Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Marso 28, 2013
PAGHUHUGAS PAGLILINGKOD : Reflection for Holy Thursday Year C - March 28, 2013 - YEAR OF FAITH
Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago at pagkatapos kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa, parang commercial ng safeguard lang! Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa pagkatapos kumain! Siguro kung paa ang ginagamit ko sa pagkain eh maari! Parang weird yun! Pero pagkatapos ganapin ni Jesus ang "huling hapunan" ay iniutos at ginawa ito Niya ito sa kanyang mga alagad! Kung weirdo ang maghugas ng paa bago kumain eh mas weirdo ata ito: na si Jesus mismo ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller...! Si Hesus kaya ang bigboss nila noh? Bakit siya ang naghugas ng kanilang paa? May nais paratingin sa atin ang Panginoon. Nais mong maging leader? matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila? Matuto kang magpakumbaba! Ngayon ang Kapistahan ng Pagtatag ng Pagpapari; ang Sakramento na kung saan ay ipinakita ni Hesus ang kahulugan ng tunay na paglilingkod bilang Panginoon. Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Paghahati ng Tinapay... ang Eukaristiya. Ano ba ang Eukaristiya...? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad... Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita din sa Pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya. Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod... tulad ni Jesus! Ngayong Taon ng Pananampalataya, hilingin natin sa Panginoon ang biyayang maging mapagkumbabang tulad Niya na inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Hindi ito madali sapagkat katulad ng pinagpira-pirasong tinapay sa Eukaristiya ay nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at kahandaang ibigay ang sarili sa paglilingkod. Tunay ngang bago tayo magsalo sa hapag ng Panginoon ay dapat maghugasan muna ng paa! Weirdo pero totoo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
Padre, am posting this reflection to my Pambatang Katekesis page... in the absence of Fr Chris's homily... do include him in your prayers po padre... please...
Mag-post ng isang Komento