Sino ba ang "bossing" mo? Ang itunuturing nating "boss" ay mga taong nagdidikta ng ating gagawin at mga ikinikilos. Sila ang "nagpapatakbo" ng ating buhay. Ngunit di lang naman tao ang tinatawag nating "boss". Kahit ang mga materyal na bagay ay maaring tawaging "boss". Ano ba ang ating mga pinagkakaabalahan sa buhay? Ano ba ang ating mga alalahanin? Saan ba nakatuon ang ating puso?
Isang kura paroko ang balisang-balisa kung saan n'ya kukunin ang malaking halagang kinakailangan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang parokya. Sinisingil na s'ya ng mga contractors ng kanyang pinapagawang simbahan at parish hall. Ipinadala na ang notice ng Meralco na mapuputalan na sila ng kuryente. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala pa siyang pangsuweldo sa mga empleyado ng parokya. Gulong-gulo ang kanyang isipan. Saan s'ya hahanap ng pera? Nagkataong nagkaroon ng promo ang isang RC Cola, ang grand prize: sampung milyong piso! Simple lang ang gagawin. Bibili lang ng softdrinks. Bubuksan ang takip. Bubuuin ang tatlong numero: 1, 2 at 3! At presto... may 10 million pesos ka na! Agad-agad nagtungo ng tindahan si padre at bumili ng isang case na RC cola! Mukhang nadasalan niya ata ang mga softdrinks sapagkat sa unang bukas pa lamang ng tansan ay lumabas agad ang # 1. Sa susunod na bukas ay lumabas naman ang # 3. Excited na binuksan niya ang pangatlo ngunit hindi lumabas ang # 2. Nagbukas siya uli ngunit ang lumalabas ay pag hindi # 1 ay # 3. Ayaw talagang lumabas ng # 2. Nakasampung case na siya ng softdrinks ngunit wala pa rin ang #2. Nang biglang may lalaking lumapit sa kanya na ang sabi: "Father, gusto ko pong magkumpisal..." Balisang-balisang sumagot ang pari: "Bakit naman ngayon pa! May ginagawa ako! Bakit? Anu bang kasalanan mo?" Sumagot ang lalaki: "Father may number two po ako..." Biglang napasigaw ang pari: "Ano? may number two ka? Akin na lang!" ehehe.. Kung minsan katulad din tayo ng pari. Balisang-balisa sa paghahanap ng pera. Balisang-balisa sa pagkakaroon ng kayamanan! Para sa atin ang sinasabi ng Panginoon: "Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at kayamanan." Totoong kinakailangan natin ang pera para mabuhay. Kinakailangan natin ng pagkain, kasuotan at matitirhan. Ang mga ito ay nangangailangan ng salapi. Hindi masama ang maghangad at magkaroon nito. Ang masama ay sobrang paghahangad nito at nawawala na ang ating tiwala sa Diyos na mapagkalinga at mapag-aruga. Sa mga pagbasa sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayo ng Diyos na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa kanya. Sa unang pagbasa pa lamang ay sinasabihan na tayong kailanman ay hindi tayo malilimutan at tatalikuran ng Diyos kaya't dapat lang tayong magtiwala sa Kanya. Sa Ebanghelyo ay gumamit pa ang Panginoon ng mga halimbawa: ang mga ibon sa himpapawid, ang mga bulaklak sa parang: ang mga ito'y inaalagaan ng Diyos. Paano pa kaya tayong mga taong mas higit pa sa mga ito? Kaya nga't napakaganda ng kanyang habilin sa atin: "Hanapin natin ang kaharian ng Diyos at magsumikap na gawin ang Kanyang kalooban at ang atin namang pangangailangan ay Kanyang sasagutin." Tandaan natin na may mga bagay na hindi nabibili ng salapi tulad ng pagmamahal, pagpapatawad, kapayapaan at higit sa lahat ang kaligtasan ng ating kaluluwa! Magtrabaho tayo upang mabuhay. Ngunit mabuhay tayo na nagtratrabaho para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Tugunan natin ang mga pangunahing pangangailan ng ating katawan. Ngunit wag nating kalilimutan na may kaluluwa tayong dapat iligtas. Pagsilbihan natin ang tunay na amo! Hindi tayo maaring magsilbi ng sabay sa dalawang panginoon. Ngayong Taon ng mga Layko ay maging matapang tayo sa ating pagpili. "Choose to be brave!" Matapang piliin ang "tunay nating Boss" at paglingkuran natin Siya ng may galak at katapatan. Sino ba ang" bossing ng buhay mo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento