Sabado, Marso 30, 2013

EASTER & EASTER EGG : Reflection for Easter Sunday Year C - March 31, 2013 - YEAR OF FAITH


Bakit nga ba kapag dumarating ang Easter ay paghahanap ng Easter Egg ang napagbubuntunan ng atensiyon o kaya naman ay ang paghahabol ng Easter Bunny o kuneho? Minsan, may isang madreng nagtuturo sa mga bata tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Jesus. Tinanong niya ang mga bata kung ano ang ibig sabihin ng Easter para sa kanila. Sumagot ang isa: "Sister, ito po yung naghanap si Jesus ng easter eggs sa halamanan!" Ang isa naman: "Sister, ito po yung nagpunta si Jesus sa bukid at naghunting ng mga rabbit!" Laking pagkadismaya ng madre sa kanyang mga estudyante. Katoliko nga silang naturingan ngunti hindi naman alam ang kanilang pananampalataya. Nang may biglang tumayo at sumagot: "Sister, ang Easter po ay ang pagdiriwang natin ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang kanyang pagkatagumpay sa kamatayan!" Tuwang-tuwa ang madre sa sagot na narinig. Nasiyahan siya na sa wakas ay may estudyante naman pala siyang alam ang panananampalataya. "At ano ang ginawa ni Jesus pagkatapos niyang muling mabuhay?" nakangiting tanong ng madre. "Sister, siya po ay lumabas sa libingan. Nagpunta sa bukid at naghanap ng mga itlog at kuneho!" Bakit nga ba nahaluan na ng komersiyalismo ang pinahamahalaga natng pagdiriwang na mga kristiyano? Bakit "Easter Egg" ang napapansin at hindi na si Kristo? Bagamat ang paghahanda ng mga itlog ay nakagawian na ng tao tuwing sasapit ang Easter ay maari naman nating itama ang makamundong pag-intindi nito. Sa katunayan sa kasaysayan na kung saan ito ay nagmula 2, 500 na taon na ang nakalilipas, ang "itlog" ay ginagamit ng simbolo ng "rebirth of the earth" na isang kapistahang ipinagdiriwang ng mga pagano tuwing sasapit ang "spring season". Ito rin ay naging simbolo ng kasaganahan o "fertility". Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang itlog ay maari ring maging simbolo ng "bagong buhay". Bagong buhay na punong-puno ng pag-asa! At ito naman talaga ang kahulugan ng muling pagkabuhay ni Jesus: Isang bagong buhay ang kanyang iniaalok sa atin. Sa katunayan, ito ay tinanggap na natin sa Binyag... ang isang bagong buhay na pagiging anak ng Diyos Ama. Kaya nga't kapag sumasapit ang Easter Sunday ay lagi nating sinasariwa ang mga pangako natin sa Binyag na tatalikuran ang lahat ng kasamaan at tayo ay sasampalataya sa Diyos! Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng pangakong pagbabago sa ating pamumuhay bilang kristiyano! Ano ba ang dapat kong baguhin sa aking pag-iisip, pagsasalita at pagkilos upang maipahayag ko na ako ay isa sa mga tumanggap ng pagliligtas ni Jesus? Baka naman natapos ang panahon ng Kuwaresma na wala man lang tayong naitama sa ating masasamang pag-uugali. Ganoon pa rin tulad ng dati, mapagmataas, makasarili, nanlalamang sa kapwa, etc... Gising na! Layuan na natin ang mga nagpapasama sa ating pamumuhay bilang mga tapat na kristiyano. Naghahanap si Jesus hanggang ngayon, hindi ng mga easter egg o easter bunny ngunit tayo ang kanyang pilit na tinatagpo. Tinagpo niya si Maria Magdalena na tigib ng hapis sa libingan, tinagpo niya ang alagad sa kabila ng kanilang pagdududa at pagkatakot. Siya ang tumatagpo, tayo ang lumalayo. Patuloy ang biyaya ng kanyang muling pagkabuhay. Patuloy niyang inaalok sa atin ang kaligtasan. Nakatagpo ko ba siya sa panahong ito ng Kuwaresma? Kung hindi ay may kulang sa ating pagdiriwang ng Easter Sunday. Wala tayong pinag-iba sa mga taong ang Easter ay Easter Egg lamang. Mga kristiyanong nanatiling mga "itlog na bugok!" sa pananampalataya!

LIWANAG SA KADILIMAN: Reflection for Easter Vigil Year C - March 23, 2013 - YEAR OF FAITH

Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! May dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm ur fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?" Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman... Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." TAYO NA SA LIWANAG!

Huwebes, Marso 28, 2013

WHY GOOD FRIDAY? : Reflection for Good Friday Year C - March 29, 2013 - YEAR OF FAITH

Ang tawag sa araw na ito ay "Good Friday". Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito? Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... Good Friday! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?" Tatlong dahilan: una, "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!" Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito? Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito? At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapakawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba. Kaya ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito. Ngayong Taon ng Pananampalataya sikapin mong magpakabuti!  Magpakabuti ka hindi lang ngayong Good Friday ngunit sa bawat sandali ng iyong buhay!

PAGHUHUGAS PAGLILINGKOD : Reflection for Holy Thursday Year C - March 28, 2013 - YEAR OF FAITH

Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago at pagkatapos kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa, parang commercial ng safeguard lang!  Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa pagkatapos kumain! Siguro kung paa ang ginagamit ko sa pagkain eh maari! Parang weird yun!  Pero pagkatapos ganapin ni Jesus ang "huling hapunan" ay iniutos at ginawa ito Niya ito sa kanyang mga alagad! Kung weirdo ang maghugas ng paa bago kumain eh mas weirdo ata ito:  na si Jesus mismo ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller...! Si Hesus kaya ang bigboss nila noh? Bakit siya ang naghugas ng kanilang paa? May nais paratingin sa atin ang Panginoon. Nais mong maging leader?  matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila? Matuto kang magpakumbaba! Ngayon ang Kapistahan ng Pagtatag ng Pagpapari; ang Sakramento na kung saan ay ipinakita ni Hesus ang kahulugan ng tunay na paglilingkod bilang Panginoon. Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Paghahati ng Tinapay... ang Eukaristiya.  Ano ba ang Eukaristiya...? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad... Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita din sa Pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya. Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod... tulad ni Jesus!  Ngayong Taon ng Pananampalataya, hilingin natin sa Panginoon ang biyayang maging mapagkumbabang tulad Niya na inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Hindi ito madali sapagkat katulad ng pinagpira-pirasong tinapay sa Eukaristiya ay nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at kahandaang ibigay ang sarili sa paglilingkod.  Tunay ngang bago tayo magsalo sa hapag ng Panginoon ay dapat maghugasan muna ng paa! Weirdo pero totoo!

Sabado, Marso 23, 2013

BANAL ANG MAHAL : Reflection for PASSION SUNDAY - March 24, 2013 - Year of Faith

Mga Mahal na Araw na naman! Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang translation na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal". Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sanaay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!  Wag gawing CHEAP ang MGA MAHAL NA ARAW!

Sabado, Marso 16, 2013

PANGHUHUSGA AT PAGPAPATAWAD: Reflection for the 5th Sunday of Lent Year C - March 17, 2013 - Year of Faith

Habemus Papam! We have a Pope!  Ito ang masayang pagbubunyin isinigaw nating mga Kristiyano noong nakaraang March 13, 2013.  Si Papa Francisco ang ika 566th Pope na mamumuno sa ating Simbahan.  Ang tunay nyang pangalan ay Jorge Mario Cardinal Bergolgio ng bansang Argentina.  Kinuha niya ang pangalang Papa Francisco hango kay San Francisco ng Asisi na larawan ng karukhaan, simpleng pamumuhay at tagapagbago ng Simbahan.  Dahil ang Santo Papang ito ay nanggaling sa isang bansang Third World ay maasahan natin ang kanyang natatanging pagtataguyod sa mga maralita.  Sa katunayan ay ito ang binigyang pansin niya sa unang Misang kanyang ipinagdiwang bilang Santo Papa na ang Simbahan ay dapat bumalik sa ugat nito... ang Simbahan ng mga Maralita o Church of the Poor.  Ang kapakumbabaan at kapayakan ng pamumuhay at pagkatao ng ating Santo Papa ang nakikita nating gagamitin niyang sandata upang harapin ang  napakarami at mabibigat na problemang kinakaharap ngayon ng Simbahan.  Tunay na mahirap mapanibago ng Simbahan ang kanyang sarili kung mananatili siya sa panghuhusga at hindi aaminin ang sariling pagkukulang at pagkakamali. Ang Simbahan ay tinatawagang magpakita ng habag kung paanong si Jesus ay nagpakita ng habag at awa sa ating lahat. Pakinggan ninyo ang kuwntong ito:   Minsan pinagkumpisal ng pari ang kanyang sakristan sa paghihinalang kinukupit nito ang mga koleksyon sa misa. Sumunod naman ang sakristan, ikinumpisal lahat ang kasalanan maliban sa pangungupit. Kaya't sinabi ng pari sa kanya: "Mukhang me nakalimutan ka atang sabihin... kinukupit mo ba ang koleksyon sa misa?" Sumunod ang isang mahabang katahimikan. Nainis na ang pari kaya siya ay lumabas sa kumpisalan at sinabi sa nakaluhod na sakristan. "Ano? bingi ka ba? Hindi mo ba ako narinig? Tinatanong kita kung kinukupit mo ang koleksyon!" Sagot ng bata: "Wala po akong marinig dito padre." Sabat ng pari: "Kalokohan, palit tayo ng lugar, ikaw ang maupo sa loob ako dito sa labas... magsalita ka." Nagsalita ng sakristan mula sa loob ng kumpisalan: "Father, bakit hindi pa ninyo ako sinusuwelduhan, yung SSS ko wala pa, yung health benefits ko wala pa rin... at saka sino yung babaeng laging pumupunta sa kumbento?" Sagot ng pari: "Iho, tama ka nga... wala akong naririnig dito..." hehehe... Kung minsan bingi tayo sa ating sariling pagkakamali. Napakadaling husgahan ng iba ngunit di naman natin makita ang ating sariling pagkakasala. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala! Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba... tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!"  Kung ngagawa tayong kahabagan ng Diyos, tayo rin sana ay matutong magpakita ng habag sa iba.  Ang Simbahan ng mga Maralita ay nagtatangi hindi lamang sa mga taong matutuwid kundi higit sa lahat ito ay bukas para sa mga makasalanang handang humingi ng tawad at magpatawad sa iba!

Linggo, Marso 10, 2013

ANG MABUTING AMA: Reflection for the 4th Sunday of Lent Year C - March 10, 2013 - Year of Faith

Sa bawat kuwento o telenobela ay parating may tinatanghal na bida at kontrabida.  Ang mga bida ay karaniwang ang mga taong may mabuting kalooban at ang mga kontrabida naman ay ang may masamang pag-uugali.  Hindi ito naiiba sa ating kuwento ngayon sa Ebanghelyo, ang talinhaga ng ALIBUGHANG ANAK.  Siya ba ang bida sa kuwwentong ito o isa siyang kontrabida?  Kung hindi siya ang bida ay sino?  Pakinggan ninyo ang isa pang kuwentong ito:  Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. Ang talinhaga ay angkop na pamagatang "The parable of the Good Father" imbis na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. Hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyang kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak!  Hindi natapos ang kanyang pagiging mabuti sa kanyan bunsong anak.  Mas ipinakita niya ito sa kanyag panganay na isang ring "alibugha".  Totoong siya ay nagsilbi sa kanyang ama ngunit pagsisilbi na walang tunay na pagmamahal.  Ipinakita pa rin nya ang kanyang pagiging makasarili sapagkat hindi niya matanggap ang kapatid niyang nagsisisi at ang kabutihan ng kanyang ama.  Siya rin ay nangangailangan ng pang-unawa at pagpapatawad at hindi iyon ipinagkait ng kanyang ama.  "Open-ended" ang kuwento.  Walang ending.  Hindi natin alam kung pumasok ba ang panganays sa bahay.  Hindi pa tapos ang kuwento sapagkat mayroon pang ikatlong alibughang anak at TAYO ang mga iyon...  ikaw ang gagawa ng ending sa talnhangang ito.  Tatanggapin mo ba ang kabutihang patuloy na ipinapakita sa iyo ng Diyos? 

Sabado, Marso 2, 2013

BE PATIENT AS GOD IS PATIENT WITH YOU: Reflection for 3rd Sunday of Lent C - March 3, 2013 - YEAR OF FAITH

May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?"  Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin:  "May hangganan ba ang awa ng Diyos?"  Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito.  Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:  "May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay  sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na.  Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery".  Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan.  Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!"  Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay.  Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance, third chance, fourh chance... Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan. Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin. Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwag nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos. Ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin.  At sapagkat may Diyos na mapagpasensiya at matiyaga sa atin ay dapat din tayong maging mapagpasiyensiya at matiyaga sa ating mga sarili.  Kung minsan ay kulang tayo sa pagtitiyaga kung kaya't hindi natin magawang magbago.  Ang paulit-ulit nating paggawa ng kasalanan ay parang nagiging kalyo na sa ating pagkatao at nawawalan na tayo ng pag-asang umahon pa sa ating pagkakasadlak sa masamang pamumuhay.  Ngayong Taon ng Pananampalataya ay magtiwala tayo sa kabutihan ng ating Diyos.  Ang ating Diyos na puspos ng awa ay nagtitiyaga sa ating masasamanag pag-uugali at hindi Siya magsasawang hintayin ang ating pagbabalik-loob. Kaya wag tayong masiraan ng loob. 'wag tayong mawalang ng pag-asa.  Kaya nating magbago.  Kaya nating maging tapat sa Diyos!
"Be patient for God is patient with you!"