Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 15, 2014
ANG TUNAY NA MAS MAKAPANGYARIHAN SA DIYOS: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - February 16, 2014
"Nanay, ano po ba ang sampung utos?" tanong ng isang bata sa kanyang ina. "Anak, " sagot ng nanay, "'Yan ang ibinigay ng Diyos kay Moises at ipinapakita nito na ang Diyos ay Makapangyarihan!" Bahagyang tumahimik ang bata at nag-isip. "Kung gayon nanay, mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos!" Bulalas ng batang nakangiti. "Bakit naman? Sagot muli ng nanay. "Kasi ang dami-dami n'yong utos eh! Ang Diyos... sampu lang!" Noong panahon ni Jesus ay may mga taong "mas makapangyarihan" pa sa Diyos! Ang mga Pariseo at mga Eskriba na itinalagang tagapag-alaga ng Kautusan ay naging mas makapangyarihan pa sa Diyos - pinarami nila ang sampung utos! Kaya nga si Jesus ay malimit na maakusahang binabalewala ang batas. Dahil para sa kanila, ang literal na pagsunod sa kautusan ang naggagarantiya ng kanilang kabanalan! Ang matuwid na Israelita ay sumusunod sa Kautusan! Ngunit malinaw ang mga salitang binitawan ni Jesus sa kanila, dumating Siya "hindi upang pawalang bisa ang kautusan kundi upang gawin itong ganap!" At iyon nga ang nais ni Jesus na kanilang maintindihan: Hindi ang sinasabi ng batas kundi ang layunin kung bakit ito ibinigay ng Diyos ang higit na mahalaga! Kasalanan ang pumatay ngunit baka hindi natin nakikita na ang "pagkapoot" sa kapwa ay nagdadala dito. Masama ang maki-apid ngunti baka hindi natin namamalayan na ang pagtingin at pag-iisip ng mahalay sa isang babae ay nagdadala rin sa atin sa kasalanang ito. Kaya nga ang nais ni Jesus ay muli nating balikan ang ating mga sarili at tanungin natin ng tapat kung bakit ba natin sinusunod ang kautusan. Ano ba ang layunin ng aking pagtupad sa mga kautusan? Bakit ako nagsisimba tuwing Linggo? Bakit kinakailangan kong sumunod sa magulang? Bakit masama ang magnakaw? Mahalaga ang pagsunod sa batas. Totoong katibayan ito ng ating katapatan sa Diyos. Ngunit sana ang mamayani sa atin ay hindi ang literal na pagtupad dito kundi ang diwang dapat maghari sa ating puso. At ang tanging diwang dapat mamayani sa atin ay "pag-ibig." Sinusunod ko ang Kautusan sapagkat "mahal ko ang Diyos! Tama ang sinabi ni San Agustin: "Love and do what you want!" Siguradong hindi tayo magkakamali sa ating mga desisyon kung sasamahan natin ng pagmamahal ang ating pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos! Ngayong Taon ng Mga Layko, ay binibigyan tayo ng pagkakataong pagyamanin at palalimin ang ating pakikilahok sa gawaing pagliligtas ng Panginoon. Magagampanan natin ito ng mabuti kung batid natin ang dahilan ng ating paglilingkod at pagsunod sa Kanya. Gawin natin ang hinihingi ng ating pagtawag ng may pagmamahal. Sa ganitong paraan, ang mamayani ay hindi ang ating taglay na galing o kakayahan kundi ang kapangyarihan ng Diyos na naghahari sa puso ng taong masunurin at mapagkumbaba. Sila ang mga tunay na "mas makapangyarihan" pa sa Diyos sapagkat ang kahinaan ng Diyos ay ang pagsusumamo ng taong mapagkumbaba at mapagmahal.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento