Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 29, 2011
DON BOSCO: AMA AT GURO NG MGA KABATAAN: Reflection for the Feast of St. John Bosco - January 31, 2011
Nasa ikaanim na baitang pa lamang ako noong una kong marating ang Don Bosco Youth Center Tondo. Agad akong na "at home" sa lugar na 'yon sapagkat punong-puno ito ng kabataan. Kung sabagay hindi naman ito nakapagtataka sapagkat ang Tundo ay tinaguriang "pabrika ng mga bata!" hehe... Mas lalo akong na "at home" nang lapitan ako ng isang brother at tinanong kung ibig kong sumali sa KOA (Knights of the Altar). Ito ang unang beses na nakaharap ako sa isang taong naka-abito. Dala marahil ng kaba kaya't tumango naman ako... Paglipas ng ilang mga buwan, naging pangalawang tahanan ko na ang Don Bosco Youth Center Tondo. Sa katunayan, itinataboy na ako ng nanay ko sa bahay at gustong ilipat na ang kama ko sa Don Bosco... hehehe... Ganyan naging kalakas ang "impact" sa kin ng Don Bosco. Wala akong kamalay-malay na balang araw, isa rin pala ako sa mga susunod sa kanya! Lalong napamahal sa akin si Don Bosco ng mapag-alaman ko ang buhay niya. Nagsimula ang lahat sa isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang. Panaginip na nabigyang linaw habang ibinibigay niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga kabataan. Maraming pagsubok ang dumating sa kanyang buhay at pilit siyang inilalayo sa katuparan ng kanyang panaginip. Ngunit ang Diyos na rin ang nagbigay linaw sa katuparan nito. Sa paggabay ng Mahal na Birheng Maria ay unti-unting natupad ang ipinakita sa kanya ng panaginip... ang pagpapabago sa mga kabataang naging mababangis na hayop upang maging maaamong tupa. Ginugol ni San Juan Bosco ang kanyang lakas at talino upang hubugin ang mga kabataang maging mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan ng lipunan.Ang kanyang buhay ay parang kandila na unti-unting naagnas sa pagbibigay ng liwanag sa mga kabataang kanyang inaruga at tinuring bilang mga tunay anak. Kaya nga ang titulong ibinigay sa kanya ay "Padre e Maesto"... "Father and Teacher"... Guro at Ama! "Don Bosco... turuan mo akong maging katulad mo. Sa kabila ng aking kahinaan at kakulangan nawa ako'y maging karapat-dapat at tapat mong anak..."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento