Sabado, Pebrero 22, 2014

"INAMORATA": Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year A - February 23, 2014 - YEAR OF THE LAITY


Sino ang binigyan mo ng regalo noong nakaraang Valentines Day? Siguro nagbigay ka ng bulaklak sa iyong "inamorata"(my beloved, sweetheart). Siguro nagbigay ka ng cake sa mga magulang mo. Siguro nagbigay ka ng simpleng card sa 'yong mga minamahal na kaibigan. May ibinigay ka ba sa iyong kaaway? "At bakit naman ako magbibigay ng regalo sa aking kaaway?  May saltik lang ang gumagawa nun!" sabi mo siguro.  Marahil kung magbigay ka man ng rosas ay rosas na may bubuyog! Siguro kung pagkain naman ay pagkaing panis! Siguro kung ice cream ay ice cream na tunaw at puwede ng gawing juice! Totoo nga naman... mahirap mahalin ang kaaway. Mahirap magpakita ng pagmamahal sa taong nagbibigay sa iyo ng sama ng loob! May isang bilanggong pari noong World War II ang nakapiit sa isang concentration camp. Nalaman ng guwardia na siya ay isang Katolikong pari kaya't kinutya niya ito. Sinampal siya at sabay sabi: "Nakasulat sa inyong Bibliya na kapag sinampal ka sa kanang pisngi ay ibigay mo ang kaliwa!" Dahan-dahang hinarap ng pari ang kanyang kaliwang pisngi. Sinampal siya ng sundalo at sabay ngisi. "Kapatid" sabi ng pari, "natupad ko na ang sinasaad sa Banal na Kasulatan," sabay taas ng kanyang kamay at isang malakas na upper cut ang kanyang pinakawalan ng pari. "Mata sa mata... ngipin sa ngipin!" Ito ang batas na umiiral sa Lumang Tipan. Hindi lamang upang makapaghiganti ngunit upang makapagbigay ng hustisya sa taong naargabyado. Ngunit ano ang mangyayari kung patuloy nating paiiralin ang batas na ito? Ang sabi ng namayapang si Mahatma Gandhi na nikilala dahil sa kanyang adbokasiya sa "active non-violence""Kung paiiralin natin ang batas na mata sa mata at ngipin sa ngipin, darating ang araw na ang ating mundo ay punong-puno ng mga bulag at bungi!" Totoo nga naman. Hindi kapayapaan ang iiral kundi paghihiganti! Kaya nga pinaging-ganap ni Jesus ang aral na ito ng Lumang Tipan ng sinabi niyang "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo..." Maari bang ibigin ang kaaway? Mahirap ngunit posible! Maari sapagkat ang tunay na pag-ibig ay hindi pakiramdam. Sabi sa isang nabasa kong aklat: "Loving is willing not feeling!" Ginusto mo ang magmahal! Iniibig mo ang isang tao hindi sapagkat "feel" mo na mahal mo siya at mahal ka niya. E papaano kung hindi ka niya "feel"? Si Jesus ay namatay sa krus para sa atin hindi sapagkat "feel" niya tayong mahalin ngunit sapagkat ginusto niya na sundin ang kalooban ng Ama. Nagpapatawad ka hindi sapagkat "feel" mong magpatawad ngunit sapagkat nais mong magpatawad. Kung minsan kinakailangan nating turuan ang ating mga puso. Marami sa atin ang broken hearted sapagkat nasa feeling level lamang ang ating pagmamahal. Subukan mong magmahal katulad ng pagmamahal sa iyo ng Diyos. Magmahal ka hindi lamang sa mga taong mahal mo ngunit maging sa mga kaaway mo.  Ang slogan ng Year of the Laity ay "Choose to Be Brave".  Ang kabaliktaran ng LOVE ay hindi HATE kundi... FEAR! Totoo ito, takot lang tayong magmahal kung kaya't poot at pag-aalinlangan ang namamayani sa ating mga puso.  Ang taong piniling maging matapang ay hinaharap at kinakalaban ang kanyang takot!  Huwag tayong matakot na mahalin ang ating sarili.  Huwag tayong matakot na mahalin ang ating kapwa.  HUwag tayong matakot na mahalin ang Diyos.  Tandaan natin na tayong ay kanyang "inamorata" (beloved).  Minamahal Niya tayong lahat.

Walang komento: