Sabado, Pebrero 22, 2014

"INAMORATA": Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year A - February 23, 2014 - YEAR OF THE LAITY


Sino ang binigyan mo ng regalo noong nakaraang Valentines Day? Siguro nagbigay ka ng bulaklak sa iyong "inamorata"(my beloved, sweetheart). Siguro nagbigay ka ng cake sa mga magulang mo. Siguro nagbigay ka ng simpleng card sa 'yong mga minamahal na kaibigan. May ibinigay ka ba sa iyong kaaway? "At bakit naman ako magbibigay ng regalo sa aking kaaway?  May saltik lang ang gumagawa nun!" sabi mo siguro.  Marahil kung magbigay ka man ng rosas ay rosas na may bubuyog! Siguro kung pagkain naman ay pagkaing panis! Siguro kung ice cream ay ice cream na tunaw at puwede ng gawing juice! Totoo nga naman... mahirap mahalin ang kaaway. Mahirap magpakita ng pagmamahal sa taong nagbibigay sa iyo ng sama ng loob! May isang bilanggong pari noong World War II ang nakapiit sa isang concentration camp. Nalaman ng guwardia na siya ay isang Katolikong pari kaya't kinutya niya ito. Sinampal siya at sabay sabi: "Nakasulat sa inyong Bibliya na kapag sinampal ka sa kanang pisngi ay ibigay mo ang kaliwa!" Dahan-dahang hinarap ng pari ang kanyang kaliwang pisngi. Sinampal siya ng sundalo at sabay ngisi. "Kapatid" sabi ng pari, "natupad ko na ang sinasaad sa Banal na Kasulatan," sabay taas ng kanyang kamay at isang malakas na upper cut ang kanyang pinakawalan ng pari. "Mata sa mata... ngipin sa ngipin!" Ito ang batas na umiiral sa Lumang Tipan. Hindi lamang upang makapaghiganti ngunit upang makapagbigay ng hustisya sa taong naargabyado. Ngunit ano ang mangyayari kung patuloy nating paiiralin ang batas na ito? Ang sabi ng namayapang si Mahatma Gandhi na nikilala dahil sa kanyang adbokasiya sa "active non-violence""Kung paiiralin natin ang batas na mata sa mata at ngipin sa ngipin, darating ang araw na ang ating mundo ay punong-puno ng mga bulag at bungi!" Totoo nga naman. Hindi kapayapaan ang iiral kundi paghihiganti! Kaya nga pinaging-ganap ni Jesus ang aral na ito ng Lumang Tipan ng sinabi niyang "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo..." Maari bang ibigin ang kaaway? Mahirap ngunit posible! Maari sapagkat ang tunay na pag-ibig ay hindi pakiramdam. Sabi sa isang nabasa kong aklat: "Loving is willing not feeling!" Ginusto mo ang magmahal! Iniibig mo ang isang tao hindi sapagkat "feel" mo na mahal mo siya at mahal ka niya. E papaano kung hindi ka niya "feel"? Si Jesus ay namatay sa krus para sa atin hindi sapagkat "feel" niya tayong mahalin ngunit sapagkat ginusto niya na sundin ang kalooban ng Ama. Nagpapatawad ka hindi sapagkat "feel" mong magpatawad ngunit sapagkat nais mong magpatawad. Kung minsan kinakailangan nating turuan ang ating mga puso. Marami sa atin ang broken hearted sapagkat nasa feeling level lamang ang ating pagmamahal. Subukan mong magmahal katulad ng pagmamahal sa iyo ng Diyos. Magmahal ka hindi lamang sa mga taong mahal mo ngunit maging sa mga kaaway mo.  Ang slogan ng Year of the Laity ay "Choose to Be Brave".  Ang kabaliktaran ng LOVE ay hindi HATE kundi... FEAR! Totoo ito, takot lang tayong magmahal kung kaya't poot at pag-aalinlangan ang namamayani sa ating mga puso.  Ang taong piniling maging matapang ay hinaharap at kinakalaban ang kanyang takot!  Huwag tayong matakot na mahalin ang ating sarili.  Huwag tayong matakot na mahalin ang ating kapwa.  HUwag tayong matakot na mahalin ang Diyos.  Tandaan natin na tayong ay kanyang "inamorata" (beloved).  Minamahal Niya tayong lahat.

Sabado, Pebrero 15, 2014

ANG TUNAY NA MAS MAKAPANGYARIHAN SA DIYOS: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - February 16, 2014

"Nanay, ano po ba ang sampung utos?" tanong ng isang bata sa kanyang ina. "Anak, " sagot ng nanay, "'Yan ang ibinigay ng Diyos kay Moises at ipinapakita nito na ang Diyos ay Makapangyarihan!" Bahagyang tumahimik ang bata at nag-isip. "Kung gayon nanay, mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos!" Bulalas ng batang nakangiti. "Bakit naman? Sagot muli ng nanay. "Kasi ang dami-dami n'yong utos eh! Ang Diyos... sampu lang!" Noong panahon ni Jesus ay may mga taong "mas makapangyarihan" pa sa Diyos! Ang mga Pariseo at mga Eskriba na itinalagang tagapag-alaga ng Kautusan ay naging mas makapangyarihan pa sa Diyos - pinarami nila ang sampung utos! Kaya nga si Jesus ay malimit na maakusahang binabalewala ang batas. Dahil para sa kanila, ang literal na pagsunod sa kautusan ang naggagarantiya ng kanilang kabanalan! Ang matuwid na Israelita ay sumusunod sa Kautusan! Ngunit malinaw ang mga salitang binitawan ni Jesus sa kanila, dumating Siya "hindi upang pawalang bisa ang kautusan kundi upang gawin itong ganap!" At iyon nga ang nais ni Jesus na kanilang maintindihan: Hindi ang sinasabi ng batas kundi ang layunin kung bakit ito ibinigay ng Diyos ang higit na mahalaga! Kasalanan ang pumatay ngunit baka hindi natin nakikita na ang "pagkapoot" sa kapwa ay nagdadala dito. Masama ang maki-apid ngunti baka hindi natin namamalayan na ang pagtingin at pag-iisip ng mahalay sa isang babae ay nagdadala rin sa atin sa kasalanang ito. Kaya nga ang nais ni Jesus ay muli nating balikan ang ating mga sarili at tanungin natin ng tapat kung bakit ba natin sinusunod ang kautusan. Ano ba ang layunin ng aking pagtupad sa mga kautusan? Bakit ako nagsisimba tuwing Linggo? Bakit kinakailangan kong sumunod sa magulang? Bakit masama ang magnakaw? Mahalaga ang pagsunod sa batas. Totoong katibayan ito ng ating katapatan sa Diyos. Ngunit sana ang mamayani sa atin ay hindi ang literal na pagtupad dito kundi ang diwang dapat maghari sa ating puso. At ang tanging diwang dapat mamayani sa atin ay "pag-ibig." Sinusunod ko ang Kautusan sapagkat "mahal ko ang Diyos! Tama ang sinabi ni San Agustin: "Love and do what you want!" Siguradong hindi tayo magkakamali sa ating mga desisyon kung sasamahan natin ng pagmamahal ang ating pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos!  Ngayong Taon ng Mga Layko,  ay binibigyan tayo ng pagkakataong pagyamanin at palalimin ang ating pakikilahok sa gawaing pagliligtas ng Panginoon.  Magagampanan natin ito ng mabuti kung batid natin ang dahilan ng ating paglilingkod at pagsunod sa Kanya.  Gawin natin ang hinihingi ng ating pagtawag ng may pagmamahal.  Sa ganitong paraan, ang mamayani ay hindi ang ating taglay na galing o kakayahan kundi ang kapangyarihan ng Diyos na naghahari sa puso ng taong masunurin at mapagkumbaba.  Sila ang mga tunay na "mas makapangyarihan" pa sa Diyos sapagkat ang kahinaan ng Diyos ay ang pagsusumamo ng taong mapagkumbaba at mapagmahal.

Sabado, Pebrero 8, 2014

TAYO AY ASIN AT ILAW: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year A - February 9, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Ang buwan ng Pebrero ay PRO-LIFE MONTH na kung saan ay inaanyayahan tayong ipagdasal, ipagtanggol at pangalagaan ang buhay ng tao, buhay na mula sa sinapupunan hanggang kamatayan nito.  May isa akong estudayante na may ganitong "motto" sa buhay: "To live not only to exist!"  Tunay nga naman na hindi lahat ng nag-eexist ay buhay!  May mga nilalang na may buhay at mayroon ding walang buhay.  Ngunit hindi sapagkat humihinga ay buhay na... baka nag-eexist lang sila at hindi naman talaga buhay!  May mga ilan kasing tao na parang walang patutunguhan ang buhay.  Hindi mo alam kung saan pupunta at parang walang direksiyon ang tinatahak na landas.  May mga ilan naman na sinasayang ang buhay nila sa makamundong pamumuhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakasisira sa kanilang katawan o kaya naman ay namumuhay na walang panggalang sa kanilang dignidad bilang tao.  Hindi lang sapat na tayo ay humihinga. Dapat din na tayo ay nabubuhay na BUHAY!  Sapagkat ang sabi nga ni San Ireneo: "The glory of God is man (and woman) who is fully alive!"  Ito rin ang binibigyang  diin ngayon sa ating Ebanghelyo.  Ito ang ibig sabihn na maging ASIN at ILAW NG SANLIBUTAN. Ang asin na walang lasa ay walang kuwenta.   Ngunit nawawalan ba ng alat ang asin?  Noong panahon ni Jesus na kung saan ang aisn ay direktang kinukuha sa dagat at parang mga "rock crystals" na inilalagay sa maliit na supot at ibinababad sa lutuin, ay talagang maaring mawalan ito ng lasa.  Kaya nga't ang mga latak nito ay itinatapon na lamang sa labas at inaapakan ng mga tao. Bilang "asin ng sanlibutan", pinapaalalahan tayo ni Jesus na "magbigay lasa" sa buhay ng iba.  Katulad din ito ng mensahe ni Jesus ng sinabi niyang tayo ay ILAW NG SANLIBUTAN at dapat ay magliwanag ang ating ilaw upang makita ng iba ang ating mabubuting gawa.  Iisa lang ipinahihiwatig ng dalawang paghahambing na ibinigay ni Jesus, na dapat ang bawat Kristiyano ay maging "Mabuting Balita" sa kanyang kapwa!  Ang pagiging "Mabuitng Balita" ay nangangahulugan ng isang MARANGAL at BANAL na pamumuhay nating lahat. Tandaan natin na ang kabutihan ay nakakahawa kung paanong ang kasamaan ay gayun din. Higit na nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay ng tao kung ginagamit niya ito para sa kabutihan.  Ngayong Taon ng mga Layko ay hinahamon tayong gamitin ang ating talino, talento, oras at kung ano mang meron tayo upang makatulong sa pagpapalaganap ng kabutihan.  Ikaw man ay nagtratrabaho, nag-aaral, o kahit nasa bahay lamang ay maari kang maging buhay na SAKSI ni Kristo.  Ang katapatan at pagiging makatarungan sa ating pang-araw-araw na gawain ay mga konkretong paraa upang maging ASIN AT ILAW ng mundo.  May alat at liwanag ka pa ba bilang Kristiyano?