay ng Diyos sa iyo. Magsaya ka sapagkat ito ay pinagkaloob ng Diyos na nagmamahal sa iyo ng lubos!
Biyernes, Disyembre 2, 2011
TOURNAMENT SA LANGIT: Reflection for Second Sunday of Advent Year B - December 4, 2011
Gusto mo bang pumunta sa langit? Ngayon na? Siguro ang sagot mo: "As in ngayon na?" Nakakatakot nga naman kung "ngayon na" dahil marami sa atin ang magsasabing "hindi pa ako handa!" May dalawang magkaibigan na fanatic sa badminton. Halos lahat ng tournament ng badminton ay sinasalihan nila at walang pinapatawad. Sa sobrang pagkafanatic nila sa badminton ay nangako silang kung sino man sa kanila ang unang mamamatay ay dapat ibalita kung may badminton din sa langit. Nagkataong paglipas lamang ng ilang linggo ay binawian ng buhay ang isa sa kanila. At tinupad naman nito ang kanyang pangako. Kinagabihan ay dinalaw niya ang kanyang kaibigan. "Pare, si Budoy ito , may good news at bad news ako para sa iyo..." Laking gulat at takot ng kanyang kaibigan ng marinig ang tinig ni Budoy. "Ang good news ay... may badminton tournament sa langit. Ang bad news... ikaw ang makakalaro ko bukas!" hehehe... O di ba kahit ikaw man ang masabihan ng ganun ay matatakot ka rin? Hindi lang sa kadahilanang hindi tayo handa. Marahil ang pinakadahilan ay sapagkat hindi natin sukat na batid ang laki ng awa at habag ng Diyos. Ang panahon ng Adbiyento ay ang ating paghahanda hindi lamang para sa pagdiriwang ng Pasko ngunit sa pagharap natin sa muling pagdating ni Jesus sa ating piling. Haharap tayo hindi sa isang Diyos na mabagsik at mapanghusga ngunit sa isang Diyos na mapagpatawad at mahabagin. Kaya nga't ang panawagan ni San Juan Bautista sa ilang ay pagbabalik-loob: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan!" Huwag sana tayong madaig ng ating sariling mga kakulangan. Totoo, walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa kanyang harapan, ngunit sa pagkakatawang-tao ng Kanyang Anak ay ginawa Niya tayong karapat-dapat! Ang pinakamagandang paghahanda sa pagdating ng Panginoon ay ang tuwirin ang "ang ating liko-likong landas!" Ayusin natin ang dapat ayusin sa ating buhay. Gawin natin sanang makahulugan ang Panahon ng Adbiyentong ito sa pamamagitan ng isang taos-pusong pagbabalik-loob at pagdulog sa Sakramento ng Kumpisal. Lagi tayong umasa na laki ng habag at sa walang kundisyong pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan. Nasindihan na ang ikalawang kandila ng ating Korona ng Adiyento. Nasa ikalawang linggo na tayo ng ating paghahanda. Marahil ay panahon na upang ituon naman natin ang ating paghahanda sa paglilinis ng ating puso. Ikaw rin... baka may tournament ka na ng "badminton" bukas sa langit!
Sabado, Nobyembre 26, 2011
ADBIYENTO... DAPAT KATAKUTAN? : Reflection for the 1st Sunday of Advent Year B - November 27, 2011
Katatapos lamang ng pagdiriwang ng Kristong Hari na kung saan ay pinaalalahanan tayo na lahat ay may simula at katapusan. Kung kinatatakutan natin ang katapusan ng panahon ay mayroon pa tayong mas dapat katakutan... ang pagsisimula ng panahon ng Adbiyento. Bakit? Tanungin mo ang sarili mo: "May pera ka na ba?" Kung ang sagot mo ay "wala pa", aba... dapat matakot ka na sapagkat malapit na ang Pasko! hehe... Dapat paghandaan mo na ang pagdating ng Pasko. Hindi puwede ang tatamad-tamad at pa-easy-easy! Mayroong isang katulong na nadatnan ng kanyang kapwa katulong na nanonood ng TV na nakataas pa ang paa sa sofa. Ang pinapanood niya? Tama ang iniisip ninyo... Diyosa! Sinigawan siya ng kanyang kapwa katulong: "Hoy Inday! Anung ginagawa mo d'yan at nanonood ka lang ng TV?" Ang sagot ni Inday: "Eh kasi, kabilin-bilinan ni Mam, wag na wag daw niya akong matatagpuan sa kanyang pagdating na walang ginagawa... kaya eto... nanonood ako!" hehehe... Me katwiran nga naman si Inday. At least, meron siyang ginagawa! Tayo ay nasa unang Linggo na ng Adbiyento. Naghuhudyat ito na tayo ay nasa kapanahunan na ng paghahanda sa pagdating ng Pasko. Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda! “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-untiing tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ang pinaghahandaan mo kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo!
Biyernes, Nobyembre 18, 2011
TAKE HOME EXAM: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year A - November 27, 2011
Kapistahan ngayon ni Kristong Hari. Ito ang hudyat ng katapusan ng taon ng Simbahan na nagpapaalala sa atin naman ng katapusan ng panahon. Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon. Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda. Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!" Kaya nga't katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa. At ano ang katanungan? Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo. May text message akong natanggap: "Sa isang bus. BOY: I hate it when I see a girl standing in a bus while I'm comfortably seated. GIRL: So what do you do? BOY: I just sleep... It hurts my feelings eh!" Madalas din bang masaktan ang iyong damdamin kapag nakakakita ka ng mga taong nangangailangan? Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan. Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila? Napakadali silang iwasan, wag pansinin... dedmahin! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila: tamad kasi! Ayaw magbanat ng buto! Buti nga sa kanila! Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw? Bakit natatakot akong tulungan sila? Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan. Nawa ay pagharian ng pagmamahal ni Kristong Hari ang ating mga puso ng sa gayon ay maging bukas ito sa paglilingkod at ng mapagharian tayo ng kanyang pag-ibig. Mabuhay si Kristo na ating hari!
Sabado, Nobyembre 12, 2011
KATAMARAN (Reposted): Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 13, 2011
"Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas..." Inspiring di ba? hehe... Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga? May ginawa ba s'yang masama? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? WALA! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon... akala niya, tutubo! Ito ay isang halimbawa uli ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo... iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Bago matulog ay subukan mong gawin ito: Kumuha ka ng isang papel. Isulat mo ang lahat ng biyayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. At tanungin mo kung nagagamit mo ba ito upang mapalago ang iyong sarili at makatulong sa iyong kapwa. May kuwento ng tatlong magkakaibigang hayop na nagpapayabangan kung ano ang kanilang naibibigay sa kanilang amo. Ang sabi ng manok, "Ako... buwan-buwan ay kung magbigay ng itlog sa ating amo. Yun lang? Ang sabad ng kambing. Ako araw-araw ay nagbibigay ng sariwang gatas! Tahimik lang ang baboy. At sabi niya: Ako isang beses lang magbigay pero ang ibinibigay ko naman ay ang aking sarili... ang aking buong pagkababoy!" Ano na ba ang naibigay mo sa Diyos? Baka naman tinitipid mo siya? Baka tira-tira lang ng biyayang tinatanggap mo mula sa Diyos? O baka "ibinabaon" mo rin sa lupa ang mga ito? Ibigay natin ang lahat sa Diyos. Pagyamanin ang ating buhay na taglay at iaalay natin muli sa kanya. Sabi nga sa ingles: "Our life is a gift from God, what we make of our life is our gift to God!"
Sabado, Nobyembre 5, 2011
BE WISE! : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year A - November 6, 2011
Isa ka ba sa mga pumunta sa sementeryo noong Araw ng mga Patay? Kung hindi ka pumunta ay 'wag kang mag-alala. May natanggap akong isang text noong November 1: "Tinatamad ka bang dalawin ang iyong "loved ones" sa sementeryo? Text DALAW (space) NAME (space), ADDRESS, send to 2366. Sila mismo ang dadalaw sa 'yo! Text na!" Kung hindi ka man pumunta sa sementeryo sana naman ay naipagdasal mo sila! Mahirap ng sila pa ang dadalaw sa iyo! hehehe... Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay maluwalhati na sa kabilang buhay! Nais natin na ligtas sila, masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, kasama na sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro. Sa katunayan ay ito ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon. Ang mga babaeng matalino ay naniniguro na hindi mawawalan ng langis ang kanilang mga ilawan at hindi naman sila nabigo sa kanilang pagiging segurista. Kung naniniguro tayo sa ating mga kapatid na pumanaw sana ay naniniguro rin tayo sa ating bunay dito sa lupa. Sana tayong lahat din ay "WISE!" Ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang para alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw na ngunit ito rin ay pagkakataong ibinibigay ng Simbahan upang pag-isipan natin ang ating sariling kamatayan. Wag tayong matakot na pag-isipan ito sapagkat ang katotohanan naman ay lahat tayo ay mamamatay. May nauuna lang sa atin ngunit siguradong susunod din tayo. Ang mahalaga ay lagi tayong handa anumang oras na tawagin tayo ng Diyos. Maging "wise" tayo sa ating buhay-kristiyano. Iwasan ang masama, gawin ang mabuti habang may oras pang ibinibigay sa atin ang Panginoon. Hindi dapat laging nasa huli ang pagsisisi. Mag-ipon tayo ng sobrang "langis" ng mabubuting gawa at tatamuhin natin ang biyayang pumasok sa "kasalan" ng Kaharian ng Diyos.
Lunes, Oktubre 31, 2011
ANG MGA NASA ITAAS: Reflection for ALL SAINTS DAY - November 1, 2011
Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"
Linggo, Oktubre 30, 2011
BANAL NA ASO, SANTONG KABAYO: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year A - October 30, 2011
"Banal na aso, santong kabayo!" ang turing natin sa mga taong panlabas lamang ang pagpapakita ng pananampalataya. Minsan ay may isang lalaking deboto ng Nazareno na ang pangalan ay Mando (a.k.a."Mandurugas" hehe). Mahilig siyang magsimba kapag Biyernes at palagi syang sumasama sa prusisyon ng Poong Nazareno na nakapaa. May kakaibang gawain itong si Mando. Ang trabaho nya ay magsnatch sa Quiapo. Minsan siya ay nang-snatch ng cellphone at humarurot ng takbo. Dahil hinabol ng pulis ay naisipan niyang magtago sa simbahan. Nagtago siya sa tabi ng Santo Entiero at hingal na hingal na bumulong. "Panginoon, mabuti na lang at hindi ako naabutan ng mga pulis! Salamat Po Panginoon!" Laking gulat niya ng biglang sumagot ang nakahigang estatwa ni Jesus: "Mapalad ka Mando, MAPALAD KA!" Nagulumihanan si Mando at nagtanong: "Panginoon, hindi ko maintindihan... paano ako naging mapalad!" At sumagot muli si Jesus: "Mapalad ka Mando at nakahiga ako dito sa loob, kung hindi... sinapak na kita!" Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral: Hndi natutuwa ang Panginoon sa mga taong ang pagsasabuhay ng pananampalataya ay hanggang salita lamang at wala sa gawa! Ito ang pagkakamali ng mga Pariseo, mas higit nilang pinahalagahan ang kanilang posisyon bilang mga guro at tagapagpaliwanang ng Kautusan kaysa pagsasabuhay nito. Kaya nga't ang payo ni Jesus ay "sundin ninyo ang kanilang iniuutos nguit huwang tularan ang kanilang gawa!" Bakit? Sapagkat hindi nila isinabubuhay ang kanilang itinuturo. Kung minsan ay may Pariseo rin sa bawat isa sa atin. Gaano ba tayo kaseryoso sa ating pagiging Kristiyano? Isinasabuhay ba natin ang mga aral na ating tinanggap kay Kristo? Baka naman tayo rin ay walang pinagkaiba sa mga Kristiyanong "banal na aso at santong kabayo?" Simba ng simba, dasal ng dasal ngunit ang puso naman ay malayo sa Diyos. Hingin natin sa Panginonn ang biyaya ng pagpapakumbaba na aminin ang ating kakulangan sa tapat na pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Baka naman may dapat pa tayong baguhin sa ating mga sarili upang mabawasan ang pagpapaimbabaw sa ating buhay Kristiyano? Tandaan natin na tayo ay Kristiyano sa salita at gawa!
Linggo, Oktubre 23, 2011
ANG MAS MAKAPANGYARIHAN PA SA DIYOS: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 23, 2011
"Nanay, ano po ba sampung utos ng Diyos?" tanong ng bata sa kanyang ina. "Anak, iyan ang mga utos na ibinigay ng Diyos kay Moises. Ipinapakita ng sampung utos na MAKAPANGYARIHAN ang Diyos!" Sagot ng nanay. "Talaga po? Kung gayon mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos?" Nakangiting sabi ng bata. "Bakit naman?" nagtatakang tanong ng nanay. "Kasi po... ang dami n'yong utos eh! hehehe!" Totoo nga naman, may mga taong ang pag-iisip ay mas makapangyarihan pa sa Diyos. Ang tinutukoy ko ay ang mga Hudyo na pagkatapos tanggapin ang sampung utos ng Diyos kay Moises ay pinarami ito ng pinarami hanggang umabot sa 613 na kautusan. Kaya't tama lang marahil ang tanong kay Jesus ng isang dalubhasa sa batas. "Ano po ba ang pinakamahalaga sa kautusan?" Sa dinami-dami ng mga utos na kanilang sinusunod ay marahil naisip nilang bakit hindi na lang sundan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba? Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang "mas makapangyarihan sa Diyos" ay ang mga taong ang pagsamba ay nasa salita lamang at walang kasamang gawa! Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili, baka naman isa na tayo sa mga taong "mas makapangyarihan pa sa Diyos!"
Linggo, Oktubre 16, 2011
GOOD CHRISTIANS & HONEST CITIZENS: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time
Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya itong kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang paa?" sabay hila sa paa ng ibon. At biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan? Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika. Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglikingkod sa Diyos! Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang "separation of Church and State" para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano at mga tapat na mamamayan sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. Be good Christians and honest citizens!
Sabado, Oktubre 8, 2011
PAANYAYA AT PAGTANGGAP: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 9, 2011
Linggo na naman! Magsisimba ka ba? Baka naman katulad ka ng taong ito sa kuwento: "Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral. Patuloy ang Diyos na nag-aanyaya sa ating makibahagi sa kanyang "piging" ngunit kalimitan ay wala tayong panahon para sa Kanyang paanyaya! Ang dami nating dahilan. Pero tulad nga ng kasabihan: "Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!" Kung ilalapat natin sa Ebanghelyo ay makikita nating ayaw lang talaga ng mga taong naimbitahan na dumalo sa kasalan. Marami silang dahilang ibinigay ngunit kung iisa lang naman ang gusto nilang sabihin: "Wala akong panahon para d'yan!" Hinalintulad ni Jesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa mga taong ito. Sila ang unang naimbitahan na makibahagi sa Kaharian ng Diyos ngunit dahil sa katigasan ng kanilang ulo ay ilang ulit nilang tinanggihan ang paanyaya ng Diyos. Marami sa mga propeta ay kanilang inusig at ipinapatay. Kaya nga't ibinaling ng Diyos ang Kanyang paanyaya sa mga "Hentil". Ibinaling ni Jesus ang paanyaya sa atin! Ang katanungan ngayon ay: "Tatanggihan mo rin ba?" Nagsabi na tayo ng "Oo" noong tayo ay nabinyagan at nakumpilan. Ngunit sa tuwing nilalabag natin ang utos ng Diyos at hindi tayo nagpapakita ng pagiging mabuting kristiyano ay isang masakit na pagtanggi ang ating ginagawa sa kanyang imbitasyon. Ilang beses na rin marahil na atin siyang iniwasan. Ang dahilan, halos pareho rin: marami pa akong gagawing mas mahalaga! Kung ang Diyos ay importante sa ating buhay ay bibigyan natin siya ng puwang sa ating buhay, handa tayong maglaan ng oras para sa Kanya! Isang praktikal na aplikasyon nito ay ang ating ginagawang pagsisimba tuwing Linggo. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di mo ito maibigay sa Kanya! Baka isang araw kapag nasa harap na tayo ng pintuan ng langit at nagpupumilit na pumasok ay magulat na lang tayo at marinig ang mga salitang: "Hmmmmmp... Wala kang lugar dito! Sila na lang!"
Biyernes, Setyembre 30, 2011
MAGBUNGA MAMUNGA! : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 2, 2011
Ugali mo ba ang maningil? Ang iba sa atin ay mahilig bilangin ang ginagawang kabutihan. Bawat pagpapagod ay dapat may kaukulang bayad! Katulad ng kuwento ni Juan: Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe.. Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na ibinigay ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang may ganang magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. Ang Israel ang ubasan sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Dahilan dito ay tinanggal sa kanila ang kaakiabat na pribelehiyo na tawaging Kanyang bayang pinili at bagkus ay ibinigay ito sa iba na mas karapat-dapat. Tayo ngang mga Kristiyano ang nabiyayaang magpatuloy nito. Ang talinghagang ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit ang lahat ay may hangganan din. Libre ang Kanyang biyayang kaligtasan at hindi natin pinaghirapan. Kaya nga nararapat lang na ibigay natin ang nararapat sa Kanya! Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin, isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba. Ang pagiging Kristiyano ay isang pribelehiyo ngunit ito rin ay isang responsibilidad. Inaasahan ng Diyos na tayo ay magbunga sa ating pagsunod kay Kristo. Sa kahuli-hulihan ay susulitin tayo ng Diyos kung papaano natin ginamit ang mga ibinigay Niya sa ating pagpapala. May bunga na ba akong maibibigay sa Kanya?
Sabado, Setyembre 24, 2011
JUST DO IT! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 24, 2011
Actions speak louder than voice! Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. At habang tumatanda ako ay mas nauunawan ko ang kahulugan nito! Lalo na sa aking pagmiministeryo bilang pari, lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala! Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi! Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat. Babala na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!"Ang kasabihan nga nating mga Plipino ay: "Ang tao ay nakikila sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Hindi sapat ang "Amen! Alleluia! o Praise the Lord!" Ang mahalagang tanong ay: Kinakikitaan ba ako ng pag-uugali na tulad ng kay Kristo?Ang isang mensahe rin ay pag-asa... Na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay! Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay. Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang Talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang nagsabi ng "opo" at pagkatapos ay sumunod sa utos ng kanyang ama! At sino ang anak na ito? Walang iba kundi si Jesus. Siya ang pangatlong anak sa talinhaga. At gusto N'ya na sana ay tayo rin! Sumagot na tayo ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Nangako na tayong tatalikuran ang kasalanan at sasampalataya sa Diyos. Ang kinakailangan na lamang ay ang pagsunod. Saan mo nakikita ang iyong sarili sa talinhaga? Baka naman Kristiyanong laban o bawi tayo? Baka naman mahilig tayong magsabi ng OPO ngunit ito naman ay madalas napapako? Mabuti pa ang UMAAYAW ngunit pagkatapos naman ay GUMAGALAW! Kapag inilaban mo na ang iyong OPO ay wag mo ng bawiin. Ang tunay na Kristiyano ay may isang salita. 'Pag nangako kang magpapakabait, gawin mo! 'Pag nagkamali ka uli, ituwid mo! Ang Diyos naman ay laging handang umunawa sa kahinaan mo. Get's mo? JUST DO IT!
Sabado, Setyembre 17, 2011
PAGKAINGGIT: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 18, 2011
Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 20 million. Ang isa ay 15 million, ang isa naman ay 10 at ang panghuli ay 5 million. Tinanong ka ng anak mo: "Daddy, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 50 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba anak, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 50 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 50 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 50 million! Ano ang mararamdaman mo? hehe... Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talihaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon... Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? Eh sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 5o million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!" Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo... Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo... Mahal ka ng Diyos maging... sino ka man!
Biyernes, Setyembre 9, 2011
FORGIVE AND BE FORGIVEN: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 11, 2011
Forgive and forget. Gaano ba ito katotoo? Sa pelikula lang ata nangyayari ito. Ngunit ako mismo ay nakasaksi na posible pala ang magpatawad kahit sa kasukdulan ng galit at sama ng loob. Madami na akong narinig na sermon tungkol sa pagpapatawad ngunit ang pangyayaring ito ang talagang hindi ko malilimutan. Isang balita ang aming natanggap na may nangyaring "freak accident" sa aming seminaryo. Isang high school seminarian ang aksidenteng tinamaan ng " air gun" na naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw. Katatapos lamang noon ng isang malakas na ulan at ang mga seminarista, kasama ang kanilang paring tagabantay ay nagdesisyong mamaril ng mga palaka o bubuwit sa aming football field. Sa di inaasahang pagkakataon ay nadulas ang paring may hawak ng baril. Natumba at nakalabit ang gatilyo na nakatutok ang baril sa isang seminarista. Tinamaan ito at bumulagta at hindi na nakayaang umabaot pa sa ospital. Punong-puno ng tensyon ang mga sumunod na tagpo lalo na sa lamay ng namatay. Nakakapanliit lalo na kapag humarahap sa amin ang kaanak ng mga namatay. Ang ama ng bata ay hindi nagsalita ng buong lamay. Tahimik. Malalim na nag-iisip. Bakas mo ang galit at sama ng loob sa kanyang mga mata. Ngunit ng idinaos na ang funeral mass ay pinutol niya rin ang kanyang katahimikan. Sa katapusan ng misa ay nagsalita siya at hindi ko malilimutan ang kanyang mga binitiwang salita. "Alam ng Diyos na ako ay isang taong mainipin. Ayaw ko ng naghihintay. Gusto ko agad makuha ang nais ko! Masyadong matagal ang pagpapari. Labing apat na taon pa ang hihintayin ko upang maging pari ang aking anak. Kaya siguro, ngayon pa lang ay ibinigay na ng Diyos ang aking gusto. Binigyan na Niya ako ng isang anak na pari." At sabay tawag doon sa pari na nakabaril sa kanyang anak. Sa harap ng mga tao ay niyakap niya iyon at tinawag niya ang kanyang pamilya at doon ay nasaksihan namin ang makabagbag-damdaming tagpo ng pagpapatawad. Mahabang palakpakan ang sumunod. Napakahaba. Palakpalakan na nagsasabing POSIBLE PALA ANG MAGPATAWAD! May kasabihan na "to err is human, to forgive is divine!" Hindi siya ganon katotoo sapagkat kaya rin pala ng taong magpatawad. Totoo na ang Diyos ang nagpakita ng dakilang habag nang pinatawad Niya tayo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak. At ang Anak Niyang ito ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang matubos tayo sa ating pagkakasala. Dahil tayo ay napatawad na, dapat din naman tayong magpatawad sa ating kapwa. Sa unang pagbasa ay pinaalalahanan tayo sa Aklat ni Sirach: "Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman." At ito nga ang ipinakita rin sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Hindi madali ang magpatawad sapagkat ang magpatawad ay wala sa damdamin kundi nasa kalooban o kagustuhan. Nagpapatawad ka sapagkat ginusto mo at hindi sapagkat "feel" mo. Ibig sabihin ay nangangahulugan ito ng lakas ng loob at pagpapakumbaba. Isang paraan upang maibsan ang ating sama ng loob ay ang ipagdasal ang gumawa ng masama sa atin. Kapag nagawa natin ito ay nasimulan mo na ang unang hakbang ng pagpapatawad. Darating din ang paghilom, marahil hindi agad-agad ngunit dapat mo itong simulan. Forgive and be forgiven!
Sabado, Setyembre 3, 2011
KRISTIYANONG PAKIALAMERO: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 4, 2011
Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging isang relihiyosong Salesiano ay ang salitang tinatawag naming "Salesian blasphemy". Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito. Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang. Ito ay ang katagang: "It's none of my bussiness!" Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa Filipino, mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission". Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataon. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan... nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin! Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan." May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay "pakialamero." Ngunit ang ating pakikialam ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin. Pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."
Huwebes, Agosto 25, 2011
NO ID, NO ENTRY: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 28, 2011
May dalawang magkaibigan, isang Kristiyano at isang Intsik ang nag-uusap tungkol sa kanilang Relihiyon. Ang sabi ng intsik: "Halika, punta tayo sa aming templo at ipapakita ko sa iyo ang aming diyos na sinasamba." Pagdating sa templo ay namangha ang batang Kristiyano sa kanyang nakita. Napakaganda ng loob ng templo. Nababalutan ng mga malagintong dekorasyon at sa harapan ng altar ay tumambad sa kanya ang napakaraming estatwa ng ng mga buddha na iba-iba ang itsura at napapalibutan ng maraming kandilang insenso. Pagkatapos ay sinabi ng Instik: "Dalhin mo naman ako sa inyong templo para makita ko ang Diyos ninyo." Nag-aalangang dinala niya ang kaibigan sa isang simbahan. Laking pagkagulat ng Intsik ng makita ang isang malaking krus sa dambana ng altar. "Ano yan?" sabi niya. "Bakit may taong nakapako sa krus? Nasaan na ang Diyos n'yo?" Ang sagot ng Kristiyano: "Siya ang aming Diyos. Nakapako Siya, naghirap, namatay para sa amin. Ganyan kami kamahal ng aming Diyos. May ganyan ba kayong Diyos?" Marahil, sa lahat ng relihiyon sa buong mundo ay tayo lamang mga Kristiyano ang makapagsasabi na mayroon tayong Diyos na namatay para sa atin.Tayo lamang ang may Diyos na nagdusa at naghirap. Hindi ito ayon sa pananaw ng mundo. Kaya si Pedro ay labis ang pagtutol ng malamang si Jesus ay magdaranas ng hirap at mamamatay. Ayaw n'ya ng Diyos na mahina! Ngunit ito ang kalakasan ng Diyos: Ang maghirap Siya para sa tao! Bakit? Sapagkat ito ang paraan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamahal. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmahal sa atin. Kaya nga ang simbolo ng krus ay mahalaga para sa atin. Ito dapat ay mag-paalala sa atin na kung papaanong ang ating Diyos ay naghirap, dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay handang magbata ng anumang hirap sa buhay. Dapat tayo rin ay matutong magbuhat ng ating mga krus at pasanin sa buhay! Ano ba ng mga krus na pinapasan ko ngayon: problema sa bahay? Sa trabaho? Sa pag-aaral? Sa asawa? Sa mga anak? Napakarami marahil. Hindi yan tatanggalin ni Jesus. Ang nais niya ay pasanin natin ang mga ito ng may pagmamahal katulad ng pagpasan niya sa ating mga kasalan noong Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay. Sabi ng isang text na aking natanggap: "No pain no gain! No guts no glory! NO, ID NO ENTRY!" Anung koneksyon? Ang ID nating mga Kristiyano ay ang ID ni Kristo. Ang ID na ginamit ng Panginoon ay ang ID ng KRUS! NO ENTRY ka sa langit kung wala kang ganitong ID. Ito ang nagsasabing tunay ka ngang Kristiyano. Naghirap ka na ba para kay Kristo?
Biyernes, Agosto 19, 2011
ALIAS KO... KRISTIYANO! : Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year A - August 21, 2011
What's in a name? Ano ba ang mayroon sa iyong pangalan? Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Kung minsan mahilig tayong magbigay ng "alias" sa ibang tao. Kapag panot ang tawag natin ay "HIV positive"(Hair Is Vanishing), kapag payat ang tawag natin ay "Palito", kapag mataba ang tawag natin ay "Baboy", kapag bading ay "sioke" at marami pang ibang pang-asar na "alias" ang ginagamit natin para pangalanan ang iba. Napakagaling din nating mag-coin ng pangalan. Kapag ang pangalan ng tatay ay Jose at ang nanay naman ay Maria ang magiging pangalan ng bata ay JOMAR. Mag-ingat lang sapagkat hindi ito maaring gawin sa lahat ng pagkakataon. Halimbawa kasi na kung ang pangalan ng tatay ay Conrado at ang nanay naman ay Domingga, siguradong ang kakalabasang pangalan ng bata ay CONDOM! Kawawa naman ang bata pag nagkataon! hehehe. Sa Ebanghelyo ngayon ay nagbigay din ng alias si Hesus sa isa sa kanyang mga alagad hindi upang mang-asar ngunit upang magbigay ng isang misyon. Tinawag niyang "Pedro" si Simon. Ang Pedro sa wikang Latin ay "Petrus" na ang ibig sabihin ay "bato"... matigas, matatag, di natitinag. "Ikaw ay Pedro, at ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia!" (Simbahan). Ano ba ang nakita ni Jesus kay Pedro? Alam ni Jesus na ang taong ito ay mahina. Iiwan siya ni Pedro sa hardin ng Getsemani upan mahuli ng mga Judio. Itatatwa siya ni Pedro ng tatlong beses sa harap ng ibang tao. Alam itong lahat ni Jesus ngunit sa kabila nito ay pinili niya si Simon Pedro upang pamunuan ang kanyang Iglesia at ibinigay pa sa kanya ang "susi" ng kaharian ng langit, simbolo ng kapangyarihang mamuno. Anung nakita ni Jesus kay Pedro? Ang sagot ay "kahinaan", kahinaan na nagbigay daan upang manaig sa kanya ang kalakasan ng Diyos! Maganda ang sabi ni San Pablo tungkol dito: "I willing boast of my weakness because in my weakness.. God is strong!" Ito nga marahil ang nais ding makita sa atin ni Jesus... ang masabing "Ang Diyos ang ating lakas sa kabila ng ating kahinaan!" Kalimitan ay madali tayong panghinaan ng loob kapag lagi tayong tinatalo ng ating kahinaan: paulit-ulit na kasalanan, masamang pag-uugali, masamang hilig. Tandaan natin na tayong lahat ay maaring maging "Pedro" kung taos puso nating aaminin ang ating pagkakamali at tatanggapin natin ang Diyos bilang ating lakas! Sa tuwing tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala dapat ay hinihingi din natin ang Grasya ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pagbabago. Tandaan natin na sa lakas ng Diyos para tayong "nakasandal sa pader". Sa lakas ng Diyos ay walang imposible! Sa lakas ng Diyos ang kahinaan ay maaring maging kalakasan ng tao! Sa binyag, binigyan tayo ng "alias" ng Panginoon. Ang alias natin ay KRISTIYANO. Ikinabit Niya sa atin ang Kanyang pangalang KRISTO! Ibig sabihin, taglay natin sa ating kahinaan ang kalakasang dala ng kanyang banal na pangalan. Kaya nga't nararapat lamang na pangatawanan natin ang pangalang ito. Ipakita natin sa ating pag-iisip, pananalita at pagkilos na tayo ay KRISTIYANO! Tandaan... ALIAS natin ito!
Sabado, Agosto 13, 2011
ANG KILITI NG DIYOS: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year A - August 14, 2011
Iba't iba ang ating kiliti! Kapag nakuha mo raw ang kiliti ng isang tao ay madali mong makukuha ang kanyang kalooban. May katotohanan ito. Sa iba ang kiliti ay pagkain. Pakainin mo lang ng kanyang paborito at solve ka na! Sa iba naman ay "pride" o kayabangan. Purihin mo ang kanyang anyo o ugali at friendship ever na kayo! Kung ito ay totoo sa tao, ito rin ba kaya ay totoo sa Diyos? Mayroon ba Siyang kiliti? Ano ba ang kiliti ng Diyos? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay makikita nating ang kanyang kiliti ay ang panalangin ng isang taong may malalim na pananampalataya! At ito ang panalanging pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo pinakikinggan ng Diyos. Malamang ay sapagkat hindi pa natin nakukuha ang Kanyang kiliti! Ang panalanging may malalim na pananampalataya ang nakakahulog ng Kanyang kalooban upang maipagkaloob niya sa atin ang ating hinihingi. Mayroon itong dalawang katangian. Ang una ay ang ating pagtitiyaga atpagpupumilit. Pansinin ninyo ang panalangin ng isang babae. "A lady's prayer... At 20 years: Lord, I want the best man. At 25: Lord, I want a good man. At 30: Lord, I want any man... at 45: Lord, na- mannnnn..." Sigurado akong maawa din ang Diyos sa kanya! hehe... Pero ito ang gusto ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Nais Niya na "kinukulit" natin siya! "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!"Kung minsa tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipakaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras... na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Pangalawa ay pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea sa ebangelyo ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "aso" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang aso ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili! Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang kahilingan. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng panalanging may pananampalataya ang kalasakan nating mga tao at ang kahinaan naman ng Diyos. Tunay na may kahinaan ang Diyos sa mga taong nagdarasal ng may pananalig. Ito ang kanyang KILITI!
Sabado, Agosto 6, 2011
TAKOT KA BA SA MULTO? : Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 7, 2011
Totoo bang may "multo?" Iba't iba ang pananaw dito... ngunit nakakapagtaka na sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng ating pamumuhay, tayo ay nasa "computer age" na, ay hindi pa rin namamatay ang paniniwala sa mga espiritu o tinatawag nating multo. May kuwento na minsan ay may pari na tinawag ng isang pamilya upang palayasin ang multo na nanggugulo sa kanilang bahay. Naglabas ang pari ng isang "crucifix" at itinapat ito sa lugar na kung saan ay nagpapakita daw ang multo. Nakita lamang ito ng multo at tumawa! Naglabas ang pari ng "holy water" at binasbasan naman iyon ng tubig. Wala ring nangyari. Ininom lamang ng multo ang holy water. Pagkatapos ay inalabas ng pari ang "collection basket" na ginagamit sa Misa. Mabilis pa sa hangin ay biglang naglaho ang multo at di na bumalik!Lesson: Hindi lang multo ang naglalaho kundi ang mga tao ring nagsisimba kapag nagsisimula ng ilibot ang basket sa Misa! hehehe... Napagkamalang multo ng mga alagad si Jesus dahil naglakad siya sa ibabaw ng tubig. Ang kanilang unang naramdaman ay pagkatakot. Ngunit naglaho ito ng marinig nila ang tinig ni Jesus: "Huwag kayong matakot... ako ito!" Marami tayong "multo sa buhay" na kinatatakutan. "Multo ng mga nakaraan" na hanggang ngayon ay pumipigil sa atin upang magpatuloy sa hinaharap... masasamang pangyayari, karanasan, relasyon, alaala. Sa katanuyan ay tapos na sila ngunit hindi pa rin natin maiwanan kayat patuloy ang ating paninisi sa kanila at sa ating mga sarili. "Huwag kayong matakot!" Ito ang nais sabihin sa atin ni Jesus. Patawarin natin "sila" at ang ating mga sarili sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos! Pakawalan na natin sila! Let go and let God! Huwag na nating hayaang multuhin nila tayo at sa halip ay hayaan nating ang Diyos ang maghari sa ating buhay. Magkaroon tayo ng malalim na pananampalataya sa Kanya. Huwag nating hayaang ilihis ng "malalaking alon" ng pagsubok ang ating pagtitiwala sa kanya kapag nagsimula na tayong maglakad sa tubig ng pag-aalinlangan. Kailangang nakapako ang ating pag-iisip sa Panginoon sa kabila ng lahat ng kaguluhan, problema at mga pagsubok sa ating buhay. Hindi crucifix, holy water o collection basket ang mabisang pangontra sa multo kundi isang malalim at buhay na PANANAMPALATAYA!
Biyernes, Hulyo 29, 2011
TINAPAY AT ISDA: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - July 31, 2011
Nilapitan ng isang bata ang kanyang nanay na abalang-abala sa trabaho. "Mommy, laro po tayo..." sabi ng bata. "Naku anak, ikaw na lang muna. Ang daming ginagawa ni mommy." "Anu pong ginagawa n'yo?" tanong ng bata. "Anak, nagtratrabaho si mommy." "Bakit po kayo nagtratrabaho?" muling tanong ng bata. "Para, kumita tayo ng pera..." sagot naman ng nanay. Tila hindi pa kuntento ang bata kaya muling nagtanong. "Bakit po gusto n'yong magkapera?" Medyo nainis na ang nanay sa sunod-sunod na tanong ng anak at medyo nagtaas ng boses na sumagot: "Para may pambili tayo ng pagkain!" Medyo takot ngunit nagpahabol pa ng tanong ang anak: "E para saan po ang pagkain?" Napika na nanay kaya't pasigaw na sumagot, "Para hindi tayo magutom! Umalis ka na nga at naiistorbo ako sa 'yo!" Tumahimik ang bata tangan-tangan ang kanyang laruan. Pagkatapos ay nakatitig na sinabi sa kanyang nanay: "Mommy... hindi po ako gutom!" Marahil ay may katotohanan ang sinabi ng kanyang anak. Hindi nga siya gutom! Ngunit kung susuriing mabuti ang kanyang sagot ay masasabi nating may mas malalim pang pagkagutom na iniinda ang bata... pagkagutom na higit pa sa pagkain, pagkagutom na tanging ang nanay niya lang ang maaring makabusog. Maraming uri ng pagkagutom tayong nararanasan. Isa lamang ang pisikal na pagkagutom. Marami ang gutom sa pagmamahal... gutom sa katarungan ... gutom sa kapayapaan ... Ang Ebanghelyo natin ay tumatalakay din sa isang uri ng pagkagutom. Pagkagutom na nakita ni Jesus sa mukha ng mga taong nakikinig sa kanya habang Siya ay nangangaral at nagpapagaling ng kanilang mga maysakit. Ang sabi niya sa kanyang mga alagad: "Kayo, ang magbigay sa kanila ng makakain..." Bagama't si Jesus ang nagparami ng tinapay at isda para makain ng mga tao, ang mga alagad naman ang nagsilbing daan upang magawa niya ito. Limang tinapay, dalawang isda, mga alagad na kapos sa pinag-aralan, kakayahan at kayamanan... ngunit ginamit ni Jesus upang maibsan ang gutom ng mga tao. Tayo rin ay nais gamitin ng Panginoon sa kabila ng ating kakulangan upang tugunan ang pagkagutom ng ating kapwa. Wag mong sabihing estudyante ka lang, mahirap ka lang, simpleng tao ka lang na walang kaalaman o kakayahan. Mayroon palagi tayong maibabahagi sa iba. Ang sabi nga ng turo ng Simbahan: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Lahat tayo ay "tinapay at isda" para sa ating kapwa. Ano na ang nagawa mo para sa kapwa mo?
Sabado, Hulyo 23, 2011
ANG NAKATAGONG KAYAMANAN: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year A - July 24, 2011
Isang matandang babae ang walang kaalam-alam na nanalo sa s'ya lotto ng Php 50 million. Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay paano nila sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na! Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at s'ya na ang magbalita sa maingat na paraan. Gayun nga ang kanilang ginawa, isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahat at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng Php 50 million sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng 50 million sa lotto ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehe... Sino nga ba ang di hihimatayin sa gayong kalaking kayamanan? Wala naman sigurong taong matino ang pag-iisip ang ayaw yumaman. Dati rati ang kayamanan, hinuhukay, sinisisid, nilalakbay ng malayo. Ngayon siguro mas madali: tumaya ka lang sa lotto, sumali sa contest ng wowowee o eat bulaga, tumaya sa sugal... instant yaman ka na! Ang talinhaga ng nakatagong kayamanan at mamahaling perlas ay nagsasabi sa atin na dapat ay handa nating isakripisyo ang lahat mapasaatin lamang ang kayamanang nais nating makamtan. Hinalintulad ito ni Jesus sa "Kaharian ng Diyos." Kung kaya nating magsakripisyo para sa kayamanang makamundo na nabubulok at nasisira ay dapat gayun din sa mga bagay na espirituwal. Ang "kaharian ng Diyos" ay ang pagharian tayo ng Kanyang biyaya at mabuhay bilang mga tapat niyang anak.Dapat ay matuto tayong magpahalaga sa mga bagay na dapat unahin sa ating buhay. Kapag ang pagsisimba ay ipinagpapalit mo sa "mga lakad" mo sa araw ng Linggo ay hindi ka pa handang pagharian N'ya. Kapag sinasabi mong wala akong oras magdasal o gumawa ng mabuti sa iba ay hindi mo pinahahalagahan ang Kaharian ng Diyos. Kapag mas mahalaga sa iyo ang mga bagay na materyal kaysa ispirituwal... kapag labis mong pinagtutuunan ng pansin ang iyong katawan at napababayaan mo ang iyong kaluluwa ay malayo ka pa sa paghahanap sa tunay na kayamanan. Ano ba ang tinuturing mong kayamanan ngayon sa buhay mo? Kung nasaaan ang kayamanan mo... naroroon ang iyong puso...
Sabado, Hulyo 16, 2011
RSVP: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year A - July 17, 2011
May isang kuwento na minsan daw ay inutusan ng Diyos ang isang anghel upang pumunta sa lupa at bilangin kung ilan ang mga taong masasama. Agad itong sumunod upang gampanan ang kanyang misyon ngunit pagkatapos lang ng ilang araw ay agaran din itong bumalik. Nang tanungin siya ng Diyos Ama ay sinabi n'ya: "Panginoon, masyado pong marami ang taong masasama sa lupa. Isang lugar pa lang ang napuntahan ko, sa Tundo ata iyon at nahirapan na akong magbilang. Ang daming halang ang kaluluwa! Puwede bang yung mabubuti na lang ang bilangin ko?" Sagot ng Diyos sa kanya: "Sige, mas mabuti pa nga para , mas mapabilis ang trabaho mo at agad din nating mabigyan ng imbitasyon ang mga iyon!" Muli siyang nagbalik at tulad ng inaasahan ay maaga niyang natapos ang pagbibilang. "Ngayon", sabi ng Diyos Ama,"papadalhan natin ng sulat ang mga taong mabubuti. Nais ko silang anyayahan sa isang piging. Bibigyan mo ng sulat ang bawat taong mabuti! Ang masasama ay huwag mong bigyan. Hindi sila kasali sa gagawin kong piging!" At gayon nga ang ginawa ng anghel, binigyan ng sulat ang lahat ng taong mabuti sa lupa RSVP! Alam n'yo ba kung ano ang nakalagay sa sulat? Hindi? Hindi n'yo alam kung ano ang nakasulat? hahaha! Kung gayon ay hindi kayo nabigyan! hehehe...Marahil isang kuwento lamang ngunit nagsasabi ito sa atin ng katotohanan. Tunay ngang may mga taong masasama sa ating mundo! Hindi natin ito maipagkakaila. Ang mas masaklap na katotohanan ay ito. Tila ang mga tao pang ito ang "nag-eenjoy" at nanagana sa kanilang pamumuhay samantalang ang mga mabubuti ay naghihirap! Ano ba ito? Bakit ang masasamang damo ang matagal mamatay? Bakit pinababayaan ng Diyos mangyari ito? Ang talinhaga sa ating Ebanghelyo ay may kasagutan: Ang Diyos ay mapagtimpi. Hindi niya ninanais ang kamatayan ng mga taong makasalanan ngunit ang kanilang pagbabalik-loob."Life is so unfair!" maari nating sabihin. Ngunit tandaan natin na iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Iba ang kanyang pamantayan sa ating pamantayan. Iba Siyang magmahal sa atin! Magising sana tayong mga makasalanan! Huwag nating balewalain o pagsamantalahan ang malaking pag-ibig ng Diyos. Bawat hininga natin ay dapat magpaalala sa atin na ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataong mahalin natin Siya, pagkakataong magbago at magbalik-loob, pagkakataon upang suklian natin ang kanyang pagmamahal... Kung alam mo ito ay parang nakatanggap ka na rin ng Kanyang sulat. Mapalad ka. Isa ka sa mga minamahal ng Diyos! Sagutin mo agad sapagkat RSVP 'yun!
Sabado, Hulyo 9, 2011
ANG LUPA AT SALITA: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 10, 2011
Isang lola na parating nakaupo sa pinakaharap ng simbahan ang laging nahuhuli ng paring natutulog kapag siya ay nagsisimula ng magbigay ng homiliya. Minsan ay hindi na nakatiis ang pari at nang nakita niya muling natutulog ang matanda ay pabulong at marahan niyang sinabi sa mga tao: "Ang nais umakyat sa langit ay tumayo..." Natural, nagtayuan ang mga tao maliban sa matandang himbing na himbing sa pagtulog. Pagkatapos ay muli silang pinaupo at pagkatapos ay bigla siyang sumigaw ng malakas: "Ang nais mapunta sa impiyerno... tumayo!" At biglang balikwas si lolang tumayo. Hiyang-hiya ang matanda ng makita niyang nakaupo ang lahat at siya lang ang nakatayo. Kaya't nagpaumanhin siya sa pari at nagsabi: "Pasensiya na po kayo padre... di ko gaanong narinig ang sinabi ninyo. Pero sa nakikita ko ngayon... dalawa tayong nakatayo!" hehehe... si lola nga naman... nandamay pa sa impiyerno! Wag nating tawanan si lola sapagkat marami sa atin ay masahol pa sa kanya. Hindi ko lang tinutukoy ang pagtulog sa simbahan kundi ang ating pakikinig sa Salita ng Diyos. Sa dami ng misa na ating dinaluhan ay maaari nating sabihing "lunod na lunod" na tayo sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Ang tanong... bakit parang wala itong epekto sa ating buhay? Ang kasagutan ay nasa ating ebanghelyo ngayon. Ang Diyos ang magsasakang naghahasik ng "binhi" ngunit kung minsan ay para tayong mga lupang ayaw tumanggap o kaya naman ay panandalian lamang ang pagtanggap sa Kanyang Salita. Ilan kaya sa atin ang tunay na makapagsasabing tumatanggap, isinasapuso at isinasabuhay ang Kanyang mga Salita? Ang Bibliya ay isinulat upang ipahayag, pakinggan at isabuhay. Hindi lang sana ito naka-display sa ating bookshelf o kaya naman ay nakatampok sa ating mga dambana o altarina sa bahay. Sana binubuksan din natin ito, binabasa, pinagninilayan, at isinasabuhay araw-araw. Kung kaya nating magsayang ng mahabang oras sa harap ng computer sana kaya rin nating maglaan ng kahit ilang sandali sa pagninilay ng Kanyang mga Salita. Kung kaya nating manood at matiyagang makinig sa mahahabang tele-serye sa tv, sana ganun din sa pakikinig sa Misa. Dito nakikita ang ating pagiging "mabuting lupa". Dito pinatutunayan ang ating pagiging mabuting Kristiyano.
Sabado, Hulyo 2, 2011
PABIGAT SA BUHAY: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year - C: July 3, 2011
Minsan sa isang Golden Wedding Anniversary ay napansin ng isang pari na maluha-luha ang matandang lalaking habang pinapapanibago ang "pangako" ng kasal. Pagkatapos ng misa ay binati niya ito at sinabing: "Lolo, talaga sigurong napakaligaya ninyo ngayon sa 50th anniversary ninyo. Kanina halos mapaluha pa sa saya!" "Ay hindi Padre! Sa katunayan halos mapaiyak nga ako sa lungkot!" "Bakit naman?" ang tanong ng pari. Sagot ang matanda: "Kasi padre, alam mo... 50 years ago, tinakot ako ng tatay ng misis ko. Ikukulong n'ya raw ako ng 50 taon kapag di ko pinakasalan ang anak niya. Sana pala... kung di ko sinunod yon, malaya na ako ngayon!" hehehe... Marami tayong tinuturing na pabigat sa ating buhay: asawa, "monster-in-law"este mother-in-law pala, suwail at "ingratong" mga anak, plastic na kaibigan, mortal na kaaway, "bossing" na manager, etc... Kung minsan naman ay hindi tao: nakakasawang trabaho, utang na di mabayaran, minalas na negosyo, mahirap na pag-aaral, etc.. May good news at bad news ang ebanghelyo ngayon. Ang bad news ay hindi nangako ang Panginoon na tatanggalin Niya ang ating mga "pasanin" sa buhay. Ngunit may good news naman... pagagaanin niya ang ating mga pasanin! Ang sabi ng Panginoon ay gamitin natin ang Kanyang "pamatok". Ang pamatok ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng hayop upang mapagaan ang kanyang paghila ng mga bagay. Kung tama ang pamatok hindi mnahihirapan ang hayop. At ano ang pamatok na ito? Walang iba kundi ang Kanyang tapat at walang sawang pag-ibig! Ang nais ng Panginoon ay dalhin natin ng may "pag-ibig" ang ating mga pasanin sa buhay. Kung lalagyan lang natin ng pagmamahal ang ating mga ginagawa araw-araw ay mapapagaan natin ito. Kaunting pagngiti, pagbati, pagkamusta ay sapat na upang makapawi ng pagod, sakit, at kalungkutan. Tandaan natin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pasanin na di natin kayang buhatin. Ang Diyos ay kasama natin sa ating paghihirap at mga suliranin natin sa buhay. Nawa ang ating panalangin ay: "Panginoon, wag mong tanggalin ang mga pasanin ko ngayon, bagkus bigyan mo ako ng lakas na mabuhat ito sa pamamagitan ng iyong pagmamahal..."
Biyernes, Hunyo 24, 2011
EAT ALL YOU CAN! : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year A - June 26, 2011
Ang sarap talagang kumain lalo na't "eat all you can!" Ikaw man ay nasa SAISAKI, BARIO FIESTA, CABALEN, O YAKIMIX, pare-pareho lang ang motto ng mga mahilig kumain: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die, just the same SO WHY NOT EAT AND DIE!" Sa ganitong mga lugar ang "The Biggest Looser" ay ang mga nagda-diet. Sayang ang pera mo kung hindi mo lulubusin ang pagkain. Kaya't kumain ka hanggang kaya mo! Puwedeng bumalik kahit ilang ulit, 'wag ka lang magtitira sa plato. Bawal ang magtira! "No left-overs." Kapag nagtira ka ay babayaran mo uli ang presyo ng buong pagkain mo. "No sharing!" Bawal ang magbigay ng pagkain sa iba. Medyo makasarili ang patakaran ngunit ang layunin ay para ma-enjoy mo ng sarilinan ang pagkain mo! Kaya nga't kapag "Eat All You Can" ang kainan ay isang araw ko itong pinaghahandaan. Hindi ako kakain ng marami. Mag-aayuno ako. Ihahanda ko ang aking sarili, mentally, emotionally at physically, upang sa oras na ng kainan ay maibuhos ko ang aking buong pag-iisip, diwa at lakas! Pero ang ipinagtataka ko e bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang aking bilbil! Dumadami ang palapag ng aking tiyan! hehehe... Ngunit bakit ganoon? Gaano man kasarap at karami ang iyong kinain ay ilalabas mo rin? Ganun lang ba ang proseso ng pagkain: In and Out? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo ay kumakain, nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat...! Kapag puro baboy ang kinakain mo e magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang maging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inalay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana kapag tinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo. Maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba... Become what you eat... become like Christ!
SARAP NG GABI... SARAP NG KAPE! :Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - June 19, 2011
I am a cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape. Sabi nga ng commercial sa T.V. "Sarap ng gabi... sarap ng kape! Why not? Try n'yo!" Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! Php 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! Isang lunukan lang at naglaho na ang Php 170 mo! hehehe... Kaya nga't nasabi ko sa aking sarili na dun na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Sometimes we make life so complicated tulad ng kape e simple lang naman ang buhay! Parang Diyos... we make Him too complicated in our minds. Pilit nating inuunawa siya gamit ang ating maliit na pag-iisip. Parang tubig ng dagat na pilit nating pinagkakasya sa maliit na butas sa buhanginan. Pinagpipilitan nating unawain ang kanyang misteryo ng ating limitadong kaalaman upang maunawaan lamang na ang Diyos pala ay ginagamitan hindi ng utak kundi ng ating puso. Tuna nga naman na ang mga taong marunong lang magmahal ang lubos na nakakaunawa sa Diyos! Kapag marunong kang magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailan ng tulong, kapag kaya mong magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama, kapag kaya mong mahalin ang iba sa kabila ng kanilang di kaibig-ibig na pag-uuagali... matuwa ka! Unti-unti ay nauunawan mo na ang misteryo ng Diyos. Ang pagkilala sa Kanya ay higit pa sa pagkakaalam sa kanyang "Bio-data". Ang pagkilala sa Diyos ay ang pagkakaroon ng personal na karanasan sa Kanya. Kailan mo ba tunay na naranasan ang Diyos sa iyong kapwa? Kailan mo ipinaranas ang kanyang pagmamahal sa iba? Maraming "diyos" na ipinakikilala ang mundo ngunit ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1, ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Sa susunod na ako ay uminom uli ng kape, dapat ay lagi kong maalala ang aking Diyos na 3 in 1. Tatlong persona na IISANG PAGKADIYOS na nagmahal sa akin ng lubos. Sarap ng gabi... sarap ng kape. Sarap ng buhay... sarap makasama ang Diyos. Bakit hindi? Try n'yo!
Sabado, Hunyo 11, 2011
DOUBLE BIRTHDAY CELEBRATION: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year A - June 12, 2011
Dalawang "Birthday celebration" ang pinagdiriwang natin ngayon! Una, araw ngayon ng pagsilang ng ating bayan. Ginugunita natin ang ating pagsilang bilang malayang mamamayan! Pagdiriwang ngayon ng ating kasarinlang bilang isang bansa! Ikawala, ngayon din ang pagsilang nating Simbahan. Sa araw ng Pentekostes, pumanaog ang Espiritu Santo at binigyan ng isang bagong buhay ang Simbahan upang buong tapang na makapagpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo. Pagdiriwang ngayon ng ating Simbahan bilang isang sambayanang pinalaya ni Kristo sa pagkakaalipin sa kasamaan at kasalanan! Sa araw na ito ay pinararangalan natin sa isang natatanging paraan ang ikatlong Persona ng Banal na Santatlo: Ang Diyos Espiritu Santo. Karaniwan kapag tayo ay nagdarasal ay lagi natin itinataas ang ating panalangin sa Diyos Ama o di kaya nama'y sa Diyos Anak. Maliban sa tanda ng krus at sa pagdaral ng Luwalhati, bihira nating tawagin ang Banal na Espiritu Santo sa ating panalangin. Ngunit kung ating iisipin ay ang Espiritu Santo ang gumagalaw ngayon sa ating Simbahan. Ang Espiritu Santo ang gumagabay at pumapatnubay sa Simbahan mula pa ng ito ay isilang at magpasahanggang ngayon. Kung mahalaga ang kanyang papel na ginagampanan sa ating Simbahan ay lalong ng higit pa sa ating mga Kristiyano. Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin! Noong tayo ay bininyagan ay napuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa Kumpil ay tinanggap naman natin ang kaganapan ng Kanyang mga biyaya hindi sapagkat kulang ito noong tayo ay binyagan kundi sapagkat hindi pa nakahanda ang ating pisikal na katawan noong sanggol pa lamang tayo. Ngayong tayo ay nakapag-iisip na ay nararapat lamang na ipakita natin ang pananahan ng Espiritu Santo sa ating buhay! Gisingin natin ang ating mga tulog na sarili! Maging mulat tayong lahat na tayo ay ang mga buhay na "Templo ng Espiritu Santo!" Maging mga saksi tayo ng kanyang kapangyarihan sa ating buhay! Ang "kapayapaan" ang tanda na tayo ay mga taong puspos ng Espiritu Santo. Kapayapaan na ibinahagi ni Jesus sa kanyang mga alagad noong Siya ay muling mabuhay. Kapayapaan din na patuloy niyang ibinabahagi sa ating pinananahanan na ng Banal na Espiritu. Kapayapaan na ibinibigay Niya rin sa ating bansang lumaya na sa pagkakaalipin.
Ang pagkakasarinlan ay hindi nangangahulugan ng pagkakakanya-kanya kundi ito ay dapat maghatid sa atin sa pagkakaisa! Ang Espiritu Santo ay nag-uugnay! Nawa ay magkaisa tayo bilang isang bansa upang sugpuin ang pag-iisip na "walang pakialaman" at kapakanan ng sarili ang laging inuuna! Mabuhay tayong mga Pilipino! Mabuhay tayong mga Kristiyano! Maligayang kaarawang sa ating lahat!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)