Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 23, 2013
PAGBANGON! : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 24, 2013 - End of YEAR OF FAITH
PAGBANGON! Ito ngayon ang namamayani sa puso ng mga kapatid nating nasalanta ng bagyong Yolanda. Pagkatapos idapa ng bagyo ang kanilang bahay at buhay handa na uli silang bumangon na punong-puno ng pag-asa. Nagkataon na ito rin ang inaasahan natin bilang mga Pilipino para sa ating nag-iisang hari ng BOXING na si Manny Pacquiao... ang kanyang MULING PAGBANGON! Pagkatapos ng ng kanyang malaking pagkabigo at literal na pagkadapa at paghilata sa kanyang huling laban ay naririto siya muli na nagnanais tumayo at ipakitang ang pagkadapa ay hindi pagkatalo! Kaya nga ang isa sa mga motto na pinanghahawakan ko sa buhay ay "Falling down does not make one a failure,,, staying down does!" Pagkadapa...pagbangon! Pagkalugmok... pagtayo! Pagkabigo... pag-asa! Ito rin ang ating makikita ngayon sa pagbasa. Sa pagkatao ng magnanakaw na nasa tabi ni Jesus ay nakita natin ang pagnanais ng isang taong bumangon muli at bumawi sa maraming pagkakamali niya sa buhay. Paano niya nagawa ito ng may lakas ng loob sa kabila ng kahinaan ng kanyang katawan? Napagtanto ng taong iyon na nasa kanyang tabi ang isang kinikilalang hari na hindi mapanghusga kundi mapagpagpatawad. Isang Hari na handang umalalay sa kanyang PAGBANGON. Ngayon ang Kapistahan ni Jesus na Kristong Hari na siyang hudyat din ng pagtatapos ng taong liturhiko. Ano ba ang uri ng paghaharing ito? Ang isang hari ay pinagpipitagan at iginagalang ng mga tao kapalit ng paniniwalang pamumunuan sila nito ng may katarungan at pag-aaruga. Ang isang hari sa wikang ingles ay dapat na maging isang "gracious king!" Doon lamang siya makakakuha ng rispeto at pagsunod sa kanyang mga nasasakupan. Ito marahil ang nakita at nadama ng magnanakaw na nasa kanyang tabi kaya't nassabi nitong: "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!" Tunay ngang si Jesus na ating hari ay puno ng kagandahang-loob! Jesus is a gracious king! Kung kaya't wala rin tayong dapat katakutan kung tatawagin na Niya tayong tumayo sa Kanyang harapan at magsulit ng ating buhay. Manginig tayo sa takot kung tayo ay nagpabaya at natagpuan niyang hindi handa! Kaya nga't sa muling pagbabalik ni Kristong hari ay inaasahan tayong paghandaan ng mabuti ang kanyang pagdating. Paghandaan natin ito sa pamamagitan ng isang mabuting pamumuhay at tapat na paglilingkod sa kapwa. Si Kristong Hari ay hari sapagkat bukas palad ang kanyang pagilingkod.Paglilingkod na walang itinatangi at pinipili. Paglilingkod na nakatuon sa ikabubuti ng iba at hindi ng sarili. Paglilingkod ng ng isang tunay na SERVANT-LEADER! Hinihintay nating lahat ang kanyang muling pagbabalik. Darating muli ang ating Hari. Paghandaan natin ang araw na ito. Tinatapos din natin sa araw na ito ang YEAR OF FAITH. Muli ang Diyos ay nag-aanyaya sa ating pumasok at makibahagi sa Kanyang buhay. Nais Niyang MAGPASAKOP tayo sa Kanyang paghahari. Masasabi ko bang tunay na akong pinaghaharian ng Diyos? Ang Taon ng Pananampalataya ay dapat nagbigay sa atin ng katatagan ng kalooban at inspirasyon upang magpasakop tayo sa Diyos at sa Kanyang paghahari. Kung saka-sakaling mas marami ang ating pagkadapa sa ating buhay Kristiyano ay huwang tayong masiraan ng loob. Lagi tayong may tinatawag na PAGBANGON!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento