Sabado, Marso 30, 2013

EASTER & EASTER EGG : Reflection for Easter Sunday Year C - March 31, 2013 - YEAR OF FAITH


Bakit nga ba kapag dumarating ang Easter ay paghahanap ng Easter Egg ang napagbubuntunan ng atensiyon o kaya naman ay ang paghahabol ng Easter Bunny o kuneho? Minsan, may isang madreng nagtuturo sa mga bata tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Jesus. Tinanong niya ang mga bata kung ano ang ibig sabihin ng Easter para sa kanila. Sumagot ang isa: "Sister, ito po yung naghanap si Jesus ng easter eggs sa halamanan!" Ang isa naman: "Sister, ito po yung nagpunta si Jesus sa bukid at naghunting ng mga rabbit!" Laking pagkadismaya ng madre sa kanyang mga estudyante. Katoliko nga silang naturingan ngunti hindi naman alam ang kanilang pananampalataya. Nang may biglang tumayo at sumagot: "Sister, ang Easter po ay ang pagdiriwang natin ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang kanyang pagkatagumpay sa kamatayan!" Tuwang-tuwa ang madre sa sagot na narinig. Nasiyahan siya na sa wakas ay may estudyante naman pala siyang alam ang panananampalataya. "At ano ang ginawa ni Jesus pagkatapos niyang muling mabuhay?" nakangiting tanong ng madre. "Sister, siya po ay lumabas sa libingan. Nagpunta sa bukid at naghanap ng mga itlog at kuneho!" Bakit nga ba nahaluan na ng komersiyalismo ang pinahamahalaga natng pagdiriwang na mga kristiyano? Bakit "Easter Egg" ang napapansin at hindi na si Kristo? Bagamat ang paghahanda ng mga itlog ay nakagawian na ng tao tuwing sasapit ang Easter ay maari naman nating itama ang makamundong pag-intindi nito. Sa katunayan sa kasaysayan na kung saan ito ay nagmula 2, 500 na taon na ang nakalilipas, ang "itlog" ay ginagamit ng simbolo ng "rebirth of the earth" na isang kapistahang ipinagdiriwang ng mga pagano tuwing sasapit ang "spring season". Ito rin ay naging simbolo ng kasaganahan o "fertility". Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang itlog ay maari ring maging simbolo ng "bagong buhay". Bagong buhay na punong-puno ng pag-asa! At ito naman talaga ang kahulugan ng muling pagkabuhay ni Jesus: Isang bagong buhay ang kanyang iniaalok sa atin. Sa katunayan, ito ay tinanggap na natin sa Binyag... ang isang bagong buhay na pagiging anak ng Diyos Ama. Kaya nga't kapag sumasapit ang Easter Sunday ay lagi nating sinasariwa ang mga pangako natin sa Binyag na tatalikuran ang lahat ng kasamaan at tayo ay sasampalataya sa Diyos! Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng pangakong pagbabago sa ating pamumuhay bilang kristiyano! Ano ba ang dapat kong baguhin sa aking pag-iisip, pagsasalita at pagkilos upang maipahayag ko na ako ay isa sa mga tumanggap ng pagliligtas ni Jesus? Baka naman natapos ang panahon ng Kuwaresma na wala man lang tayong naitama sa ating masasamang pag-uugali. Ganoon pa rin tulad ng dati, mapagmataas, makasarili, nanlalamang sa kapwa, etc... Gising na! Layuan na natin ang mga nagpapasama sa ating pamumuhay bilang mga tapat na kristiyano. Naghahanap si Jesus hanggang ngayon, hindi ng mga easter egg o easter bunny ngunit tayo ang kanyang pilit na tinatagpo. Tinagpo niya si Maria Magdalena na tigib ng hapis sa libingan, tinagpo niya ang alagad sa kabila ng kanilang pagdududa at pagkatakot. Siya ang tumatagpo, tayo ang lumalayo. Patuloy ang biyaya ng kanyang muling pagkabuhay. Patuloy niyang inaalok sa atin ang kaligtasan. Nakatagpo ko ba siya sa panahong ito ng Kuwaresma? Kung hindi ay may kulang sa ating pagdiriwang ng Easter Sunday. Wala tayong pinag-iba sa mga taong ang Easter ay Easter Egg lamang. Mga kristiyanong nanatiling mga "itlog na bugok!" sa pananampalataya!

Walang komento: