Biyernes, Nobyembre 29, 2013

BAGONG TAON... BAGONG PAG-ASA... BAGONG BUHAY! : Reflection for 1st Sunday of Advent Year A - December 1, 2013


BAGONG TAON... BAGONG PAG-ASA... BAGONG BUHAY!  Para sa ating mga kababayang kasalukuyang bumabangon mula sa pagkadapa dahilan sa sunod-sunod na trahedyang nangyari sa ating bansa, tunay nga na ang pagsisimula ng panahon ng Adbiyento ay tila isang ilaw na tumatanglaw mula sa kadiliman.  Pagbangon ang namamayaning diwa ngayon sa marami nating mga kababayan at pagsisimulang muli para sa isang masaganang kinabukasan ang nagkakaisang pagkilos.  Ngunit hindi ito madali.  Batid natin ang maraming araw, buwan at taon na maaring pang gugulin upang maisakatuparan ito.  Batid natin ang maraming pang sakripisyo, pagtitiis at pagtitityaga ang kinakailangan pang gawin ng bawat isa.  Batid natin na mahaba pa ang daan ng paghihirap na kailangan nating tahakin bilang isang bansa.  Maghihintay tayo, aasa,  kikilos... babangon!  Hindi tayo magpapabaya. Sa halip ay gagamitin natin ang bawat pagkakataon taglay ang matatag na pag-asa at pananampalataya na hindi tayo pinababayaan ng Diyos!  Ito ang kahulugan ng ADBIYENTO... paghihintay na may ginagawa, umaasa taglay ang lakas ng loob at pagtitityaga na hindi nanghihinawa.  Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan din nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Halina kayo... at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon!" Gayun din si San Pablo: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti." Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Masyado ng na-commercialized ang pagdiriwang ng Pasko! Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo ang ibinibigay sa atin ng Simbahan upang itahimik ang ating mga puso. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan upang ipakita ang ating matiyagang paghihintay. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Bagong taon... bagong buhay.. bagong pag-asa! Bagong pag-asa ang ibinibigay sa atin sa pagdating ni Jesus! Halina, Emmanuel... manatili ka sa aming piling!

Sabado, Nobyembre 23, 2013

PAGBANGON! : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 24, 2013 - End of YEAR OF FAITH

PAGBANGON!  Ito ngayon ang namamayani sa puso ng mga kapatid nating nasalanta ng bagyong Yolanda.  Pagkatapos idapa ng bagyo ang kanilang bahay at buhay handa na uli silang bumangon na punong-puno ng pag-asa.  Nagkataon na ito rin ang inaasahan natin bilang mga Pilipino para sa ating nag-iisang hari ng BOXING na si Manny Pacquiao... ang kanyang MULING PAGBANGON!  Pagkatapos ng ng kanyang malaking pagkabigo at literal na pagkadapa at paghilata sa kanyang huling laban ay naririto siya muli na nagnanais tumayo at ipakitang ang pagkadapa ay hindi pagkatalo! Kaya nga ang isa sa mga motto na pinanghahawakan ko sa buhay ay "Falling down does not make one a failure,,, staying down does!"   Pagkadapa...pagbangon!  Pagkalugmok... pagtayo! Pagkabigo... pag-asa!  Ito rin ang ating makikita ngayon sa pagbasa.  Sa pagkatao ng magnanakaw na nasa tabi ni Jesus ay nakita natin ang pagnanais ng isang taong bumangon muli at bumawi sa maraming pagkakamali niya sa buhay.  Paano niya nagawa ito ng may lakas ng loob sa kabila ng kahinaan ng kanyang katawan?  Napagtanto ng taong iyon na nasa kanyang tabi ang isang kinikilalang hari na hindi mapanghusga kundi mapagpagpatawad.  Isang Hari na handang umalalay sa kanyang PAGBANGON.   Ngayon ang Kapistahan ni Jesus na Kristong Hari na siyang hudyat din ng pagtatapos ng taong liturhiko. Ano ba ang uri ng paghaharing ito? Ang isang hari ay pinagpipitagan at iginagalang ng mga tao kapalit ng paniniwalang pamumunuan sila nito ng may katarungan at pag-aaruga. Ang isang hari sa wikang ingles ay dapat na maging isang "gracious king!" Doon lamang siya makakakuha ng rispeto at pagsunod sa kanyang mga nasasakupan. Ito marahil ang nakita at nadama ng magnanakaw na nasa kanyang tabi kaya't nassabi nitong: "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!" Tunay ngang si Jesus na ating hari ay puno ng kagandahang-loob! Jesus is a gracious king! Kung kaya't wala rin tayong dapat katakutan kung tatawagin na Niya tayong tumayo sa Kanyang harapan at magsulit ng ating buhay. Manginig tayo sa takot kung tayo ay nagpabaya at natagpuan niyang hindi handa! Kaya nga't sa muling pagbabalik ni Kristong hari ay inaasahan tayong paghandaan ng mabuti ang kanyang pagdating. Paghandaan natin ito sa pamamagitan ng isang mabuting pamumuhay at tapat na paglilingkod sa kapwa. Si Kristong Hari ay hari sapagkat bukas palad ang kanyang pagilingkod.Paglilingkod na walang itinatangi at pinipili. Paglilingkod na nakatuon sa ikabubuti ng iba at hindi ng sarili. Paglilingkod ng ng isang tunay na SERVANT-LEADER! Hinihintay nating lahat ang kanyang muling pagbabalik. Darating muli ang ating Hari. Paghandaan natin ang araw na ito.  Tinatapos din natin sa araw na ito ang YEAR OF FAITH.  Muli ang Diyos ay nag-aanyaya sa ating pumasok at makibahagi sa Kanyang buhay.  Nais Niyang MAGPASAKOP tayo sa Kanyang paghahari.  Masasabi ko bang tunay na akong pinaghaharian ng Diyos?  Ang Taon ng Pananampalataya ay dapat nagbigay sa atin ng katatagan ng kalooban at inspirasyon upang magpasakop tayo sa Diyos at sa Kanyang paghahari.  Kung saka-sakaling mas marami ang ating pagkadapa sa ating buhay Kristiyano ay huwang tayong masiraan ng loob.  Lagi tayong may tinatawag na PAGBANGON!

Sabado, Nobyembre 16, 2013

KATAPUSAN AT PAGTITIYAGA: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 17, 2013

Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw.  Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!"  Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!"  Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!"  Kung minsan ay nakakarinig tayo ng ganitong mga kataga na nagsasabing malapit na ang katapusan ng panahon.  Kung sabagay ay hindi na ito bago sapagkat noong taong 1914, si Charles Russel, na tagapagtatag ng Jehova's Witnesses ay nagsabing magugunaw na ang mundo ngunit di naman nangyari  Noong pagpapalit ng muilenyo, taong 2000 ay kinatakutan ang Y2K at sinabing ito na rin ang magtatapos sa mundo, ngunit wala ring nangyari.  Taong 2012, isa na namang prediksiyon ang lumabas na nagsabing magugunaw na ang mundo ayon sa Mayan calendar, ngunit wala ring nangyar.  Ano ang sinasabi nito?  Pinabubulaanan ba nito ang maundo ay walang may katapusan?  Sa ating pananampalatay ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON.  Sa katunayan aylagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay!  SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!  Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo.  Paano ba ating Kristiyanong pag-intindi dito?   Sa ating mga pagbasa lalo na a Ebanghelyo ay nagbabala ang Paningoon na darating ang "katapusan", hindi upang takutin tayo bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito.  Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari.  Ngunit hindi ito mahalaga.  May mas mahalaga pang nais ipabatid si Jesus sa atin at iyon ay ang ating inakailangang paghahanda paghahanda.  Sa ikalawang sulat sa San Pablo sa mga taga-Tesalonika ay pinagsabihan niya ang mga ito namaghintay sa pagdating ni Jesus na may "ginagawa".  Hindi maaring magwalang-bahala na lamang sa mga araw-araw na gawain.  Ang tunay na paghahanda ay dapat may pagkilos.  Sa Ebanghelyo naman ay binigyang diin ni Jesus ang pagtitiis sa mga hirap na ating dinaranas ngayon habang hinihintay natin ang kanyang pagdating.  Paulit-ulit niyang sinasabi na "huwag tayong mabalisa!"  Totoo nga naman, wala tayong dapat ikatakot kung handa naman tayo sa pagharap sa kanya upang sulitin ang ating mga ginawa dito sa lupa.  May mga nararanasan tayo ngayong mga kaguluha,, kairapang dulot ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, pagkagutom ng maraming tao... para bagang lahat ay tumutukoy sa sinasabi ni Jesus.  Huwag tayong mabahala.  Sa halip ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at marangal.  Ang Diyos ang maggagawad sa atin ng katarungan!  Ngunti kinakailangan munang tayong magtiis at magtiyaga.  

Sabado, Nobyembre 9, 2013

DIYOS NA BUHAY... DIYOS NG BUHAY; Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 10, 2013 - YEAR OF FAITH

Pagkatapos ng lindol sa Bohol at super typhoon Yolanda ano na naman kaya ang susunod na delubyo na darating sa atin?  Nagkakatotoo na ata ang project Genesis! Bakit nga ba paborito tayong bisitahin ng mga kalamidad?  May kinalaman ba rito ang ating pagiging "hospitable"?  May maganda akong narinig na kumento sa CNN tungkol sa ating mga Pilipino sa paghagupit sa atin ng bagyong Yolanda.  Sabi ng isang commentator:  "Time to get to know the Filipino people...unbelievably resilient, long suffering, good natured, uber friendly, loyal, ingenius, and a bunch of survivors.  At the end of the day, the Filipinos will just shake off the dirt from their clothes and go about their business... and SMILE.  They do not complain much, they will bear as long as they can..."  Saan ba natin hinuhugot ang ganitong lakas ng loob na pagharap sa mga pagsubok na dumarating sa ating buhay?  Marahil ay hindi natin maipagkakaila na ito ay dahil sa ating PANANAMPALATAYA SA DIYOS NA BUHAY!  Naniniwala tayong may Diyos na buhay na tutulong sa atin upang muling bumangon mula sa ating pagkadapa sa anumang kahirapan sa buhay.  Naniniwala tayo na ang ating Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi DIYOS NG MGA BUHAY!  Ito rin ang sinasabi ng ating mga pagbasa ngayon.  Sa Aklat ng Maccabeo ay narinig natin ang katatagan ng pananampalataya ng mga magkakapatid na Hudyo na ayaw sumunod sa utos ng hari na kumain ng pagkaing ipinagbabawal sa kanilang kautusan.  Maging kamatayan ay hindi naging hadlang sa kanila: “Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos."   Sa Ebanghelyo ay muling pinaalala sa atin ni Jesus ang katotohanan ng muling pagkabuhay sa pagsasabing "... ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.”   Marahil ay wala ng mas higit pang makapagbibigay sa atin ng pag-asa na may Diyos tayong buhay at dahil sa Kanya ay nabubuhay tayong lahat.  Kaya kahit sa kamatayan ay buhay ang ating pag-asa. Pansinin ninyo na marami sa atin ay nagdiriwang ng Undas sa unang araw ng Nobyembre na kung saan ay ginugunita natin ang Araw ng mga Banal.  Hindi ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2?  Ang aking paliwanag dito ay sapagkat marahil ay napaka-positibo ang ating pagtingin sa kamatayan at dahil dito ay buhay ang ating pag-asang sila ay nasa piling na ng ating Diyos na Buhay kaya't isinasama na natin sila sa hanay ng mga banal. Sa pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya, ay panatilihin nating buhay ang ating pag-asa.  Walang sinumang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.  Ito man ay kalamidad, kaguluhan, o kahirapan... ang lahat nang ito ay hindi mapapantayan ng Kanyang pagmamahal.  Ang Diyos na buhay ay Diyos ng buhay!