Biyernes, Nobyembre 29, 2013

BAGONG TAON... BAGONG PAG-ASA... BAGONG BUHAY! : Reflection for 1st Sunday of Advent Year A - December 1, 2013


BAGONG TAON... BAGONG PAG-ASA... BAGONG BUHAY!  Para sa ating mga kababayang kasalukuyang bumabangon mula sa pagkadapa dahilan sa sunod-sunod na trahedyang nangyari sa ating bansa, tunay nga na ang pagsisimula ng panahon ng Adbiyento ay tila isang ilaw na tumatanglaw mula sa kadiliman.  Pagbangon ang namamayaning diwa ngayon sa marami nating mga kababayan at pagsisimulang muli para sa isang masaganang kinabukasan ang nagkakaisang pagkilos.  Ngunit hindi ito madali.  Batid natin ang maraming araw, buwan at taon na maaring pang gugulin upang maisakatuparan ito.  Batid natin ang maraming pang sakripisyo, pagtitiis at pagtitityaga ang kinakailangan pang gawin ng bawat isa.  Batid natin na mahaba pa ang daan ng paghihirap na kailangan nating tahakin bilang isang bansa.  Maghihintay tayo, aasa,  kikilos... babangon!  Hindi tayo magpapabaya. Sa halip ay gagamitin natin ang bawat pagkakataon taglay ang matatag na pag-asa at pananampalataya na hindi tayo pinababayaan ng Diyos!  Ito ang kahulugan ng ADBIYENTO... paghihintay na may ginagawa, umaasa taglay ang lakas ng loob at pagtitityaga na hindi nanghihinawa.  Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan din nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Halina kayo... at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon!" Gayun din si San Pablo: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti." Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Masyado ng na-commercialized ang pagdiriwang ng Pasko! Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo ang ibinibigay sa atin ng Simbahan upang itahimik ang ating mga puso. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan upang ipakita ang ating matiyagang paghihintay. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Bagong taon... bagong buhay.. bagong pag-asa! Bagong pag-asa ang ibinibigay sa atin sa pagdating ni Jesus! Halina, Emmanuel... manatili ka sa aming piling!

Walang komento: