Isa ka ba sa mga nagpalit ng profile picture mo sa facebook into cartoon character noong nakaraang Disyembre? Alam mo ba ang ibig sabihihin ng ginawa mong iyon? Baka na
man ginawa mo yun dahil nakita mo lang na ginagawa ng iba? Kung hindi mo alam ay isang kampanya iyon upang bigyan ng kamulatan ang mga tao tungkol sa paglaban sa pang-aabuso sa mga bata. Naging matagumpay ang kampanyang iyon kung ang pagbabasehan ay ang dami ng nagpalit ng profile pictures ngunit kung nakamit ba ang layuning kamulatan ay nabigo ata ang kampanyang ito. Ayon sa pag-aaral, kakaunti ang mga naglaan ng panahon upang pag-aralang mabuti at alamin ang karapatan ng mga bata. Kakaunti ang nagbigay ng tulong o donasyon sa mga ahensiyang nagpapairal ng ganitong programa. Parang nauwi lamang sa pagsunod sa uso ang kampanya! Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Nino na sinasabi ring "kapistahan para sa mga bata", ay muli tayong inaanyayahang balikan ang ating mga pagkabata at tingnan kung ano ba ang sinasabi nito tungkol sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Bagama't may pang-aabuso pa ring nangyayari sa mga bata at kabataan ay masasabi pa rin nating likas sa ating mga Pilipino ang magmahal sa kanila. Sa katunayan ay isa tayo sa mga bansang mas nakararami ang mga kabataan kaysa mga matatanda sa populasyon. Sapat lang na suyurin mo ang lansangan at mga kalye at makikita mong parang kabuteng nagkalat ang mga bata sa paligid. Mas maraming bata mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang natutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba, magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. Higit sa lahat, ang ating pagpapakumbaba at pagtitiwala ay dapat na maghatid sa atin sa paggalang sa kanilang karapatan. Kung talagang nakikita natin ang mukha ni Jesus sa mukha ng bawat bata ay dapat makita sa atin ang paggalang sa kanilang dignidad. Ang sabi nga ng kanta: "Ang bawat bata'y may pangalan, may karapatan sa ating mundo..." Isabuhay natin ang ating pananampalatayang Kristiyano. Isadiwa natin ang mensahe ng Sto. Nino!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento