Sabado, Enero 1, 2011

NANG MAKIPAG-EYEBALL ANG DIYOS SA ATIN: Reflection for the Solemnity of Epiphany - January 2, 2011

Nasubukan mo na bang makipag-eyeball? Sa panahon ngayon na ang pakikipagkaibigan ay ginagawa na sa internet, isa ito sa "thrill" na pinapasok ng mga kabataan. Minsang nagplanong makipag-eyeball ang dalawang kabataan na "nagka-ibigan" sa Facebook. Ang sabi ng lalaki: "O sige, magkita tayo sa Jolibee Sto. Nino ha? Magsusuot ako ng green na t-shirt at ikaw naman ay red! Magkita tayo 10:00 ng gabi. Wag kang maleleyt!" Dumating ang oras ng eyeball. Dumating ang isang babaeng pangit na naka-red shirt. Nilibot ng kanyang mata ang loob ng Jolibee ngunit wala siyang makitang lalaking naka-green! Isang gwapong binatilyong lalaki na naka-white shirt ang tanging nakita niya sa loob. Nilapitan niya ito at tinanong. "Excuse, ikaw ba yung ka-eyeball kong hinihintay?" Sagot ang lalaki: "Haller!!! Nakasuot ba ako ng t-shirt na green??? Wag ka ngang bulag ha?!!!" hehehe... kakatakot nga namang magpakilala kung ganun ang ka-eyeball mo! Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang ibig sabihin ng "pagpapakilala", ilalabas mo ang tunay mong pagkatao. Walang pagkukunwari. Walang pandaraya. Walang pagsisinungaling! Ang ibig sabihin ng salitang "Epipanya" ay pagpapakilala! Oo, minabuti ng Diyos na maihayag Siya at makilala Siyang lubusan ng sanlibutan. Ang mga pantas na masusing naghanap sa Mesiyas ay kumakatawan sa mundong naghahanap at naghihintay sa Tagapagligtas! Ang mga regalong handog ng mga pantas ay sumasagisag kung sino ba ang Mesiyas na ito: ginto para sa isang hari, kamanyang bilang pagpupugay sa Diyos na isinilang, mira na sumasagisag sa kanyang pagiging tunay na tao. Tinanggap ba ng tao ang pagpapakilalang ito? Masaklap ang naging pasya ng sanlibutan. Mas pinili nila ang mabuhay sa dilim kaysa liwanag! Ngunit sa kabila ng kalapastanganang ito ay naging tapat pa rin ang Diyos sa tao. Kahit sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kanyang katapatan sa kabila ng maraming kasalanang ating nagagawa. Ang kanyang pagpapakilala ay naipahayag na. Ang tanging hinihintay lamang Niya ay kilalanin natin Siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas at patunayan sa ating gawa ang ating pananampalataya! Ang Salita ay nagkatawang-tao at nakipag-eyeball Siya sa atin. Tatalikuran rin ba natin Siya? Iwaksi natin ang madilim na pamumuhay... tayo na sa liwanag!

Walang komento: