Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 9, 2013
DIYOS NA BUHAY... DIYOS NG BUHAY; Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 10, 2013 - YEAR OF FAITH
Pagkatapos ng lindol sa Bohol at super typhoon Yolanda ano na naman kaya ang susunod na delubyo na darating sa atin? Nagkakatotoo na ata ang project Genesis! Bakit nga ba paborito tayong bisitahin ng mga kalamidad? May kinalaman ba rito ang ating pagiging "hospitable"? May maganda akong narinig na kumento sa CNN tungkol sa ating mga Pilipino sa paghagupit sa atin ng bagyong Yolanda. Sabi ng isang commentator: "Time to get to know the Filipino people...unbelievably resilient, long suffering, good natured, uber friendly, loyal, ingenius, and a bunch of survivors. At the end of the day, the Filipinos will just shake off the dirt from their clothes and go about their business... and SMILE. They do not complain much, they will bear as long as they can..." Saan ba natin hinuhugot ang ganitong lakas ng loob na pagharap sa mga pagsubok na dumarating sa ating buhay? Marahil ay hindi natin maipagkakaila na ito ay dahil sa ating PANANAMPALATAYA SA DIYOS NA BUHAY! Naniniwala tayong may Diyos na buhay na tutulong sa atin upang muling bumangon mula sa ating pagkadapa sa anumang kahirapan sa buhay. Naniniwala tayo na ang ating Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi DIYOS NG MGA BUHAY! Ito rin ang sinasabi ng ating mga pagbasa ngayon. Sa Aklat ng Maccabeo ay narinig natin ang katatagan ng pananampalataya ng mga magkakapatid na Hudyo na ayaw sumunod sa utos ng hari na kumain ng pagkaing ipinagbabawal sa kanilang kautusan. Maging kamatayan ay hindi naging hadlang sa kanila: “Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos." Sa Ebanghelyo ay muling pinaalala sa atin ni Jesus ang katotohanan ng muling pagkabuhay sa pagsasabing "... ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.” Marahil ay wala ng mas higit pang makapagbibigay sa atin ng pag-asa na may Diyos tayong buhay at dahil sa Kanya ay nabubuhay tayong lahat. Kaya kahit sa kamatayan ay buhay ang ating pag-asa. Pansinin ninyo na marami sa atin ay nagdiriwang ng Undas sa unang araw ng Nobyembre na kung saan ay ginugunita natin ang Araw ng mga Banal. Hindi ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Ang aking paliwanag dito ay sapagkat marahil ay napaka-positibo ang ating pagtingin sa kamatayan at dahil dito ay buhay ang ating pag-asang sila ay nasa piling na ng ating Diyos na Buhay kaya't isinasama na natin sila sa hanay ng mga banal. Sa pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya, ay panatilihin nating buhay ang ating pag-asa. Walang sinumang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Ito man ay kalamidad, kaguluhan, o kahirapan... ang lahat nang ito ay hindi mapapantayan ng Kanyang pagmamahal. Ang Diyos na buhay ay Diyos ng buhay!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento