"Be patient for God is patient with you!"
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 2, 2013
BE PATIENT AS GOD IS PATIENT WITH YOU: Reflection for 3rd Sunday of Lent C - March 3, 2013 - YEAR OF FAITH
May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?" Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin: "May hangganan ba ang awa ng Diyos?" Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na. Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery". Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!" Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay. Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance, third chance, fourh chance... Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan. Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin. Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwag nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos. Ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin. At sapagkat may Diyos na mapagpasensiya at matiyaga sa atin ay dapat din tayong maging mapagpasiyensiya at matiyaga sa ating mga sarili. Kung minsan ay kulang tayo sa pagtitiyaga kung kaya't hindi natin magawang magbago. Ang paulit-ulit nating paggawa ng kasalanan ay parang nagiging kalyo na sa ating pagkatao at nawawalan na tayo ng pag-asang umahon pa sa ating pagkakasadlak sa masamang pamumuhay. Ngayong Taon ng Pananampalataya ay magtiwala tayo sa kabutihan ng ating Diyos. Ang ating Diyos na puspos ng awa ay nagtitiyaga sa ating masasamanag pag-uugali at hindi Siya magsasawang hintayin ang ating pagbabalik-loob. Kaya wag tayong masiraan ng loob. 'wag tayong mawalang ng pag-asa. Kaya nating magbago. Kaya nating maging tapat sa Diyos!
"Be patient for God is patient with you!"
"Be patient for God is patient with you!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
Nabasa ko po ang inyong post ako ay na blessed kasi naka relate ako sa story .. ngayon mas naunawaan ko ang mga bagay bagay na dapat kong gawin .. kaya habang nabubuhay pa ay mas dapat pa tayong magpakalapit sa Panginoon..
Mag-post ng isang Komento