Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 29, 2011
DON BOSCO: AMA AT GURO NG MGA KABATAAN: Reflection for the Feast of St. John Bosco - January 31, 2011
Nasa ikaanim na baitang pa lamang ako noong una kong marating ang Don Bosco Youth Center Tondo. Agad akong na "at home" sa lugar na 'yon sapagkat punong-puno ito ng kabataan. Kung sabagay hindi naman ito nakapagtataka sapagkat ang Tundo ay tinaguriang "pabrika ng mga bata!" hehe... Mas lalo akong na "at home" nang lapitan ako ng isang brother at tinanong kung ibig kong sumali sa KOA (Knights of the Altar). Ito ang unang beses na nakaharap ako sa isang taong naka-abito. Dala marahil ng kaba kaya't tumango naman ako... Paglipas ng ilang mga buwan, naging pangalawang tahanan ko na ang Don Bosco Youth Center Tondo. Sa katunayan, itinataboy na ako ng nanay ko sa bahay at gustong ilipat na ang kama ko sa Don Bosco... hehehe... Ganyan naging kalakas ang "impact" sa kin ng Don Bosco. Wala akong kamalay-malay na balang araw, isa rin pala ako sa mga susunod sa kanya! Lalong napamahal sa akin si Don Bosco ng mapag-alaman ko ang buhay niya. Nagsimula ang lahat sa isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang. Panaginip na nabigyang linaw habang ibinibigay niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga kabataan. Maraming pagsubok ang dumating sa kanyang buhay at pilit siyang inilalayo sa katuparan ng kanyang panaginip. Ngunit ang Diyos na rin ang nagbigay linaw sa katuparan nito. Sa paggabay ng Mahal na Birheng Maria ay unti-unting natupad ang ipinakita sa kanya ng panaginip... ang pagpapabago sa mga kabataang naging mababangis na hayop upang maging maaamong tupa. Ginugol ni San Juan Bosco ang kanyang lakas at talino upang hubugin ang mga kabataang maging mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan ng lipunan.Ang kanyang buhay ay parang kandila na unti-unting naagnas sa pagbibigay ng liwanag sa mga kabataang kanyang inaruga at tinuring bilang mga tunay anak. Kaya nga ang titulong ibinigay sa kanya ay "Padre e Maesto"... "Father and Teacher"... Guro at Ama! "Don Bosco... turuan mo akong maging katulad mo. Sa kabila ng aking kahinaan at kakulangan nawa ako'y maging karapat-dapat at tapat mong anak..."
Sabado, Enero 22, 2011
BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflecton for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - National Bible Sunday - January 23, 2011
"May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang volumes ng Harry Potter bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa! Basahin, pagnilayan at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Tatlong paraan upang maging buhay ang Salita ng Diyos sa ating buhay.
Miyerkules, Enero 12, 2011
ISIP BATA... ASAL BATA: Reflection for the Feast of Sto. Nino Year A - January 16, 2011
Isa ka ba sa mga nagpalit ng profile picture mo sa facebook into cartoon character noong nakaraang Disyembre? Alam mo ba ang ibig sabihihin ng ginawa mong iyon? Baka na
man ginawa mo yun dahil nakita mo lang na ginagawa ng iba? Kung hindi mo alam ay isang kampanya iyon upang bigyan ng kamulatan ang mga tao tungkol sa paglaban sa pang-aabuso sa mga bata. Naging matagumpay ang kampanyang iyon kung ang pagbabasehan ay ang dami ng nagpalit ng profile pictures ngunit kung nakamit ba ang layuning kamulatan ay nabigo ata ang kampanyang ito. Ayon sa pag-aaral, kakaunti ang mga naglaan ng panahon upang pag-aralang mabuti at alamin ang karapatan ng mga bata. Kakaunti ang nagbigay ng tulong o donasyon sa mga ahensiyang nagpapairal ng ganitong programa. Parang nauwi lamang sa pagsunod sa uso ang kampanya! Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Nino na sinasabi ring "kapistahan para sa mga bata", ay muli tayong inaanyayahang balikan ang ating mga pagkabata at tingnan kung ano ba ang sinasabi nito tungkol sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Bagama't may pang-aabuso pa ring nangyayari sa mga bata at kabataan ay masasabi pa rin nating likas sa ating mga Pilipino ang magmahal sa kanila. Sa katunayan ay isa tayo sa mga bansang mas nakararami ang mga kabataan kaysa mga matatanda sa populasyon. Sapat lang na suyurin mo ang lansangan at mga kalye at makikita mong parang kabuteng nagkalat ang mga bata sa paligid. Mas maraming bata mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang natutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba, magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. Higit sa lahat, ang ating pagpapakumbaba at pagtitiwala ay dapat na maghatid sa atin sa paggalang sa kanilang karapatan. Kung talagang nakikita natin ang mukha ni Jesus sa mukha ng bawat bata ay dapat makita sa atin ang paggalang sa kanilang dignidad. Ang sabi nga ng kanta: "Ang bawat bata'y may pangalan, may karapatan sa ating mundo..." Isabuhay natin ang ating pananampalatayang Kristiyano. Isadiwa natin ang mensahe ng Sto. Nino!
Sabado, Enero 8, 2011
BINYAGAN: Reflection for The Feast of the Lord's Baptism Year A - January 9, 2011
Sino ba ang dapat na binibinyagan? Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya.Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!
Sabado, Enero 1, 2011
NANG MAKIPAG-EYEBALL ANG DIYOS SA ATIN: Reflection for the Solemnity of Epiphany - January 2, 2011
Nasubukan mo na bang makipag-eyeball? Sa panahon ngayon na ang pakikipagkaibigan ay ginagawa na sa internet, isa ito sa "thrill" na pinapasok ng mga kabataan. Minsang nagplanong makipag-eyeball ang dalawang kabataan na "nagka-ibigan" sa Facebook. Ang sabi ng lalaki: "O sige, magkita tayo sa Jolibee Sto. Nino ha? Magsusuot ako ng green na t-shirt at ikaw naman ay red! Magkita tayo 10:00 ng gabi. Wag kang maleleyt!" Dumating ang oras ng eyeball. Dumating ang isang babaeng pangit na naka-red shirt. Nilibot ng kanyang mata ang loob ng Jolibee ngunit wala siyang makitang lalaking naka-green! Isang gwapong binatilyong lalaki na naka-white shirt ang tanging nakita niya sa loob. Nilapitan niya ito at tinanong. "Excuse, ikaw ba yung ka-eyeball kong hinihintay?" Sagot ang lalaki: "Haller!!! Nakasuot ba ako ng t-shirt na green??? Wag ka ngang bulag ha?!!!" hehehe... kakatakot nga namang magpakilala kung ganun ang ka-eyeball mo! Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang ibig sabihin ng "pagpapakilala", ilalabas mo ang tunay mong pagkatao. Walang pagkukunwari. Walang pandaraya. Walang pagsisinungaling! Ang ibig sabihin ng salitang "Epipanya" ay pagpapakilala! Oo, minabuti ng Diyos na maihayag Siya at makilala Siyang lubusan ng sanlibutan. Ang mga pantas na masusing naghanap sa Mesiyas ay kumakatawan sa mundong naghahanap at naghihintay sa Tagapagligtas! Ang mga regalong handog ng mga pantas ay sumasagisag kung sino ba ang Mesiyas na ito: ginto para sa isang hari, kamanyang bilang pagpupugay sa Diyos na isinilang, mira na sumasagisag sa kanyang pagiging tunay na tao. Tinanggap ba ng tao ang pagpapakilalang ito? Masaklap ang naging pasya ng sanlibutan. Mas pinili nila ang mabuhay sa dilim kaysa liwanag! Ngunit sa kabila ng kalapastanganang ito ay naging tapat pa rin ang Diyos sa tao. Kahit sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kanyang katapatan sa kabila ng maraming kasalanang ating nagagawa. Ang kanyang pagpapakilala ay naipahayag na. Ang tanging hinihintay lamang Niya ay kilalanin natin Siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas at patunayan sa ating gawa ang ating pananampalataya! Ang Salita ay nagkatawang-tao at nakipag-eyeball Siya sa atin. Tatalikuran rin ba natin Siya? Iwaksi natin ang madilim na pamumuhay... tayo na sa liwanag!
MY NYR: Reflection for the Solemnity of Mary Mother of God - January 1, 2011
Bagong taon na naman! Bagong buhay... Bagong pag-asa! May New Year's Resolution ka na ba? Sabi ng isang text na natanggap ko: Ito ang mga New Year's Resolutions ko: 1. Di na ko mangangako, PROMISE! 2. Di na ko mag-iingles, NEVER AGAIN! 3. Di na ako magsusugal. PUSTAHAN TAYO! 4. At di na ko magsasalita ng tapos. PERIOD. hehehe... parang sinasabi n'yang para saan pa ang New Year's Resolution, eh sa simula pa lang di mo na kayang tuparin ito? Kung sabagay, marami sa atin ang parating sumusubok na gumawa ng new year's resolutions pero tumatagal ba? Marami sa atin ay "ningas kugon" o kaya naman ay parang "kuwitis" ang pangako... hanggang simula lang! Pagkalipas ng ilang araw, balik uli sa dati! Kaya nga ang marami ay di na elib sa paggawa ng NYR o New Year's Resolution. Tama? Mali!!! Hindi ko sinasang-ayunan ang ganitong pag-iisip. Sapagkat parang sinasabi mo na rin na di mo kayang baguhin ang iyong sarili! Minsan may isang tatay na gumawa ng NYR na uuwi na siya ng maaga pagkatapos ng trabaho. Nung dati kasi ay inaabot siya ng hatinggabi dahil sa kanyang "extra-curricular activities!" Laging gulat ng asawa niya nang sa simula ay umuuwi na siya ng maaga. Kaya't panay ang pasasalamat ang namumutawi sa kanyang bibig: "Glory be to the Father and to the Son and to the Holy Spirit!" Kaya lang habang tumatagal ay bumabalik na naman ang masamang ugali ng asawa at ang maagang pag-uwi ay inuumaga na naman. Kaya't minsang dumating ng umaga si mister ay binulyawan niya ito: "Walanghiya ka! ... as it was in the beginning ka na naman! Animal!!!" Saan ba nakasasalalay ang isang tunay na pagbabago? Ang Kapistahan ngayong unang araw ng taon ay may sinasabi sa atin. Kapistahan ngayon ni Maria, Ina ng Diyos. Kung mayroon mang pinakadakilang katangian si Maria ay walang iba kundi ang kanyang malakas na pananampalataya! At ito ang maari nating hingin kay sa ating Mahal na Ina... ang isang malakas na pananampalataya na kaya nating baguhin ang ating sarili. Totoo, ito ay isang "grasya" na tanging Diyos lang ang maaring magkaloob. Ngunit hindi niya ito ibibigay sa atin kung hindi natin hihingiin at hindi natin pagsusumikapang isabuhay. Manalig ka na kaya mong ihinto ang bisyo mo! Manalig ka na kaya mong maging ulirang asawa! Manalig ka na kaya mong maging mabuti at masunuring anak. Manalig ka na kaya mong magsikap sa pag-aaral! Manalig ka na sa tulong ng Diyos ay kaya mong baguhin ang takbo ng buhay mo... Katulad ni Maria, umasa tayo sa Kanya pero gawin natin ang kalooban Niya. May kasabihan tayo... "nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)