Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Miyerkules, Marso 5, 2014
MIYERKULES NG ABO (Reposted) : Reflection for Ash Wednesday - March 5, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom. Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan. Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". Minsang may isang dalagitang nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa? Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon. Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa noo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento